LUNES
Malakas ang ulan nang araw na iyon, galit na galit ang hangin. Kaiba sa mga nakaraang araw, hindi ako nakisilong dito para maghintay ng masasakyan, kabababa ko lang sa jeep at sadyang malakas ang ulan, nalimutan ko na naman ang payong ko sa bahay. Sa tantya ko, base sa lakas ng ulan, mukhang matatagalan bago ako makauwi sa amin, medyo dumidilim na rin noon.Dumating ka, biktima rin ng malakas na ulan, wala kang anumang dala. Naka-cap ka noon na itim, gray na jacket, at itim na shorts. Kahit pa nga naka-cap ka noon, nakasuot pa rin ang hood ng jacket mo sa ulo. Umupo ka sa upuan sa loob ng silong, habang ako ay naghihintay pa rin nang pagtila ng ulan.
Nakasusulasok. Paglingon ko sa likod, ikaw lang ang nakita ko, nagyoyosi habang nagcecellphone. Bahagya kong tinakpan ang ilong ko dahil sa amoy ng yosi mo, may hika ako. Hithit. Buga. Unti-unti, hindi na ako makahinga. Kundangan lang din, ito lang ang silong na alam ko.
"Kuya, baka po pwede pakipatay ng yosi mo", sabi ko sabay tingin sa kinaroroonan mo, hindi na ako makatiis. "Kuya, 'yang yosi mo po", banggit ko pang muli dahil parang hindi mo ako nakikita. Hithit. Buga. Doon na kita nilapitan, "Kuya . . .kuya", sa ika-apat kong tawag, sa wakas, tumunghay ka at tiningnan mo ako. Noon mo na rin lang napansin ang presensya ko. Tinanggal mo ang hood sa ulo mo pati na rin ang earphone sa isa mong tainga. "May sinasabi ka?", ang nakaiinis mong tanong. "'Yang yosi mo po, baka pwede pakipatay kasi baka ako naman ang mamatay niyan". Tiningnan mo lang ako. Tinitigan, at saka muling humithit, bumuga. "Kuya, kung hindi mo ititigil 'yan, tatawag na ako ng pulis", galit ko nang sabi sa iyo.
"Pulis agad? Ang OA mo naman", sagot mo.
"Hindi mo papatayin?"
"Miss naman, eto na titigil na, papatayin na nga o", doon mo na pinatay ang sindi ng yosi. Tiningnan lang kita ng masama, baka sakaling masindak ka. Pero wala akong mabasa sa mga mata mo, blangko lang. Umupo ako sa silong nang medyo malayo sa iyo. Dumaan pa ang ilang minuto at lalo lang lumalakas ang ulan.
"Ang lakas ng ulan ano?". Nagulat na lang ako nang bigla kang magsalita. Tinignan kita pero sa kawalan ka nakatingin.
"Nalulungkot ka rin ba kapag umuulan?", muli mong tanong pero hindi ka pa rin tumitingin sa akin, "pasensiya ka na sa yosi kanina ha, di na mauulit. May problema lang kasi ako.", pagpapatuloy mo, bahagya kang tumungo, at kinusot ang mga mata. Wala muling ibang maririnig liban sa paghagupit ng ulan.
"Hindi dapat ikaw ang kinakausap ko, pasensya na ulit", sabi mo kasunod ang isang munting tawa. Muli kang tumingin sa kawalan, ni hindi ako makasagot, hindi ko alam kung dapat ba kitang kausapin. Wirdo ang salitang nasa isip ko.
Isinuot mo lang muli ang earphone mo, ang hood, at bumalik muli sa pagcecellphone. Katahimikan. Parang wala lang nangyari. Parang wala kang sinabi. Muli ko lang hinintay ang pagtila ng ulan.
"Ate!", ilang segundo pa nga, dumating ang kapatid ko, dala ang payong na naiwan ko sa bahay. Saglit pa akong naghintay nang paghina ng ulan. At saka naglakad pauwi. Nilingon kita, di ka natitinag sa pagkakatungo, iniwan kitang mag-isa kahit pa dumidilim na.
MARTES
Kinabukasan, muli akong bumalik sa silong para mag-abang ng masasakyan. Mag-isa lang ako. Walang ibang makikita sa silong bukod sa akin at sa yosi na pinatay mo kahapon. Masyado pang maaga. Bihira pa ang dumadaang sasakyan.Sa ilang sandali, muli kang dumating, muli ka ring dumiretso sa upuan kung saan ka rin umupo kahapon. Hindi ka na naka-jacket, pero suot mo pa rin ang cap mo. Pero iba kumpara kahapon, wala kang cellphone, wala ka ring earphone.
"Pssst. Wala ka bang trabaho?", ako naman ang nagtanong ngayon. Tangkang pagbubukas ng panibagong usapan. "Meron", simple mong sagot. Nais pa sana kitang kausapin nang mas mahaba pang oras pero saktong pagdating naman ng jeep na sinasakyan ko. Naputol ang usapan natin na wala tayong napag-uusapan. Nilisan kong muli ang silong at sumakay sa jeep. Naiwan muli kitang nag-iisa sa silong.

BINABASA MO ANG
Silong
Storie breviHindi ito isang nobela. Hindi ito isang tula. Hindi ito isang romantikong istorya. Isa itong maikling kwentong para sa saglit na pag-ibig.