Masayang tinungo ni Jopay ang salon. Kahit pa walang kain e, nakuha niya lang ngumiti sa araw na iyon. At kung anuman ang bigat ng mundo sa loob ng bahay nila, ganoon na lamang niya ito nililimot sa oras na makatapak sa labas. Tulad ng dati gawi. Tulad ng mga nagdaang araw.
"Hello, mga mother! Good morning," bati ni Jopay pagkabukas na pagkabukas ng salaming pinto ng salon.
Bumungad sa kaniya ang nagwawalis na si Samantha. Lumingon-lingon siya sa paligid ng salon. Kakaunti pa lang ang nakabukas na ilaw. Medyo malinis naman na ang parteng harapan ng lugar. Nakaayos na ang mga upuan. Mukhang nakapaglampaso na rin at sa di malamang dahilan, gaya ng nakasanayan, nagwawalis pa rin si Samantha.
"Nak, wala ka nang gagawin dito. Asikasuhin mo na lang 'yong likod. Wala pa 'ata laman 'yong mga drum do'n, e." Inilapag ni Samantha ang walis at dust pan sa gilid ng kaha.
"Sige po, 'ma." Nanalamin muna sa isa sa mga salaming malalaki. Nginitian ang sarili. Umpisa na naman ng laban, ika niya.
Tinungo niya ang likod na bahagi ng salon. Bago makarating doon, ay dadaan muna sa isang makipot na pasilyo—sa kaliwa ay ang stock room, sa kaliwa naman ay ang shampoo area, ang kaharian niya. At kapag diniretso mo pa ang pasilyo, naroon ang lababo at sa pinakadulo ay ang banyo. Doon nakatambak ang malalaking mga drum na tinatambakan niya parati ng tubig. Madalas kasi ay nawawalan sila ng tubig pagdating ng gabi. Kaya kahit na ayaw magbuhat ni Jopay, napipikitan siyang gawin iyon.
Sayang nga raw siya. May angking ganda, na hindi napangalagaan. Mas may igaganda pa sana kung maaalagaan ang balat, ang katawang saktuhan lang ang liit. Pambabae pa rin kahit na sagad sa kakatrabaho magmula noong kabataan niya.
"Ba't kaya ang ganda ko, 'no?" aniya sa sarili habang binabanlawan ang takip ng drum sa lababo. Natalikan kasi ng kemikal na pangkulay. Mukhang marungis. Ayaw ni Jopay sa gano'n. At mas lalong ayaw ng pinakamatanda sa salon.
Natatandaan niya pa rin ang unang beses siyang ipahiya nito. Napakainsensitibo ng matanda. Na dahil lamang sa nabagsak niya ang pinaliligpit na pinagkainan nito, ay walang humpay na mura, panunumbat at masasahol na mga salita ang natanggap niya. Gustuhin man niyang sumagot, hindi niya iyon magawa. Kontrolado rin kasi nito ang takbo ng salon. Bukod sa malapit sa boss dahil sa laki ng ipinapasok na pera sa salon, magaling din itong mambaliktad ng sitwasyon.
Hihingal-hingal si Jopay matapos niyang magbuhat makailang beses ng balde—mula sa gripo ng banyo, isasalin niya iyon papunta sa mga drum sa shampoo area.
Nang matapos sa mga gawain sa likod, inuupo niya ang sarili sa tapat ng electric fan.
"Ano, 'nak? Pagod?" Umupo si Samantha sa tabi niya.
"Super!" sagot naman ni Jopay.
"Okay lang 'yan. Wala namang trabahong di nakakapagod." May halong awa ang tinig sa boses nito. "Kumain ka na ba, 'nak?"
"Di pa nga, e."
"Bili ka pagkain mo du'n. Ito pera, o." Saglit na may dinukot si Samantha sa bulsa, saka inabot sa kaniya ang singkuwenta.
"Salamat, 'ma."
Dali-daling lumabas ng salon si Jopay. Lumingon-lingon sa paligid para maghanap ng pupuwedeng mai-almusal. Nang makita ang istol sa tawid at magsisimula na sanang maglakad, tatawag sa kaniya si Ervin.
"O, problema mo? Ang aga-aga mong tumawag." Tumabi muna siya sa gater. Doon sa malilim na parte, sa gilid ng kanilang salon.
"Wala naman. Nasa salon ka na?"
"Oo, 'te."
"A..."
"Ay, 'te!" Nangamot ng ulo si Jopay. "Parang nagbago na isip ko. Gusto ko na parang ewan na ituloy 'yong 3 days and 2 nights. Pero naisip ko, masyadong mahal. Next month na lang kaya?"
"Ano ka ba? Sino ba nagsabing ikaw ang sasagot lahat? Hahatian naman kita sa gastos, 'neng. Don't worry, I got your back."
Biglang nawala ang pagod sa kaniyang katawan. Nabuhay ang dugo niyang muli at nagguhit ito ng maliwanag na ngiti. Ang sarap magkaroon ng ganitong kaibigan. Na susuportahan ka sa lahat-lahat at di ka iiwan sa problema.
Alam naman kasi ni Ervin kung saan napupunta ang pera ni Jopay. Bukod sa pama-pamasahe niya, siya rin kasi ang nagpapabaon sa kapatid. Bonus na lamang kung mapapakain niya ina at nanay nito ng manok na inihaw, sa tuwing sasahod.
"Salamat, 'te. Ang suwerte ko talaga sa 'yo!"
"Ano ka ba! Okay lang. Basta, ipangako mo lang sa 'kin, after nito, at hindi pa nag-work, titigilan mo na si Adrian, okay?"
"Oo, 'te. Oo, 'te. Promise ko 'yan! Matikman ko lang talaga siya, okay na ako. After that, wala nang Adrian na manggugulo sa pussy ko."
Nagtawanan sila.
"Go!"
"P-pero, paano natin siya mapapapayag?"
May dumaang maingay na dyip. Nagpangiwi si Jopay.
"Bahala na. Basta, ako nang bahala do'n."
"Sige, sige. Bababa ko na 'to. Bibili pa akong pagkain, e."
"Go."
Pagkatapos nu'n, naglakad na siya papunta sa tindahang nakita niya kanina. May kalamares, shanghai, hotdog at kwek-kwek. May pa-combo ito na may kasamang sinangag sa halagang 25 pesos.
"Ate, kalamares akin. 'Yong may rice, ha," pagpapaalala pa ni Jopay sa aleng tindera, isang mataba at may maitim na balat. No'ng nakaraan kasing bumili siya, kalamares lang talaga ang binigay nito sa kaniya.
Pagkatapos na bumili ng pagkain, pumasok na rin siya sa salon.
Nandoon na si Christine, ang pinakamatanda sa salon. Si Virgie at ang anak nito, si Luisa, parehong manikurista, nililinis ang mga gamit nila panglinis ng paa. Nasa kaha naman si Danica, may kung anong kinakalikot sa mga aparador na lagayan ng mga gamot.
"Good morning, mga mother! Kain po tayo," pag-aaya ni Jopay habang binubuklat ang styrofoam na laman-laman ang sinangag at dadalawang pirasong kalamares.
"Anong ulam mo, Jopay?" Si Christine.
"Kalamares, 'ma."
"Ay, shala naman ng naksuwang ko."
"Shala, 25 nga lang 'to."
Tumawa ang matanda. Halata namang nang-aasar lang ito kay Jopay. Lagi kasing masasarap ang nakakain nito. Malaki sahod, e. Bukod do'n, maayos ang pamilyang pinanggalingan nito. Napakalayo kung ikukumpara kay Jopay. Na pagkapanganak pa lamang, lugmok na siya sa kahirapan.
Ngumiti siya nang mapait. Tinuloy na lamang ang pagnguya ng binili niyang pagkain. Na sa rinig pa niyang bulong ng nagkukuwentuhang si Luisa, at Christine, pagkain daw ng mga mahihirap.
E, sa totoo nga naman. Kaya di na rin niya pinag-abalahang ipagtanggol ang sarili. Mapapagod lamang siya sa pakikipagtalo. Ano nga naman bang mali sa pagkain nito? Mura na nga, maayos pa ang lasa.
"Hayaan mo sila, 'nak. Kumain ka na lang d'yan." Tinapik ni Samantha ang likod niya.
Tumingala siya sa kisame. Hindi ngayon ang oras para umiyak. Hindi sa lugar na ito. Nang hindi makapagpigil, mabilis niyang tinakbo ang papuntang banyo. Mabuti na rin iyon at nang mailabas niya ang kung ano mang emosyong gustong tumakas sa dibdib niya, sa loob-loob niya.
"Ervin..." bulong niya sa pagitan ng mga hagulgol.
BINABASA MO ANG
3 Days and 2 Nights
RomanceMatagal nang gusto ni Jopay si Adrian. Hindi niya lang alam kung papaano ito lalandiin. Dahil una't huli, ayaw niyang maging kabit dahil hindi niya pinangarap iyon. Kahit bakla ay mayroon siyang paninindigan at respeto sa sarili. Kaya nang dumating...