12 - PANYO

1.1K 41 6
                                    


"Janelle, tara na."

Nang marinig ko ang boses ni Tita Sabel ay agad kong sinuot ang tsinelas ko at kinuha ang bag na binili niya. Hindi ako nagising nang maaga kaya hindi na ako nakaligo.

"Hello po," bati ko sakanya. Nawala ang ngiti ni Tita Sabel nang makita ako.

"Anong nangyari sayo?" tanong niya kaya napayuko na lang ako bigla.

"Hindi po ako pwede pasok eskwela na hindi ligo?" tanong ko sakanya.

Naaawa niya akong tiningnan at saka kinuha ang kamay ko na may mga sugat at dugo. Bahagya niya akong hinila at naglakad kami papunta sa kanilang bahay.

"Lyka, sandali lang, anak," sabi ni Tita kay Lyka na kumakaway sa akin. Ngumiti naman ako at kumaway pabalik sa kanya.

Dinala ako ni Tita sa banyo at kumuha ng bimpo at saka iyon nilagay sa tubig. Pagkatapos ay dahan dahan niyang pinunasan ang mga sugat ko para mawala ang dugo. Napapadaing ako kapag nakakaramdam ng hapdi pero ngumingiti na lang ako para ituloy ni Tita Sabel ang ginagawa. Nang bumalik si Tita sa timba para sa tubig, nakita kong umiiyak na siya.

"Tita, bakit po?" tanong ko sakanya.

"Sorry, anak. Naalala ko lang nung sobrang liit mo pa, sabay ko kayong hinihilamusan ni Lyka noon. Lagi kayo naglalaro at lagi kayong madumi," pagkwento niya sa akin.

"May sugat din po ako?" tanong ko.

Pumikit si Tita na para bang nasaktan sa sinabi ko. Hinaplos niya ang buhok ko at sinabing, "Oo, anak. Kaya dinala muna kita dito sa bahay noon kaso kailangan kita ibalik kay Tatay mo nung kaya mo nang maglakad." 

Hindi ko maintindihan at hindi ko alam ang itatanong ko kaya hinintay ko na lang matapos ni Tita ang paghilamos niya sa akin. Nang matapos siya binigyan niya akong tuyong panyo para daw  punasan ko kung may lalabas na dugo ulit. Hinawakan niya ang kamay ko at saka tinawag si Lyka. Hinawakan din niya sa kabilang kamay si Lyka bago kami naglakad para pumasok sa eskwela.

Nang makapasok kami sa silid, sinalubong kami ni madam at tiningnan niya ang mga sugat ko sa kamay. Pagkatapos ay pinaupo na kami bago siya lumabas at makipag-usap kay Tita Sabel. Makikipaglaro na sana ako sa mga kaklase ko nang mapansin kong hawak ko pa rin ang panyo ni Tita. kaya naisipan kong lumabas para ibalik ito sa kanya.

"Misis, bakit hindi na lang po natin ibigay si Janelle sa DSWD? Mas maaalagaan siya doon," narinig kong sabi ni Madam.

Nagtaka ako kung sino si DSWD, ngayon ko lang narinig ang pangalan niya. At bakit ako ibibigay sa kanya?

"Natatakot akong makulong si Kuya, may dalawa pa siyang anak na maiiwan," nalilitong sagot ni Tita kay madam.

"Pero Misis--"

"Sana maintindihan mo, masaklap din ang nangyari sa kuya ko. Alam kong masama ang ginagawa niya kay Janelle pero kailangan siya ng dalawa pa niyang anak," sabi ni Tita Sabel pagkatapos ay naglakad na ito papunta sa kubo kasama ng ibang magulang.

Napatingin ako sa panyong hawak ko, siguro mamaya ko na lang ito ibalik.

"Janelle," tawag sa akin ni Madam nang makita akong nakatayo malapit sa pinto.

"Maganda umaga, Madam," nakangiti kong bati sakanya bago ko ibinulsa ang hawak kong panyo.


THE UNWANTED DAUGHTERTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon