Nakatulala lang ako habang iniisip pa rin ang mga bagay na gagawin ko ngayong araw, nakaupo na 'ko sa kama pero wala pa rin akong ganang tuluyang bumangon. Nakakatamad pa. Kung dala ko lang sana ngayon ang cellphone at ang laptop ko, kanina pa ako nakatapos ng isang chapter, kaso sa kasamaang palad, naiwan ko ang mga iyon sa kwarto ko.
Mabuti na lang din at dalawa naman ang kwarto ng bahay ni Dashiell, ang awkward kasi kapag nasa iisa lang kaming kwarto. Parang hindi ko ma-imagine na nasa iisa lang kaming kama.
Napatingala ako nang narinig ko ang sunod-sunod na katok sa pintuan, tumayo na ako at hinunat-hunat muna ang aking katawan bago ko ito tuluyang binuksan.
"Good morning, breakfast is ready" nakangiting bati sa akin ni Dashiell, sinuklian ko naman siya ng ngiti tsaka linakihan ang bukas ng pintuan.
"Magandang umaga rin, kailan ba tayo maghahanda para sa salo-salo mamayang gabi? Wala pa kasi tayong napiling susuotin," saad ko habang sinarado muli ang pintuan ng kwarto para makapunta na kami ni Dashiell sa kusina.
"Maya-maya, pupunta tayo sa bilihin ng mga damit at ng mga sapatos, nandiyan na rin pala ang mga damit mo sa may upuan. Dinala rito ni Vera kanina," sabi ni Dashiell tsaka umupo na, umupo naman ako sa tapat niya at hindi ko nga mapigilan na mamangha dahil sa pagkain na nakahain ngayon sa mesa. May brown rice, inihaw na isda, gulay, at marami ring mga prutas. Nakaka-enganyong kumain kapag ganito ang nakahain, 'yung hindi corned beef, bacon, at hotdog na lang palagi.
Tiningnan ko si Dashiell, bigla akong tinamaan ng hiya nang nakita kong nakatingin din pala siya sa akin, nakaukit sa mga labi niya ang isang nakakalokong ngisi.
"What's with that smirk, Dashiell?"
Sumandok muna siya ng kanin tsaka kumuha ng inihaw na isda at ng mga gulay.
"Wala naman, nakakatuwa ka lang tingnan. Parang bago ang lahat ng 'to sa 'yo e, pati pagkain pinagnanasaan mo," natatawa niyang sabi. Letse naman ang lalaking 'to, grabe sa pinagnanasaan, pwede bang ibang word naman ang gamitin niya? Hindi pwedeng namamangha lang?
"Hindi naman sa bago sa 'kin ang lahat ng 'to, minsan na lang kasi ako kumain ng ganitong mga pagkain. Usually, corned beef, hotdog, longganisa, sinigang, at adobo ang kinakain namin sa bahay. Nakakamiss din 'yung mga pagkain na simple lang pero masustansya. 'Yung mga hindi processed foods," rason ko tsaka sumandok na rin ng kanin at isda.
Isa pang bagay na kinatutuwa ko ay halos ng mga gamit dito ay gawa sa kahoy, makakapal na dahon at mga petals ng bulaklak. Iilan lang ang nakita kong gawa sa metal.
"Mabuti naman at maayos na ang pakiramdam mo, habang hinihintay natin na matahi ang gagamitin mong damit, may pupuntahan tayo." Tinaasan ko siya ng kilay dahil sa sinabi niya.
"Saan naman tayo pupunta? At anong ipapatahi? Mas matagal pa 'yon, pwede bang pumili na lang tayo ng damit na gamit na? Isang beses ko lang namang gagamitin e," suwestiyon ko. Sayang naman kasi kung magpapatahi pa kami, hindi naman araw-araw may salo-salo kaya saan ko naman gagamitin 'yung ipapatahi namin?
Nakita kong napatingin sa akin si Dashiell dahil sa sinabi ko, uminom muna siya ng tubig bago tuluyang nagsalita.
"'Yon ang utos ni Pinuno Ephraim, h'wag kang mag-alala, nasabihan na rin naman 'yung mananahi, kailangan niya na lang naman makuha ang sukat ng katawan mo," saad ni Dashiell tsaka muling nagpatuloy sa pagkain.
Huminga na lang ako nang malalim at itinuon na lang din ang atensyon ko sa kinakain ko. Wala na rin naman akong magagawa dahil desisyon na 'yon ni Pinuno Ephraim, papasalamatan ko na lang siya mamaya dahil sa magandang loob niya.
Nang matapos na kaming kumain ni Dashiell, tinulungan ko na siyang ligpitin 'yung mga pinagkainan namin. Pero no'ng maghuhugas na sana ako, pinigilan niya na ako dahil mas mabuti raw kung maligo na ako para mas mabilis kaming makapunta r'on sa mananahi.
BINABASA MO ANG
The Holocaust
FantasySa buhay, huwag mong hayaan ang sarili mo na makulong sa nakaraan, dahil kahit kailanman, hinding-hindi ka na makakausad. Ito ang estorya ng isang babae na nangangalang Ally Anderson, isang simpleng babae na namumuhay lang din naman nang simple ngu...