Kung nariyan lang ako, hindi kita hahayaang mainitan. Iingatan ko pati na ang kulay ng balat mo at sisikapin kong maipananggalang ka sa nakakapasong init ng araw.Kung nariyan lang ako, hindi ako papayag na ikaw ay pagpawisan. Kung maari lamang na maitutok ko sayo ang electric fan sa lahat ng pagkakataon ay gagawin ko. Hindi aabot ang pawis sa leeg mo dahil nasa noo palang ay pupunasan ko na. Hindi ko hahayaang matuyuan ka ng pawis sa likod. Sa tuwina ay maglalagay ako ng panyo.
Kung nariyan lang ako, may mga daliri sana na sumusuklay sa buhok mo kapag pagod ka na sa maghapong paggawa. May bisig sana na yayakap sayo sa pag-uwi mo at may balikat sana na maari mong sandalan tuwing pakiramdam mo ay mapundi na ang ilaw sa daan.
Kung nariyan lang ako, hahawakan ko ang kamay mo. Hindi ko hahayaang kumain ka sa lamesa ng walang kasama, sisikapin ko na hanggat maari ay may kasama ka. Hindi ako papayag na makaramdam ka ng pag-iisa.
Kung nariyan lang ako, hindi kita hahayaang mapagod. Sabihin mo ano ang nais mo at ibibigay ko. Kung may nais kang ulamin na hindi nabibili sa labas ay lulutuin ko. Kung sakali mang sa hating gabi ay nais mong magkape ay hindi ako magdadalawang isip na bumangon para maipagtimpla ka, 3in1 man o kapeng barako.
Kung nariyan lang ako, hindi mo na kailangang maglaba para mayroon kang magamit sa kinabukasan kahit malalim na ang gabi. Makakapagpahinga ka na sana sa pakikipagsapalaran sa mga taong hindi mo naman personal na kilala pero kailangan.
Kung nariyan lang ako, malaya sana akong hawakan ka sa mukha. Ako lang siguro ang hahayaan mong lumapit sayo sa ganoong distansya. Kung nariyan lang ako, nakikita ko sana ang lahat ng reaksyon mo, baka matawa ako o di kaya naman ay mas lalo lang mahulog sa’yo.
Kung nariyan lang ako, hindi ko na sana kailangang sabihin ito.
Kung nariyan lang ako masasabi ko sanang mahal parin kita kahit magka-away tayo. Bihira siguro ang pagkakataon na tayo ay di magkasundo. Kung nariyan lang ako, payapa siguro ang lahat kapag sa isang iglap ay agad akong rumupok sa tamis ng ngiti mo sa labi. Hindi na siguro natin kailangan ng paliwanag. Yung tipo bang isang yakap lang ay ayos na agad.
Kung nariyan lang ako,
Marami siguro ang magsasabi na bagay tayo.
Kung nariyan lang ako at nalaman nilang mahal mo ako,
Kaiinggitan siguro ako ng mga tao.Kung nariyan lang ako....