Oo

21 2 0
                                    

"Wala ba talaga?." Nanlulumong tanong ng lalake.

Bumuntong hininga ang babae kasabay ng pag ihip ng hangin. Dismayado ito, ngunit hindi na bago ang ganito sa kaniya.

"Wala." Diretsang tugon ng babae.

Napatungo na lang ang lalake dala ng lungkot.

Bahagyang natawa ang babae. 'Duwag' sabi nito sa kaniyang isipan.

"Gusto mong matuto kung paano manligaw?." Tanong ng babae na para bang nag-aalok lang ito ng candy.

Nakakatawa. Babae ituturo sa lalake kung paano manligaw?.

"Marunong ako." Yabang ng lalake kasabay ng maikling pagtawa.

"Talaga?.." Duda nito sa sagot ng lalake. Ibinaling niya ang kaniyang tingin sa langit. ".. Kung marunong ka, bakit ka nagtatanong kung may pag-asa ka?."

"'Di ba ganun naman dapat?." Kibit-balikat na sabi ng lalake.

Nilingon niya ang lalake. "Bakit?."

Sandaling napaisip ang lalake.

"Gusto naming makasiguro kung sasagutin niyo kami."

Natawa muli ang babae. Katawa-tawa sa kaniya ang katwirang 'yon.

"You mean, gusto niyong makasigurong sasagutin kayo bago kayo mag-aksaya ng oras at pagod sa'min?. Natatakot kayong mapunta lahat sa wala?."

"Oo. Tumpak!." Masaya pang sabi ng lalake.

".. Duwag lang ang humihingi ng kasiguruhan bago manligaw. Duwag ka." Walang kagatul-gatol na sagot ng babae.

Malinaw na narinig ng lalake ang mga salitang 'yon. Masakit. Ngunit kung 'yon ang paraang kailangang gawin upang tumatak sa isipan ang mga mensahe ay pwede na rin.

"Grabe." Naiilang na sagot ng lalake habang tumatawa. Tawang pinamalit sa lungkot.

"Layunin ng mga sundalo na manalo sa isang giyera. Hindi sila nagtatanong sa heneral nila kung mananalo sila o hindi; kung may laban sila o wala. Basta sasabak sila, kahit alanganin, dala nila lahat ng armas at kaalaman nila para lumaban; para siguruhing mananalo sila.."

Tahimik pa rin ang lalake. Napapaisip sa mga katwirang pinaniniwalaan niya.

".. Ang pagkapanalo, ginagawa. Hindi hinihingi."

"Hindi naman sa hinihingi namin yung oo niyo. Pero gusto lang namin ng assurance sa simula na may patutunguhan yung mga gagawin namin bago kami manligaw." Depensa ng lalake.

"Hindi mo naintindihan yung sinabi ko kanina 'no?." Tanong ng babae na tumitindi na ang dismaya sa lalake.

"Dahil ba lalake kami, bawal na kaming matakot?." Tanong ng lalake na parang pinangangatwiranan pa rin ang paghingi niya ng kasiguruhan bago manligaw.

"Puwede, pero hindi kailangan.."

Sa ngayon ay nalilito pa rin ang lalake, napapaisip.

".. Kung kilala mo ang sarili mo at alam mo ang halaga mo, bakit ka matatakot?. Kung hindi ka naniniwalang kaya mo 'kong pasagutin, bakit kita sasagutin?. Kung hindi mo alam ang tamang paraan ng panliligaw, paano mo 'ko makukuha?. Dahil tinanggihan kita, susuko ka?.."

Sunod-sunod ang tanong ng babae. Hindi nagsalita ang lalake. Pilit na iniintindi't pinapasok sa sistema niya ang mga ideyang ngayon lang niya narinig

".. Alam mo kung anong una mong gagawin bago ka manligaw?."

Napukaw ang atensyon ng lalake sa tanong na 'yon. Agad itong lumingon sa babae.

"Ano?."

"Sabihan mo siyang manliligaw ka. Tapos, gawin mo. Ganun kasimple."

Sabihan. Tanungin. Dalawang salitang magkaiba ng layunin, magkaiba ng kakailanganing tapang. Ang isa ay nanghihingi ng permiso, ang isa nama'y hindi.

"Hindi kami hihingi ng paalam?." Nagtatakang sabi ng lalake.

"Para saan?. Para 'pag tinanggihan kayo, sa babae ang sisi kahit kayo 'tong mabilis sumuko?.." Napatingin sa taas ang lalake na parang napapaisip sa sinabi ng babae.

Ibinalik nito ang tingin sa babae "Paano kung ayaw talaga ng babae?."

"Langya naman, kaya ka nga manliligaw eh.." Bahagyang natawa ang babae.

".. Alam mo ba kung bakit kailangan manligaw?." Tanong pa ng babae.

"Para mapa-'oo' yung babae."

Mabilis ang sagot ng lalake. Napaka-daling sagot. Pangkaraniwang kaalaman nito pero hanggang ngayo'y 'di pa din naiintindiha't isinasabuhay ng mga nanliligaw.

"Mismo.." Sang-ayon ng babae. ".. Gagawin mong 'oo' ang 'hindi'. Liligawan mo kasi ayaw niya. Susuyuin mo kasi tumatanggi. Yung kahit bulag ang mata niya sa mga rason kung bakit ayaw niya sa'yo, ipapakita mo pa rin sa kaniya lahat ng magandang katangian mo."

"Hmmm.. Tama ka naman dyan." Sang-ayon ng lalake.

"Sumasang-ayon ka pero gusto mo pa din ng paunang 'oo' bago ka manligaw?. Nakakatawa ka.." Nakangiting sabi ng babae.

Tumingin ito sa langit.

Ilang minuto pa ang lumipas. Naghintay ang babae na may magbago sa takbo ng isip ng lalake. Ngunit tahimik pa rin ito. Mukhang wala na.

"Aakyat na 'ko.." sabi ng babae tsaka tumayo mula sa batong upuan sa harap ng bahay niya. ".. Umuwi ka na."

"Kita tayo bukas, susunduin kita." Abiso ng lalake kasabay ng pagtayo nito mula sa upuan.

"Bakit?. May paguusapan pa ba tayo bukas?." Pagtataka ng babae.

Punong-puno ng kumpiyansa ang ngiti ng lalake.

"Gaya nga ng sabi mo, kailangan kong gawing 'oo' ang 'hindi'."

GunitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon