Dumi

11 1 0
                                    

"Nakakahiya, sister."

"Bakit naman?.." Usisa ng madre. ".. Tatanggapin ka Niya. Kahit gaano ka pa kadumi o kasama."

Nilingon ng dalaga ang madre. Puno ng pagsisi ang bawat luhang pumapatak mula sa mga mata niya.

"Marami akong kasalanan, sister, hindi lang basta pagiging pokpok. Hindi lang pagbebenta ng laman. Mas masahol.." Humahagulgol ito. ".. Ilang bata na ang ipinalaglag ko para lang makapagpatuloy ako sa trabaho ko.."

Napatungo ito.

".. Hindi Niya 'ko tatanggapin. Malamang galit na rin Siya sa'kin."

"Alam mo anak, lahat naman tayo ay makasalanan. Iba-iba lang tayo ng ginagawa ngunit walang higit na masama kanino man, dahil sa paningin Niya ay pantay-pantay tayo.."

Huminga ng malalim ang madre. Tsaka ngumiti. ".. Alam mo, maraming beses akong nangopya sa exam ko noong hayskul.."

Nilingon siya ng dalaga. Nagtataka. Bakit napasok ang bagay 'yon sa kalagitnaan ng pag-uusap nila?.

".. Magaan ang kasalanan ko kaysa sa nagawa mo pero hindi ibig-sabihin nun ay mas mabuti na akong tao kaysa sa'yo. Maaaring sa mata ng lipunan, oo. Pero ang Diyos, hindi Siya ganon mag-isip. Hindi ganon kababaw ang pagmamahal Niya para itakwil ang mga nagkakasala.."

Sandaling tumigil ang madre at hinawakan ang kamay ng dalaga bilang pagbibigay simpatya. ".. Hindi ka Niya kamumuhian dahil nagpalaglag ka ng sanggol. Hindi lamang ang mga pala-simba ang tangi Niyang mamahalin.."

".. 'Wag mong alalahanin ang relihiyon. Unahin mo ang ugnayan niyo ng Diyos. Siya lang, anak, Siya lang ang pagtuunan mo ng pansin. Hindi ang mga taong nag-aakalang sila ay mabuti kaysa sa iba.."

Pinahid ng dalaga ang mga luha niyang walang tigil sa pag-agos.

".. Wala kang dapat hangaan maliban sa Kaniya. Wala kang dapat kainggitan. 'Wag mong hayaang alipustahin ka ng mga relihiyosong tao dahil sa mga kasalaan mo, baluktot ang pag-iisip nila. Mali ang imaheng ginagawa nila sa relihiyon at sa Diyos. Hindi ganon ang pagmamahal ng Diyos. Kailanma'y hindi ka Niya aalipustahin.."

Umiiyak pa rin ang dalaga. Naliliwanagan na ang kaisipan niya ngunit naroon pa rin ang takot, ang hiya.

".. Kahit gaano kasama ang mga kasalanang ginawa mo, ang Diyos ay Diyos mo pa rin. Papatawarin ka Niya bago mo pa man maisipang gumawa ng kasalanan. Lalong-lalo na, tatanggapin ka Niya. Lumapit ka lang sa Kaniya."

"Parang hindi ko po kaya sa ngayon eh, sobrang dami pa ng mga kasalanan ko. Ni hindi ko pa naaalis 'tong pagka-puta 'ko."

"Anak, hindi mo kailangang linisin ang sarili mo bago ka humarap sa Kaniya. Lumapit ka sa Kaniya, Siya mismo ang maglilinis sa'yo.."

Tumatahan na ang dalaga.

".. Mahal tayo ng Diyos. Mahal ka Niya. Ang gusto lang Niya ay, lumapit ka sa Kaniya at lilinisin ka Niya."

GunitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon