"Okay officers yan lang muna yung pagmimeetingan natin ngayon but be sure na makakapunta kayo sa mismong pagseset up ng stage okay?"
Tumango lang kaming lahat sa sinabi ni Sir C, siya ang adviser ng Senior High School Student Council.
Nagligpit lang ako ng mga gamit ko at tumulong sa mga kailangang linisin sa loob ng classroom na pinagmeetingan namin.
Habang inaayos ko ang pagkakapatong patong ng mga monoblocks ay lumapit ang isang co-officer ko, si Maya.
"Ah eh, Lath pwede bang humingi ng favor?" tinanguan ko siya at nginitian.
"Ah kasi, alam ko namang malakas ka kay Sir C eh, ano.. Ah eh, pwede bang pakipaalam ako? Pasabi naman na kailangan kong bantayan ang lola kong nasa hospital sa araw ng pagseset up ng stage kaya hindi ako makapunta?"
alinlangan niya akong nginitian pagkatapos nun.
"Nabanggit mo na ba kay pres? Dapat siya ang una mong sinabihan Maya, maiintindihan naman niya yun."
Mukhang natakot siya sa suggestion ko dahil napangiwi siya dahil doon.
"Medyo natatakot kasi ako kay pres Lath eh, seryoso kasi siya at ikaw naman ang VP kaya baka naman pwedeng tulungan mo akong magpaalam pati sa kanya."
Pumayag nalang ako sa kanya dahil mukhang maiiyak na siya, mas importante din naman ang kalagayan ng lola niya kaya naintindihan ko din.
Dalawang taon na akong Vice President ng student council kaya alam ko kung kaninong paalam ang totoo at hindi, yung iba kasing officer nagpapaalam na hindi makakapunta at may emergency daw sa kanila pero ang totoo maglalakwatsa lang naman o 'di naman kaya ay tinatamad um-attend ng meeting. Ang kay Maya naman ay alam kong totoo, nabanggit na din sa amin ni Sir C na may sakit ang lola niya kung kaya alam kong hindi siya nagsisinungaling.
"Ako na ang bahala kay Pres Maya, wag kang mag alala, iupdate mo nalang din kami tungkol sa lola mo."
Nagbago ang ekspresyon niya dahil sa sinabi ko, parang gusto niya akong yakapin pero halatang pinipigilan niya ang sarili niya.
"Thank you Lath, mabuti nalang talaga at magaan kang kausap. Si Pres kasi nakakatakot."
Nginitian ko lang siya at hindi pinansin ang sinabi niya.
Hindi naman nakakatakot si Kid, mukha lang siyang nakakatakot dahil madalas siyang seryoso. Gusto niya kasing maging maayos ang lahat sa Student Council, ginagawa niya lang naman ang trabaho niya bilang President.
Pagkaalis ni Maya ay agad akong pumunta sa kinaroroonan ni Kid, ang presidente ng SC namin slash childhood bestfriend ko.
"Hey." bungad niya pagkakita niya sa akin.
"Nagpaalam nga pala si Maya na hindi makakarating sa sunod na araw para sa pagseset-up ng stage, kailangan niyang bantayan ang lola niya."
Marahan lang siyang tumango sa sinabi ko. Hindi niya ako sinagot pero alam ko namang pumayag siya.
He's thoughtful naman, hindi lang yun alam ng iba.
"Okay ka lang ba?" Tanong ko.
"Yup, medyo sumasakit lang ang ulo ko dito sa powerpoint na pinapagawa ni Sir C."
Lumapit ako sa kanya at tumingin sa ginagawa niya sa laptop niya. Powerpoint yun about sa mga plans, budgets and expenses para sa magaganap na acquaintance party ng senior high students.
Required kasi na gawan yun ng report para hindi makwestyon ang SC at ang SC adviser namin tungkol sa mga gastos.
"Bakit hindi ka magpatulong sa akin at sa ibang officers? Sinosolo mo nanaman yan, sasakit talaga ulo mo niyan." Lumingon siya sa akin at masuyong ngumiti.
"Okay lang ako Lath, patapos na din naman ako atsaka may kanya kanyang naka assign na gawain sa inyo tapos poproblemahin niyo pa ito? Yakang yaka ko 'to."
Hindi nalang ako sumagot sa kanya dahil mukhang determinado siya sa ginagawa niya.
Maya maya ay nagsilapitan sa amin ang ibang officers na tapos na sa pagliligpit at pag aayos ng mga monoblocks.
"KidLath!!"
Sabay kaming napatingin ni Kid sa tumawag ng ship name nila para sa aming dalawa. Si Chanelle lang pala, kaibigan namin ni Kid, which also happens to be the secretary of SC.
"Mauna na kami Pres at Vice, kayo ba sabay ulit?"
Lumingon ako kay Kid para hintayin ang sagot niya.
Magkatapat lang din kasi kami ng bahay kaya palagi kaming nagsasabay.
"Oo, sabay kami. Mauna na kayo. Ingat."Bumaling ulit si Kid sa laptop niya pagkatapos sagutin si Chanelle. Pagkaharap ko kay Cha ay nanunuksong tingin ang binigay niya sa akin.
"Ang issue mo Cha ah! Umuwi ka na nga. Tutulungan ko na din to si pres sa powerpoint niya. Shoo!"
Tumawa lang siya at kumaway, kita mo tong babae na to parang tanga.
"Bye Lathiana, mag ingat ka dyan Kid nangangagat yan." Tumawa lang si Kid nang bahagya at sumenyas na umalis na siya.
Siraulong babae.
Nang makaalis na ang iba ay bumaling sa akin si Kid.
"Huwag ka ngang asar talo kay Chanelle, kaya lalo kang inaasar eh."
Nakabusangot pa rin ang mukha ko at lalong bumusangot dahil sa sinabi niya.
Lumingon siya saglit sa akin at natawa sa itsura ko. Bumaling ulit siya sa laptop niya pero hindi na maalis ang nakakaasar na ngiti sa mukha niya.
"Parehas kayong mapang asar, magkakampi talaga kayo pagdating sa akin, di niyo naman ginaganyan si Triz, Lax tsaka Bree."
Tumawa lang ulit siya habang nagtatype pa din ng kung ano sa laptop niya.
"Ikaw kasi pinakaasar talo kaya ganun."
Totoo naman sinabi niya, buset naman kasi, hindi talaga ako manalo nalo sa mga asaran nila sa akin. Pikon kasi ako at madaling mainis.
Si Cha ang pinakamapang asar sa amin, si Kid naman taga support yan ni Cha. Si Triz naman di mo yun maaasar kasi ngingitian ka lang nun. Si Lax pag inasar mo yun pipisikalin ka naman. Tapos si Bree makikipagdebate pa sayo pag inasar mo siya. Ako lang talaga yung pinaka ideal na asarin dahil bubusangot agad ako pag napikon na. Tss.
Hindi ko nalang inisip yun dahil sa circle of friends namin talagang role ko ang pinakakawawa, char. Mababait naman yang mga yan, pinagtitripan lang talaga ako palagi.
"Huwag ka nang ngumuso dyan, huwag ka na rin tumulong sa akin dahil dalawang slide nalang to, kunin mo yung bag ko may pabaon si mama dyan na cake, kainin mo yun."
Nagliwanag naman ang mukha ko dahil sa sinabi niya. May pambawi agad si Pres. Favorite ko pa naman ang mga cake na luto ni Tita Merns, mama niya.
Alam na alam talaga kung anong makakapagpalambot ng puso ko, at yun ay itong cake na baon niya. Yehey!