LUNA
Mainit ang sinag ng araw na tumatama sa aking mukha kaya naman napilitan akong dumilat. Sinubukan kong bumangon ngunit kaagad na sumakit ang aking tagiliran at nang itaas ko ang aking damit ay nakita ko ang bendang nakabalot dito. May gasa rin sa parte ng aking hita nang tanggalin ko ang aking kumot.
Naalala ko ang mga nangyari kagabi nang hinabol namin ang huling Umbra. Nadaplisan ako ng nakausling bakal mula sa aming dinaanan kaya ako nagkasugat. Napabuntong hininga na lamang ako at napagdesisyunang maglinis na ng katawan.
Pagkatapos ay lumabas ako ng kuwarto para magpunta sa kusina. Naabutan ko ang nakatakip na ulam sa lamesa at may kanin din sa kaldero na paniguradong si Agatha ang nagluto.
Habang kumakain ay bumukas ang pinto ng silid at pumasok si Agatha. Napatingin ako sa orasan sa sala. Alas dose y media na pala, ibig sabihin ay tanghalian na. Dumiretso siya sa aking kwarto at nang makitang wala ako roon ay isinigaw niya ang pangalan ko. Medyo matagal bago siya lumabas at nang makita akong kumakain ay kaagad niya akong pinuntahan.
"Luna, bakit hindi ka sumasagot?" tanong niya na ipinagkibit balikat ko lamang habang patuloy sa pagkain.
"Sabayan mo na ako." alok ko sa kaniya.
"Kumain na ako sa Dining hall dahil akala ko ay tulog ka pa rin. Mabuti na lang pala at nag-iwan ako ng pagkain." kumuha siya ng baso at nagsalin ng tubig mula sa pitsel na nasa lamesa at uminom bago naupo sa aking tabi.
"Kumusta nga pala ang sugat mo?"
"Ayos na. Salamat."
"Mabuti naman."
"Ilang oras akong nakatulog?"
"Anong oras? Isa at kalahating araw, Luna. Ano ba ang nangyari at nagtamo ka ng ganyang sugat?" sagot niya nang may pang-uusisa.
"Gano'n katagal?" gulat na turan ko na tinanguan naman niya. Kung ganoon nung isang gabi pa pala kami nakabalik ni Cloud.
"Ano ba ang nangyari? Malakas ba ang nakalaban niyo?"
"Hindi. Hindi ko lang napansin ang mga bakal na nakausli sa daanan." paliwanag ko na tinanguan naman niya.
Natahimik kaming pareho pero nararamdaman kong may gusto pa siyang sabihin sa akin. Ngunit kung bakit nagdadalawang isip ay hindi ko alam. Tinitigan niya ako habang kumakain at hindi ako naging kumportable roon.
"Spill it." napabuntong hininga siya sa pag-udyok ko sa kaniyang magsalita.
Uminom muli ng tubig bago isiniwalat ang mga salitang nakabara sa kaniyang lalamunan.
"Dumating ang mga prinsipe kahapon ng umaga."
Natigil sa ere ang tangka kong pagsubo ng huling kutsarang pagkain dahil sa isiniwalat niya ngunit kaagad ko rin iyong isinubo upang hindi niya mahalata ang pagkagulat ko. Tumango na lamang ako sa kaniyang tinuran.
"Hinahanap nila ang prinsesa ni Prinsipe Tyson." pagdugtong niya sa naunang sinabi.
Uminom muna ako ng tubig para na rin matanggal ang nakabara sa aking lalamunan bago siya sagutin.
"Kung gano'n sana ay mahanap nila siya." walang emosyong sagot ko at iniligpit na ang pinagkainan.
Matapos linisin ang mga kasangkapan ay naglakad na ako patungo sa kuwarto. Hindi ko gusto ang aming pinag-uusapan.
"Bakit?" tanong ni Agatha na siyang ikinatigil ko sa paghakbang at lumingon sa kaniya nang nagtataka.
"Hindi ka ba magpapahanap sa kanila?" dugtong niya na tuluyang nakapagpakabog ng aking dibdib. Tila ba ito'y tinatambol at halos pigilan ko ang aking paghinga.

BINABASA MO ANG
The Crowned Princess
Bilim KurguThe four princes of the four kingdoms in the land of Arthaqueria are to become a king, unless they have their crowned princess with them. Prince Clay Axton of Terra Kingdom has his Princess Veronica. Prince Aither Sky of Aeris Kingdom is happy to be...