Mabilis na luminya ang mga guwardiya sa magkabilang gilid ng malawak na daan ng kaharian ng Aeris nang dumating ang mga Maharlika mula sa kaharian ng Terra, Aquae at Ignis. Kumpleto ang mga ito mula sa hari hanggang sa kanilang mga kunseho.
Ngayong araw ay gaganapin ang isang malawakang pagpupulong ukol sa matagal nang nawawalang prinsesa na itinakda para kay Prinsipe Tyson nang nakatanggap ang hari ng kaharian ng Ignis, ang ama ng prinsipe, ng impormasyon kung kaya't kaagad niya itong ipinaalam sa kapwa maharlika.
Napagdesisyunan ang malawakang pagpupulong na ito dalawang araw lamang mula nang mabasa ng hari ang mensahe.
"Maligayang pagdating!" pagyukod ng mga maharlika ng kaharian ng Aeris, kung saan gaganapin ang pagpupulong, na sinuklian naman din ng pagyukod ng mga bagong dating.
Pagkatapos ay umupo ang mga ito sa kanilang mga upuan sa malawak na bulwagan habang nanatiling nakatayo naman ang hari ng Aeris na nasa kabisera upang simulan ang pulong.
"Magandang araw sa ating lahat. Ginaganap ang pagpupulong na ito dahil sa natanggap na impormasyon ng hari ng Ignis na ang nawawalang prinsesa ay nag-aaral sa Academia de Arthaqueria. Haring Ignacio?" naupo ang hari ng Aeris matapos ilahad ang kamay sa kinauupuan ng hari ng Ignis.
"Magandang araw. Maraming salamat sa pagpapaunlak sa pulong na ito. Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Dalawang araw na ang nakalilipas nang matanggap ko ang impormasyon. Naniniwala akong nabasa ninyong lahat ang mensahe nito nang ito ay aking ipadala sa bawat kaharian." bigkas nito sabay kumpas sa kawalan ng apoy.
Lumabas ang lumang papel kung saan nakasulat ang impormasyon tungkol sa nawawalang prinsesa.
Napatingin ang lahat nang mahinhing nagtaas ng kamay ang reyna ng Aquae matapos muling ilahad ang mensaheng nasa papel. Malugod naman itong inilahad ni Haring Ignacio at naupo upang ibigay sa reyna ang atensyon.
"Nais kong ibahagi ang naisip na plano ng aming mga kunseho." inilahad niya ang kaniyang kamay sa kunseho ng kaharian ng Aquae kung kaya't tumayo ang mga ito.
Kumumpas sa kawalan gamit ang kapangyarihang tubig hanggang sa lumitaw ang mga tila kuwintas na may palawit na perlas na may iisang kulay, kulay pilak.
"Ang mga kuwintas na ito ay may basbas ni Haring Aqua, Reyna Aria, at naming mga kunseho upang makilala ang nawawalang prinsesa." bigkas ng pinakamataas sa tatlong kunseho.
Gamit ang tubig, iniabot nila ang mga kuwintas sa apat na prinsipe ng bawat kaharian.
"Ang mga kuwintas na iyan ang makakapagsabi kung sino ang prinsesa."
"At paano naman nito masasabi kung sino ang aking prinsesa?" Tanong ni Prinsipe Tyson.
"Magniningning ang perlas kapag nasa malapit ang prinsesa at lalabas mula riyan ang anyo ng tubig upang kilalanin siya."
"Isa pang palatandaan ng prinsesa ay ang marka. Alam nating lahat na ang bawat naipangakong prinsesa ay may markang nakaukit sa dulo ng kanilang kaliwang balikat."
"Ang Prinsesa Renia ay may markang hugis dahon, ang kay Prinsesa Veronica ay hugis bato at ang kay Prinsesa Mariene ay hugis alon."
"At ang iyong prinsesa, Prinsipe Tyson, ay may markang hugis dragon. Ito ay tanda na siya ang naipangako sa iyo pagkat ikaw ang susunod na magiging hari ng kaharian ng Ignis."
Napatingin ang apat na prinsipe sa mga kuwintas na kanilang hawak. Mahigpit itong ikinulong ni Prinsipe Tyson sa kaniyang palad. Matagal na ang dalawang taong pagkaudlot ng kanilang kasal.
Dalawampung taon. Sa isip isip ng prinsipe. Dalawampung taon bago nalaman kung nasaan ka. Sisiguraduhin kong hindi ka na mawawala pa.
"Ano ba ang pagkakakilala mo sa iyong prinsesa?" Tanong ni Prinsipe Axton kay Prinsipe Tyson.
Matapos ang malawakang pagpupulong ay gumawa ng sarili nilang pagtitipon ang apat na prinsipe sa hardin ng Aeris. Kinailangan nilang gumawa ng mga hakbang kung paano mahahanap ang prinsesa sa lalong madaling panahon.
Nakasandal sa puno si Prinsipe Tyson habang nakaupo naman ang tatlo sa kahoy na upuan. Sa kanilang lamesa ay nakalapag ang kuwintas na may palawit na perlas na ibinigay ng mga kunseho sa kanila upang makilala ang prinsesa.
"Siya ay nagmula sa kahariang ito kung kaya't nasisiguro kong may kakayahan siyang kontrolin ang hangin. Nagmula siya sa isang mayamang pamilya na nakatira sa bayang ito. Ayon sa aking ama, sa kailaliman ng gabi ay niloob ang bahay ng kaniyang pamilya at siya ay kinuha dahil sa kaalaman ng mga magnanakaw na siya ang susunod na reyna ng aming kaharian."
Naglakad siya patungo sa lamesa at kinuha ang isang kuwintas. Tinitigan niya ito bago pinagliyab upang gawing singsing.
"Marahil ay may tanim na galit sa inyong kaharian ang mga nagnakaw. Hindi nila kayo kayang pabagsakin kung kaya't ang nakatakdang maging reyna ang kanilang ginantihan." paliwanag ni Prinsipe Axton at kinuha ang kanyang kuwintas. Binalot niya ito sa kaniyang kapangyarihan at nang matibag ay naging hikaw ito na agad naman niyang isinuot sa kaniyang kaliwang tainga.
"Magpasalamat ka na lamang at hindi nila siya pinaslang. Maaari mo pa rin siyang makasama." sambit naman ni Prinsipe Sky habang isinusuot sa kaniya ang perlas na pinanatili niyang kuwintas.
"Matagal na ang dalawang taong pagkaudlot ng inyong kasal. Ano ang ating plano at kailan tayo magsisimulang manirahan sa Academia?" si Prinsipe Alwyn na binalot sa tubig ang kuwintas upang gawing polseras na isinuot niya sa kaniyang kaliwang pulso.
"Bukas na bukas ay duon na tayo maninirahan. Maghanda kayo. Kailangan na natin siyang mahanap sa lalong madaling panahon. Magpapadala na lamang ako ng mensahe sa inyo mamayang gabi."
BINABASA MO ANG
The Crowned Princess
Fiksi IlmiahThe four princes of the four kingdoms in the land of Arthaqueria are to become a king, unless they have their crowned princess with them. Prince Clay Axton of Terra Kingdom has his Princess Veronica. Prince Aither Sky of Aeris Kingdom is happy to be...