13 - ILAW

1.1K 42 19
                                    

Uminom ako ng tubig nang makaramdam ulit ng gutom. Tinitiis ko kahit na may pagkain sa mesa na inutang ko sa karinderya. Ang turo kasi sa akin ay hintayin muna silang makakain lahat bago ako kumain.
Minsan hindi ko ginagawa kapag sobrang gutom na ako pero ngayon tinitiis ko dahil natatakot akong mapalo ulit ni Tatay.
Nang marinig ko ang pagbukas ng pinto ay mabilis akong humiga sa upuang mahaba para magkunwaring tulog.

Narinig ko ang pagkuha ni Tatay ng plato at ng pagkain. Matiyaga akong naghintay na matapos siya para makakain na ako. Nang maramdaman kong palapit siya sa akin ay madiin kong ipinipikit ang aking mga mata, nagkukunwaring tulog. Dahil masakit ang mga palo niya, masakit pa ang mga sugat ko.

Dumaan lang si Tatay para pumasok na sa kwarto nila. Naghintay pa ko ng ilang sandali nang pakiramdam ko'y matutulog na siya ay tumayo na ako para kumuha ng natirang pagkain.

May kaonting kanin pa at sabaw ng sinigang kaya mabilis kong inubos iyon at saka muling uminom ng tubig para mabusog. Pagkatapos ay kinuha ko ang maliit kong upuan para sumampa at maabot ang lababo at nagsimula nang maghugas ng pinggan.

Sabi ni Tatay, dapat daw ako ang gumawa nito dahil ako lang ang babae. Mabilis kong tinapos ang hugasin dahil nakaramdam na ako ng antok.
Nang humiga ako ay kinuha ko papel kong manyika at pinalitan ang kanyang damit.

"Ayan, linis ka na ulit," natutuwang bulong ko sa kanya pagkatapos ay hiniga ko na sya sa bimpo.

"Tulog ka na, bantay kita para di ka mapalo," pabulong kong sabi.

Nang nakatulog na siya, kinuha ko na ang aking papel para gawin ang pinapagawa ni Madam. Magguhit daw kami ng mga nakatayo at nakahigang linya. Hinawakan ko ang papel ng dalawang kamay para diretso ang guhit ko pero naputol ang aking lapis nang dahil sa pagdiin ko.

Balak ko sanang puntahan si Lyka para manghiram ng pantasa nang lumabas si Kuya Lenard sa kwarto at pinanuod ang ginagawa ko. 

"Wala kang pantasa?" tanong niya.

"Wala po," sagot ko habang pinapakita sa kanya ang lapis ko.

Ngumiti naman si Kuya at saka niya ako hinila palabas.

"H'wag kang maingay," sabi niya sa akin habang naglalakad kami palabas.

"Sa'n tayo punta, Kuya?" nagtatakang tanong ko dahil gabi na at wala nang tao sa daan.

"Bibili tayong pantasa, hindi ba wala ka?" sabi niya sa akin.

Napatalon ako sa saya sa narinig mula sa kanya, "Sige, Kuya!"

"Shhh...h'wag kang maingay."

Ngumiti ako kay kuya bago ko takpan ang bibig ko. 

Madilim ang lugar, wala akong nakikitang ilaw kaya napakapit ako sa damit ni kuya. 

"Kuya, madilim...bukas na lang tayo bili..." sabi ko habang hinihili ang damit niya pabalik.

"Ngayon na, mapapalo ka sa teacher mo kung wala kang assignment at saka may dala akong flashlight," sabi pa ni Kuya kaya sumunod na lang ako sa kanya habang pinapanuod ang ilaw mula sa hawak niya.

Padilim nang padilim kaya nagsimula akong umiyak na nagpahinto kay Kuya Lenard.

"H'wag kang maingay sabi! Ganito na lang, tuturuan kita magbilang, bilangin mo mga hakbang natin," sabi niya bago nagpatuloy sa paglalakad.

"Isa, dalawa, tatlo, apat, lima..." Nakalimutan ko ang dilim dahil tinatandaan ko ang mga tinuturong bilang ni kuya.

Napahinto ako nang biglang huminto si Kuya Lenard.

"Bakit, kuya?" 

Lumayo si kuya sa akin at hinagis ang ilaw na hawak niya kaya bigla na naman akong natakot. 

"Ano ka ba, h'wag kang matakot. Ganito, humakbang kang hanggang dalawampu, kunin mo yung ilaw. Dapat tama ang bilang mo ha? Kapag nagawa mo, bibilhan kita ng madaming papel," hamon ni Kuya Lenard.

Muli akong napatalon sa tuwa dahil gusto ko ng maraming papel para magguhit. 

"Sige, Kuya." 

"Isa...dalawa...tatlo...apat...lima...anim...pito...walo...siyam...sampu...."

Sandali akong huminto habang inaalala ang kasunod pero nang hindi ko na matandaan. Pilit kong tinatanaw ang pinapakuha ni Kuya na ngayon ay mahina na ang ilaw at ilang hakbang pa bago ko malapitan.  Lumingon ako kay kuya pero hindi ko na siya makita dahil sa sobrang dilim kaya naisipan kong sumigaw na lang.

"Kuya! Ano po katapos sampu?" malakas kong tanong.

Nang walang sumagot ay naglakad ako pabalik pero hindi ko siya marinig. Nagsimula na naman ang takot ko pero pinigilan kong umiyak.

"Kuya?" 

Nagpatuloy ako sa paglalakad pabalik habang paulit ulit na nagbibilang ng paulit-ulit hanggang sampu pero hindi ko na ulit narinig si Kuya Lenard. Tinanaw kong muli ang ilaw para balikan pero hindi ko na rin iyon makita.


THE UNWANTED DAUGHTERTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon