Chapter Four

637 68 26
                                    

[four]

"Ah, guys..." Kagat ang labi kong nag-angat ng tingin para balingan silang lahat.

Si Regina agad ang bumungad sa paningin ko, maang itong nakamasid sa akin habang ang kanang kamay ay nakapa-maywang. Nananatili naman ang isa pa niyang kamay na nakalahad sa akin.

Mahina akong tumawa. Hindi ko alam kung paano ko sasabihin na nakalimutan ko rin ang VIP pass namin sa bahay, mali siguro 'tong nadala kong bag dahil sa pagkakaalam ko ay inayos ko na iyon kagabi.

"Ano na, girl?" Taas kilay na sambit ni Regina.

"Sige, wait lang ah. May tatawagan--"

Bago ko pa matuloy ang nais kong sabihin ay mabilis na hinablot ni Regina ang sling bag ko, sinilip niya ang loob. Kalaunan ay umuusok na ang tainga at ilong niyang nilingon ako.

"Salve! Paano ka makakatawag, ni walang laman 'yang bag mo?!" Sigaw nito dahilan para hilahin ko siya at takpan ang bibig niya.

Nakakahiya kasi at napakarami pang tao rito sa labas. Binalingan ko ang ilang mga kasamahan ko sa likuran, alam kong may idea na sila sa kung anong nangyayari kaya pilit akong ngumiti.

"Sandali lang guys ah, gagawan ko 'to ng paraan. Hintayin niyo kami."

Bago pa sila makaalma ay tumalikod na ako, hinila ko rin si Regina kaya dalawa kami ngayong tumatakbo. Ramdam ko ang pagkairita niya sa akin pero nanatili naman itong tahimik.

Huminto kami sa isa pang mall entrance, kung saan may nakita akong malalaking tent at napapalibutan iyon ng ilang mga naka-itim na kalalakihan.

Hindi na ako nagdalawang-isip na sumingit para kalabitin ang isang lalaki, malaki ang katawan nito kaya marahil isa siyang bouncer o body guard.

"Manong, pwede po ba makausap si Ramille?" Bungad ko rito nang lingunin niya ako.

Kumunot ang noo nito, matapos niya akong pasadahan nang nangingilatis na tingin ay lumipat naman iyon kay Regina kaya nilingon ko rin siya sa gilid ko.

Hilaw ang ngiti nito sa lalaki, gusto kong tumawa pero pinilit kong mag-seryoso. Muli kong binalingan si manong.

"Pinsan po ako ni Ramille Francisco, ako po si Salve Francisco Junio. Kailangan ko lang po kasi talaga siyang makausap." Pahayag ko na siyang inilingan ni manong.

"Pasensya na pero hindi niyo na kami madadala sa ganiyan. Pang-ilan ka na sa nagsabi niyan."

Say what?!

Parehong nanlalaki ang mata namin ni Regina nang magkatinginan kami. Pinisil nito ang kamay ko na siyang hawak niya kaya mabilis kong hinablot ang sleeve ng damit ni manong.

"Maniwala ka po, hindi kami scammer. Ang totoo niyan, kami ang founder ng Acer Club at nagkataon na wala kaming VIP pass kaya hihingi sana kami ng tulong kay Ramille--"

"Wala kayong VIP pass? Paano nangyari 'yon?" Kunot ang noo niyang tanong.

"Naiwan ko po sa bahay pero promise, totoo lahat nang sinasabi ko." Desperadang sambit saka pa itinaas sa ere ang kanang kamay.

"May valid ID ka ba, Miss? O kahit ebidensya na magpapatunay diyan sa sinasabi mo."

Yumuko ako at kinuha ang bag, nagulat na lang ako nang malakas akong sikuhin ni Regina dahilan para lingunin ko ito.

"Anong kukunin mo diyan, girl? Wala kang dala kahit isa, hindi ba? Lutang ka ba?" Matigas niyang sambit habang nanlilisik ang parehong mata.

Huminga ako ng malalim at nanlulumong nag-angat ng tingin kay manong. Ngumuso pa ako para sa paawa-effect pero mukhang hindi siya tinatablan no'n.

Bagsak ang balikat ko hanggang sa matanaw ko sa hindi kalayuan si kupal. Hindi ko alam kung magiging masaya ba ako o maiinis pero inisip ko na lang ang kalagayan namin ngayon.

"Patrick!" Malakas kong sigaw para kunin ang atensyon niya.

Lahat ng tao roon ay nilingon ang pwesto ko at kulang na lang ay hilahin ako palayo ni Regina pero hindi ako nagpatinag. Tumingkayad pa ako saka inilagay ang dalawang kamay sa magkabilaang bibig.

"Patrick!!" Muli kong sigaw dahilan para maitulak ako ni manong sa balikat.

"Hoy, Miss! Nakaka-istorbo ka na ah, umalis na nga kayo!" Pahayag pa niya na siyang nasa harapan namin at pilit kaming hinaharangan.

"Patrick--" Sigaw ko ngunit agad ding naputol.

"Manong, ako na ang bahala rito." Rinig kong sambit sa likuran dahilan para sabay-sabay naming lingunin 'yon.

"OMG! Si bebe Patrick!" Histerya ni Regina at hindi ko na alam kung ano ng nangyari sa kaniya dahil abala ako sa pagtitig kay kupal.

Nag-isang linya ang labi ko, pilit pinipigilan ang ngiti sa labi dahil for the first time ay masasabi kong he saved me-- he's our saviour, good damn it!

"Sir, bakit pa kayo nandito? Magsisimula na po ang--"

"Sandali lang, kausapin ko lang ang isang 'to." Pagputol ni Patrick kay manong kaya umalis na muna ito at iniwan kami.

Mas lalong lumawak ang ngiti ko at akmang hahawakan siya nang lumayo ito dahilan para kumunot ang noo ko.

"At sino ka naman?" Tumagilid ang ulo nito saka umangat ang isang sulok ng labi.

May oras pa talaga siya para mambwisit, hmp! Kairita.

"Please, Patrick, huwag ka namang ganiyan. Kailangan naming makapasok, naiwan ko kasi iyong VIP pass namin kaya hanggang ngayon ay nasa labas pa rin kami." Pahayag ko saka pa pinagsalikop ang mga palad.

Dumako ang tingin niya roon, hindi nagtagal ay bumalik sa mukha ko pababa sa binti ko. Kumunot ang noo ko. Ano bang problema niya?

Kung hindi ko lang siya kailangan ay kanina ko pa 'to nasapak. Pigil ang hiningang lumapit pa ako rito para magmakaawa.

Isang buntong hininga ang pinakawalan niya bago magsalita. "Sige na, sasabihan ko na lang iyong guard doon."

Lumawak ang ngiti ko at wala sa sariling nagtatalon sa tuwa.

"Sige, sige. Salamat ah." Masayang tugon ko bago hawakan si Regina dahilan para mabalik ito sa reyalidad.

Tanghaling tapat ay wagas mag-daydream. Aalis na sana kami nang maramdaman ko ang kamay ni Patrick sa braso ko at pilit na ipinaharap sa kaniya.

Nalaglag pa ang panga ko nang hawakan nito ang noo ko, pati ang leeg ko na para bang sinusuri ang temperatura.

"Hindi ka naman mainit pero mukha kang may lagnat." Sambit niya at ako na mismo ang umiwas, tinanggal ko ang kamay nito na siyang naroon pa rin sa leeg ko.

Bahagya akong lumayo at nanlilisik ang matang tinitigan siya pamula ulo hanggang paa. Bwisit 'to! Kung anu-anong ginagawa sa buhay.

Narinig ko ang paghagikgik ni Regina sa tabi ko kaya mas lalo akong nainis. Hindi ako nakapagsalita pero labis-labis akong naiirita.

Inirapan ko ang kupal at walang imik na umalis sa kinatatayuan niya. Hila-hila ko pa rin si Regina, ilang sandali lang nang makarating na kami sa pwesto ng grupo namin.

Matapos ko silang sabihan na pumila na ay nakisabay na rin ako, naroon kami banda sa likuran ni Regina na hanggang ngayon ay dinig ko pa rin ang pagtawa niya.

Ano bang nakakatawa?

"Girl, sobrang baliw ka na ba sa lalaking iyon?" Usisa ko saka siya siniko.

Mas lalo itong tumawa. "Hindi 'yon! Gaga, tingnan mo kasi iyang mukha mo. Kung hindi ka mukhang may sakit, mukha ka namang multo."

Kumunot ang noo ko dahil sa sinabi niya. Hindi ko na-gets. Nang makita nito ang itsura ko ay binuksan niya ang sariling bag saka may hinalungkat doon.

"Oh heto, girl. Liptint at pulbo, mag-ayos ka kasi mukha kang bangkay, nag-white dress ka pa talaga."

We Belong Together [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon