Ilang taon nang lumipas nang pumanaw si Giselle. Buti na lamang at naiuwi ang bangkay nito sa Probinsya at doon na inilibing para naman mabisita ito ni Jesrill araw-araw tulad ngayon. Maaga siyang nagising para mag-ayos ng sarili. Nakabili na siya ng mga bulaklak at mga scented candles para sa Death Anniversary ng mahal niya.
Kamusta na nga ba siya? Siguro okay na. Tanggap na niya. Tanggap na niyang wala na talaga si Giselle. Pero hindi niya pa rin maintindihan kung totoo nga ba yung naranasan niya o kung tama ang mga kaibigan niya. Hanggang ngayo'y tinatanong niya ito palagi sa sarili lalo na sa tuwing Death Anniversary niya.
Nakasuot siya ng puting polo at itim na pantalon. May dala siyang mga puting rosas at katulad noon, walo lahat ito. Kahit may girlfriend na siya ngayo'y hindi pa rin niya maipagkaila na mahal na mahal pa rin niya ang dalaga. Limang taon na ang lumipas at sa araw na ito ang pang-anim na taon na wala si Giselle sa tabi niya. Mahirap pero kakayanin. Ganyan nga siguro talaga ang buhay. Kailangang tanggapin ang kailangang mangyari.
Maingat niyang inilagay ang bouquet sa harap ng puntod ng dalaga. Sinindihan niya ang kandila at naglagay ng apat na kandila sa tabi ng bouquet. Nag-alay siya ng dasal at kinausap ito tungkol sa mga taong nagdaan.
Ganyan nga talaga siguro ang buhay. Hindi natin makokontrol ang lahat. Hindi lahat sumasang-ayon sa plano. Pero kailangang harapin... kailangang tanggapin.
"One four three, Giselle. One four three," bulong niya't nakangiting nagmasid sa kalangitang nabuhayan dahil sa pagsikat ng araw.
--- (The End)