I

69 11 38
                                    

"Hoy Palito! Tabi!" singhal ng isang lalaki sa likuran ko.

Napayuko at napasimangot ako.

Ako naman ang naunang pumila sa cafeteria pero kapag si Douglas Alcober na ang nagsalita para talaga akong tuta na agad na sumusunod sa utos niya.

Malaki kasi siya kaysa sa akin at halatang mas malakas rin ito. Ako? Ang payatot ko, kaya naman Palito ang tawag niya sa akin kasi mukha raw akong palito ng pusporo.

"Alis!" dagdag pa nito kaya naman agad na akong tumabi at hinayaan sila ng apat niyang mga kaibigan na sumingit sa pila. Ako na tuloy ang nasa pinakahulihan. Tiningnan ko sila. Mas matangkad pa talaga sila kaysa sa akin at mas malalaki pa ang mga katawan kaya naman, mas nakakabuti kung hindi na ako pumalag pa at baka baliin nila ang mga buto ko.

"O, anong tinitingin-tingin mo!?" asik pa ni Josh.

Muntik na akong mapalundag sa gulat at takot. Yumuko ulit ako. Mas mabuti kasi talaga kung sapatos ko na lang ang tinitingnan ko. Naramdaman ko ang paglamig ng buo kong katawan at bigla akong pinagpawisan. Kakaiba rin ang nararamdaman kong sensasyon sa aking tiyan. Kinakabahan ako.

"Papalag ka na ba? Ano?" maangas na tanong ni Robert.

"Kung ako ikaw, bumalik ka na lang sa loob ng pusporo!" sabi ni Ed. Nagtawanan silang apat. Hindi na ako sumulyap pa, nakatitig lang ako sa sapatos ko, sa luma kong puti na rubber shoes.

"Hoy!" narinig ko ang boses ni Mary Jean Padua. Kaklase ko siya mula pa noong elementary at kahit kailan ay walang kupas rin ang tapang ng babaeng ito. "Ba't niyo ginaganyan si Stephen!?"

"Stephen ka dyan, 'Stephanie' yan," kantyaw ni Douglas. Mas lumakas ang halakhakan nilang apat. May mga apiran pa ang mga mokong.

Iniisip kaya nila na bakla ako? Wala namang masama sa pagiging bakla at malaki ang respeto ko sa kanila, pero hindi ako isa sa kanila.

"Alam niyo, may hindi lang ako maintindihan," huminga muna si Mary Jean nang malalim bago nagpatuloy, "Correct me if I'm wrong, feeling ko kasi sa sobrang paglaki na ng mga katawan ninyo ay napag-iwanan na yata ang pagmature ng mga utak niyo. See? Pang-college na ang mga hitsura niyo pero yung mga utak niyo pang-preschooler pa rin!" Malakas ang boses ni Mary Jean nang sinabi niya ang mga iyon. Isang malakas na tawanan ang pumutok sa loob ng cafeteria.

Napangisi na rin ako habang nakayuko. Ang tapang talaga ni Mary Jean.

"Walang hiya ka talaga, Mary Jean!" galit na sabi ni Douglas.

"At least may utak. Ikaw wala." Confident na confident si Mary Jean.

"Ano'ng sinabi mo!?" malakas na ang boses ni Douglas. Baka nga nanlilisik na rin ang mga mata nito sa galit. Hindi ko nakikita kasi, ayokong tumingin sa kanya. Natatakot ako.

"O, e di pinatunayan mo ngang wala ka talagang utak, Douglas. Narinig mo na ang sinabi ko kaso hindi naproseso ng utak mo ang mga sinabi ko." Pinatunog niya ang kanyang dila. "Malala na talaga ang sitwasyon ng pag-iisip mo. Balik na muna sa preschool at baka may magagawa pa sila para sa brain development mo."

Mas lumakas pa ang tawanan ng ibang estudyante. May napahampas na sa lamesa dahil sa kakatawa.

"May araw ka rin sa akin, Mary Jean," babala ni Douglas at mabilis na umalis. Sumunod agad ang tatlo niyang mga kaanib.

"Hoy, tumingin ka nga sa akin," ma-awtoridad na utos nito. Sinunod ko ang utos niya. Nasa harapan ko siya na nakapameywang pa na nakatitig sa akin. "Ano bang problema mo?" may inis nitong tanong.

Napakurap naman ako. "May problema ba ako?"

"Argh." Palagi rin naman itong galit kaya hindi na ako nagtataka kung galit ito ngayon. Itim na itim ang mahaba at maalon nitong buhok, mala-rosas ang mga pisngi, pula ang mga labi, mahaba ang mga pilikmata at puno ng poot ang mga matang nakatingin sa akin, pero kahit ganon ang ganda niya pa ring tingnan. Yung tipong mapapakanta ka talaga ng "Ngiti" at pakiramdam mo ay nasa harapan mo ang isang anghel sa hitsura lang naman kasi wala sa kanyang katangian ang pagiging anghel, let me just say na mas malapit lang siya sa pagiging demonita. Saktong katapat ito sa mga demonyong sila Douglas.

"Ikaw, alam mo, hindi ko alam kung may pag-asa ka pa bang magbago. Bakit ba kasi ayaw mong labanan yung apat na mga tsonggo na 'yun? Ever since high school ganun na 'yung mga iyon pero ikaw hindi ka man lang gumagawa ng paraan para naman tigilan ka na nila. Wag kang mag-ala 'damsel in distress', Stephen. Hindi bagay sa'yo."

Tinitigan pa niya ako nang masama bago pa niya ako tinalukiran at umorder na ng pagkain niya. Matapos niyang makuha ang pagkain niya, sinulyapan niya ako bago siya nagtungo sa isang bakanteng lamesa.

"Stephen del Purgatorio," isang mainit na ngiti ang nasa mga labi ng matandang lalaki sa counter. "Alam mo ba kung ano ang gusto mo?"

Napatango naman ako. "Opo. Double rice at sinigang na bangus at mineral water lang po, 'yong di malamig po."

Napailing siya, "Hindi yan ang ibig kong sabihin." Iba ang tono ng pananalita niya, seryoso ito. Ang weird lang. "Alam mo ba kung ano ang gusto mo?" ulit niyang tanong, pero mas may diin ang bawat salita niya ngayon. May kahulugan rin ang kanyang pagtingin sa akin. Nakakakilabot tuloy.

"Yun na po yun. Sure na ako." Gutom na gutom na ako. Hindi na ako makapaghintay pang kumain. Nagwawala na rin ang mga bulate sa tiyan ko. Ningangatngat na nila ang laman ko.

Unti-unti niyang ipinakita ang napakalamig niyang ngiti, "Sa ayaw at sa gusto mo, ikaw ang hinihirang kong maging kanang kamay ko."

Napanguso ako. High yata si Manong. Ano bang hinithit nito? Bakit ako pa ang napili niyang pagtripan ngayon?

"Marahil ay hindi mo ako maintindihan ngayon, pero wag kang mag-alala kasi malapit na rin ang oras mo at saka ko pa lamang ipapaliwanag ang lahat sa iyo."

Nakasuot ng pulang apron at baseball cap naman siya na may logo ng school namin. Siguradong tauhan siya sa cafeteria pero sigurado kaya ang school sa pagkuha sa manong na ito? Parang may sira sa ulo lang siya kasi. Hindi ako judgmental pero yan ang obserbasyon ko sa kanya. Naka-druga nga talaga siguro ito.

"Naguguluhan ka siguro," sabi nito habang pinagmamasdan ako at hindi pa rin nawawala ang nakapapanindig balahibong ngiti nito. "Magkita na lang tayo ulit sa susunod...," tumango-tango pa ito nang dahan-dahan,"...kapag patay ka na."

Tumigil sa pagtibok ang puso ko. Ang sama ng ugali ng matandang ito. Napakunot na lang ako sa aking noo. Hindi ko rin naman kasi ugali ang sumagot sa mga matatanda.

Ngayon ko lang siya nakita sa cafeteria. Pero bakit nga ba niya ako kilala? Sino ba siya?

Nagpatuloy pa siya, "Kapag patay ka na, malalaman mo na ang lahat. Malapit na rin naman ang kamatayan mo kaya wag kang mag-aaala. Magiging maayos ang lahat ayon sa plano." Hindi mawala-wala ang nakakasindak na ngiti sa mga labi nito habang ang mga mata niya naman ay parang mga mata lang ng taong may masamang binabalak. Nagsitayuan na talaga tuloy ang mga balahibo ko.

Loko-lokong matanda. Ako pa talaga ang napagtripan. Ano ba ang problema niya sa akin?

"HOOOOOY!!! ANO BA ANG ORDER MO!"

Literal na napalundag ako sa gulat sa lakas ng boses ni Aling Memay sa harap ko. Nakapameywang na ito at halata ang irita sa mga mata niya. "KANINA PA KITA TINATANONG! ANO BA!? OORDER KA BA O HINDI!?"

Napalingon-lingon ako sa counter. Hinahanap ko ang lokong matanda kanina. Wala na siya. Ang bilis naman yata niyang nawala. Nasaan na yong matandang lalaki kanina? Bakit siya biglang nawala?

"HOOOOOY!!!" Halos ipalo na ni Aleng Memay ang sandok na nasa kanyang kanang kamay, "KUNG AYAW MONG UMORDER UMALIS KA NA LANG!"

Napakurap ako at medyo nautal nang umorder na ako ng pagkain. "D-do-double rice a-at sinigang na.... b---bangus."

Huminga siya nang malalim habang nakatingin sa aking ng may inis. "Yun lang ba?" mataray nitong tanong.

"Opo." mabilis kong sagot. Sa aking likuran, marami na pala ang nakapila at naririnig ko ang mga parinig nila.

'Ano ba yan, ang tagal.'

'Yun lang pala ang order.'

'Engot talaga.'

'Sino ba yang mukhang walis ting-ting na yan?'

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 28 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

I am the KeeperTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon