Naka-focused lang ang mga mata ko kina Dashiell at Harry na ngayon ay mabilis na tumatakbo papunta kung saan-saan. Sinubukan kong tamaan sila ng palaso ngunit tanging damplis lamang ang nagawa ko.
Shemay! Sobrang bilis kasi nila! Kaunti na lang, hindi ko na sila makikita.
"Mas bilisan mo ang galaw mo, Ally!" narinig kong sigaw ni Harry, huminga ako nang malalim at nagsimula na ring tumakbo, kahit gumagalaw ako, kailangan ko pa rin silang tamaan. Mahirap pero kailangan kong gawin.
Takbo pa rin sila nang takbo, kinakabahan na ako pero pinilit kong pakalmahin ang sarili ko. Naramdaman kong mas uminit ang katawan ko, ginawa kong dalawa ang aking palaso tsaka sabay na pinakawalan iyon, saktong magkalapit na sina Dashiell at Harry kaya pareho silang natamaan.
Akala ko, magpapatuloy pa rin sila sa pagtakbo pero napatakbo na lang ako papunta sa direksyon nila nang makita kong pareho silang bumagsak sa lupa.
Pareho silang namimilipit sa sakit, natamaan si Dashiell sa kanan niyang balikat habang natamaan naman si Harry sa kaliwa niyang binti. Inalis ko na ang Telum ko kaya naglaho na rin ang mga palasong nakatusok sa kanila.
Fudge, dapat hindi sila nasaktan! They have force fields as their armors for pete's sake!
"D-Dashiell, Harry! Huwag kayong mag-alala, tatawag ako ng tulong!" sabi ko, hindi ko mapigilan ang sarili ko na manginig dahil sa tindi ng takot na nararamdaman ko ngayon.
Nasaktan ko silang dalawa at mukhang malubha ang mga ito, kailangan kong makapunta kina Vera at Manang Estelle para makahingi ng tulong bago sila parehong maubusan ng dugo.
Aalis na sana ako pero naramdaman ko ang mahigpit na hawak sa akin ni Dashiell. Magsasalita pa sana ako pero hindi ko na iyon naituloy nang makita kong biglang lumiwanag ang mga kamay ko, itinapat ko 'yon sa sugat ni Dashiell at unti-unti na nga 'yong humihilom. Nararamdaman kong may lumalabas na enerhiya sa katawan ko, 'yon siguro ang ginagamit ng katawan ko para magkaroon ako ng kapangyarihan na makapaggamot.
"A-Ally," nauutal niyang tawag sa akin, gusto ko pa sanang magsalita pero parang hindi ko na kaya. Kailangan kong tipirin ang lakas ko para mahilom ko rin ang sugat ni Harry.
Nang nakita kong tuluyan nang nagsarado ang sugat ni Dashiell, agad akong pumunta kay Harry para gamutin din ang sugat niya sa binti. Nararamdaman kong nanghihina na ang katawan ko pero hindi pa rin ako tumitigil, kailangan ko siyang magamot. Ako ang dahilan kung bakit nagkasugat silang dalawa. Nawalan na naman kasi ako ng control sa sarili kong kapangyarihan.
"Sorry, Ally. It looks like we underestimated your strength," mahinang sabi ni Harry, umiling na lang ako bilang tugon. Wala ng lumalabas na boses sa bibig ko kaya mas pinili ko na lang na tumahimik.
Hindi ko rin inaasahan na masisira ng mga palaso ko ang force fields nila. Mukhang kailangang mas tatagan pa nila ang proteksyon nila sa kanilang mga sarili para hindi na sila masaktan uli sa tuwing nag-e-ensayo kami.
Napahinga ako nang maluwag nang nakita kong wala na ang sugat niya. Ramdam ko ang labis na panghihina ng katawan ko, kung meron lang sana akong katulad ng mga singsing ni Manang Estelle, mas mapapadali sana ang sitwasyon namin ngayon. Kung meron ako n'on, 'yon ang gagamitin ko mismo para makapaggamot, kaso sarili kong lakas ang ginamit ko kaya talaga namang nanghihina ang katawan ko.
Sinuportahan ko ang aking sarili gamit ang magkabila kong kamay, naramdaman ko ang paghawak ni Dashiell sa mga balikat ko kaya napatingin ako sa kaniya.
Unti-unti nang nanlalabo ang paningin ko pero kitang-kita ko pa rin ang pag-aalala sa kaniyang mga mata. Lumapit pa siya sa akin lalo tsaka inilapat ang kaniyang hinlalaki sa may ilong ko. Namilog ang mga mata ko nang may nakita akong dugo sa daliri niya.
BINABASA MO ANG
The Holocaust
Viễn tưởngSa buhay, huwag mong hayaan ang sarili mo na makulong sa nakaraan, dahil kahit kailanman, hinding-hindi ka na makakausad. Ito ang estorya ng isang babae na nangangalang Ally Anderson, isang simpleng babae na namumuhay lang din naman nang simple ngu...