Tahimik ang buong palapag at tanging ang yabag lang ng sapatos ng babae ang ingay. Mahabang pasilyo. Sinuong niya ito kasama ng kaba.
Sa dulo ng pasilyo ay isang studio kung saan nag-eensayo ang banda nila. Nandoon daw siya.
Parang kada metrong nilalapit niya sa kaniyang patutunguha'y siyang dagdag naman sa bilis ng tibok ng kaniyang puso. Hindi naman siya tumakbo pero parang hinihingal siya. Nahihirapan huminga't nagpapawis ng malamig.
At narito na siya. Kaharap ang pintuan. Pipihitin na lang niya ang doorknob, bilang yun naman ang normal na ginagawa para mabuksan ang pinto, ngunit pati 'yon ay kinatatakutan niyang gawin.
Para sa kaniya, ang gagawin niya sa doorknob na 'yon ay isang desisyong magiging mitsa ng dalawang magkaibang bagay na mangyayari sa araw na 'to. Kung papasok siya ay kakausapin na niya ang lalake at mailalabas na niya ang damdaming matagal na niyang tinatago. Kung hindi nama––––––
Biglang bumukas ang pinto.
Tang ina. Hindi pa 'ko tapos mag-isip.
"Oh.." Gulat na sabi ng lalakeng kaharap ng babae sa pintuan.
"Bakit mo binuksan yung pinto?." Tanging nasabi ng babae.
Napakunot ang noo ng lalake.
Tang ina. 'Pag nablanko ang isip mo wala ka talagang sasabihing matino 'no?. Yun bang bahala na. May masabi lang.
"Bawal ba?.." Tanong ng lalake kasunod ng pagtawa.
Umatras ang babae. Uuwi na siguro siya. Tama. Uuwi na lang siya. Hindi niya pa kaya. Hindi niya kaya. Tumalikod siya nang hindi tinutugunan ang tanong ng lalake.
Nilaparan ng lalake ang bukas sa pinto. ".. Pre may naghahanap sa'yo." Abiso nito sa lalake sa loob ng silid.
Leche. Epal kang kumag ka.
"Kung gagawin mo kung ano man ang naiisip kong matagal mo nang dapat ginawa, good luck.." Bulong ng lalake sa babae.
"Lara?." Tawag niya.
Mariing napapikit ang babae at pilit na humarap.
".. 'Wag mo na isipin kung anong mangyayari pagkatapos, gawin mo na lang." Nakangising sabi ng lalake kasabay ng pagtapik nito sa balikat ng babae.
"Hayop ka. Alis na."
Natawa na lang ang lalake tsaka umalis.
"Tatayo ka lang ba dyan?.." Natatawang sabi ni Tony. ".. Pasok ka. Paparinig ko sa'yo yung bagong areglo nung kanta, natapos ko na eh."
Naroon pa rin nakatayo ang babae. Sa puwesto niyang limang minuto na niyang kinalalagyan.
Leche. Gumalaw ka naman. Blangko lang ang utak mo pero hindi ka bato.
"Lara." Tawag nitong muli.
Bukas na ang pinto. Alam niyang nandito ako. Tanaw niya ako. Obligado na 'kong lumapit.
Wala nang atrasan 'to.
Humakbang ang babae papasok at umupo sa silya katabi ng lalake. Pinatugtog ng lalake ang record ng kanta habang abala pa din ang isip ng babae sa mga susunod niyang gagawin.
"Uy.." Nabalik sa kamalayan ang babae nang tapikin siya ng lalake. ".. 'Di ka naman nakikinig eh."
Tang ina. Hindi pa 'ko tapos mag-isip. Pero bahala na..
"Gusto kita." Usal ng babae.
"Ha?."
Sa isang iglap ay nilamon ng katahimikan ang silid.
Patuloy sa pagtugtog ang kantang ginawa ng lalake. Ngunit parang walang kahit anong maingay sa isip ng babae kundi ang mga boses na nagsasabing umalis na siya at magpalamon na lang sa lupa dala ng kahihiyan.
Nagsisi ito ngunit masaya. Nagdurusa siya sa tindi ng ilangang bumalot sa kanila ngunit masaya siya. Nasabi na niya. Yun lang naman ang nais niyang gawin.
"Lara.." Mahinang usal ng lalake.
Sa tono nito'y ramdam mo ang pagsisisi at lungkot. Parang nagbabadya sa paparating na pagtanggi.
Naalerto ang babae at nagpaalala.
"'Wag mo nang sabihin kung anong nararamdaman mo sa'kin. Hindi naman ako umaasang may mangyayari pagkatapos kong sabihin sa'yo 'to.." Nakangiti siya. Dahil totoo, hindi siya umaasa.
".. Sinabi ko lang para alam mo kung bakit ako didistansya sa'yo sa mga susunod na araw. Gusto kong mailabas ko na yung nararamdaman ko, para makalimot."
Maigi na siguro ito 'no?. Ang ipagpalagay na lang nating wala tayong pag-asa. Ang tanggapin na lang na walang posibilidad kaysa marinig mo pa mismo sa kaniya. Mas masakit kasi, 'di ba?. 'Pag sinabi niya sa'yong ayaw niya, na wala kang pag-asa at 'di ka niya gusto. Kahit ayaw mo, tatatak sa isip mo ang bawat salitang sinabi niya. Magiging kanta itong paulit-ulit na tutugtog sa isip mo. Kaya 'wag na. 'Wag na lang nating pakinggan para hindi natin maalala.
Duwag na kung iisipin pero kung 'yon ang mas madaling paraan para matanggap mo ang pagtanggi, ayos na rin. 'Di naman natin kailangang maging huwaran at matapang sa lahat ng oras.
"'Wag mo na 'ko i-reject, alam ko na yun. 'Wag mo 'kong kaawaan. 'Wag kang magso-sorry dahil lalong sasama ang loob ko. Hayaan mo lang akong umasikaso ng nararamdaman ko.." ngumiti ang dalaga't huminga nang malalim.
".. Wala kang kailangang gawin."
Nag-iwan ito ng isang malungkot na ngiti. Tanggap niya ang sitwasyon. Tumayo siya at umalis.
![](https://img.wattpad.com/cover/220710609-288-k841530.jpg)
BINABASA MO ANG
Gunita
RandomAking mga gunita sa kalagitnaan ng gabi; Ng katahimikan, maging ng kaingayan.