Chapter 8

8.2K 265 12
                                    

"SASABUNUTAN talaga kita kapag bumalik ka dito mamaya na wala kang magandang ibabalita," wika ni Joana, pinanlakihan pa siya nito ng mga mata.

Tumawa siya sa sinabi nito at naiiling na inayos ng lagay sa maliit na lamesa ang ilang tinapay na kabibili lang niya para kay Emanuel, tulog ang kapatid niya dahil nakainom na ito ng gamot kanina para sa kirot.

May ilang galos rin na natamo ito at kung minsan ay nararamdaman nito ang pagkirot ng mga galos, lalo na ang nabali nitong buto sa likod. Hindi niya masyadong pinakikilos ang kapatid dahil baka mabigla ang likod nito at lalo lamang sila na matengga sa ospital.

Hindi naman siya magsasawa na bilhan ng masustansyang pagkain si Emmanuel para kahit paano'y manaba ito at mas sumigla. Monitor naman niya ang gamutan ng kanyang kapatid at nasa oras ang pag-inom nito ng gamot.

"Ako na ang bahala dyan Emily, kumilos ka na at baka mamaya hindi mo maabutan si Liam sa opisina niya. Alam mo naman ang mga business man, marami silang trabaho. Wag kang pa-importante," kinuha nito sa kanya ang hawak niyang plastic na naglalaman ng ilang tinapay at sachet ng gatas para kay Emanuel.

Nangingiti na lamang talaga siya kay Joana dahil sa bibig nitong matabil at buti na lamang at sanay na siya sa kaibigan niyang ito.

Mabilis na kinuha niya ang kanyang bag at inayos ang sarili. Kailangan na nga talaga niyang umalis dahil baka may hindi inaasahan na meeting si Liam at hindi niya maabutan. Noong secretary pa siya ng binata ay madalas itong nasa meeting, maghihintay siya ng matagal kung sakali.

"Kapag hinanap ako dito Joana sabihin mo na may nilakad lang ako," paalala niya sa kaibigan.

Tumango ito. "Mag-iingat ka. Ako na muna ang bahala kay Emanuel."

Madali niyang nilisan ang ospital upang magtungo sa Wilifs Inc., wala pa man siya sa opisina ng binata ay iba na ang bilis ng tibok ng puso niya.

KINAKABAHAN na tinungo ni Emily ang elevator. Nasa W.I na siya at ang kaba na nararamdaman sa kanyang dibdib ay hindi niya kayang itago. Alam niya sa sarili niya na kahit hindi siya tumingin sa salamin ay malapit na siyang mamutla sa tensyon na nararamdaman.

Nang tumunog at bumukas ang elevator ay agad siyang pumasok doon at pinindot ang 26th floor button. Sana nga lamang ay nasa opisina nito si Liam, pinaghandaan niya ang araw na ito sakali man na pagalitan o masigawan siya nito ay tatanggapin niya.

Si Joana pa mismo ang nagtulak sa kanya na h'wag ng magdalawang isip pa na puntahan si Liam ngayong araw. Buti na lamang at naisipan niyang tawagan si Joana kahapon at nagkaroon siya ng kapalitan sa pagbabantay sa kapatid niya.

Nang marating niya ang floor ng Human Resources Department ay naging mabagal ang paghakbang niya na lumabas mula sa elevator.

Kahit pinagtitinginan siya ng ilang empleyado ay hindi niya na lamang pinansin at nagdere-deretso lamang siya ng lakad. Ilang sandali pa ay natanaw na niya ang nakasaradong opisina ni Liam. Huminto siya sandali ng makita ang isa sa mga HR Assistant nito na may kausap na kapwa empleyado tila katatapos lamang ng lunch break ng mga ito.

"Alexa," tawag niya sa pangalan nito.

Nang lingunin siya nito at makita ay nanlaki ang mga mata nito, mabilis itong lumapit sa kanya.

"Emily Rose, saan ka nagpunta? Alam mo bang si Sir Liam simula ng hindi ka na pumasok dito ang init na palagi ng ulo," agad na sambit nito. "Mas matindi siya ngayon kay Sir Louie, nakakatakot."

Napalunok siya sa narinig, gusto niyang umatras. Alam niya at nakita na niya kung paano manigaw at magalit si Louie pero kung mas matindi si Liam ngayon, sa pinsan nito ay baka manigas na lamang siya mamaya na parang rebulto kung sakali.

✔#1 Claimed by William FontalejoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon