Chapter 2

48 5 24
                                    

Kinabukasan, nagulat si Tiyo dahil maaga na naman akong pumasok. Maaga ulit akong pumasok sa sumunod na araw, at sa mga susunod pa. Para akong laging may inaabangan pumasok sa pintuan ng tindahan. Hanggang sa isang araw, nagbalik na siya sa tindahan para kunin ang ipinagawa niyang orasan. Noong natanaw ko pa lamang siya mula sa labas ay kaagad akong nagsuklay at nagpahid ng kaunting gel sa buhok.

"Rayne, magandang umaga!" bati ko kaagad sa kanya.

"Magandang umaga din, Edmund," sagot niya sa akin.

Lumapit sa amin si Tiyo at kaagad din na bumati kay Rayne. Ipinagbigay alam niya kay Rayne na tapos na niyang kumpunihin ang sirang orasan na dinala ni Rayne noong nakaraan. Nakita ko kung gaano kasaya si Rayne noong nalaman niya na nagawa na ni Tiyo ang kanyang orasan. Kulang na lang ay yakapin niya kaming dalawa ni Tiyo sa saya. Pumasok sa loob ng taguan ng mga orasan si Tiyo para kunin ang orasan ni Rayne, habang naiwan naman kaming naghihintay ni Rayne sa may counter.

"H-hi," sabi ko sa kanya.

"Hi, kamusta ka na?" sagot naman niya.

"Ayos lang," ang sabi ko at kaagad na umiwas ng tingin sa kanya, sa halip ay ibinaling ko na lang ang aking tingin sa ginagawa kong orasan.

"Ano iyang hawak mo?"

"Ito ba?" Itinaas ko bahagya ang aking kamay habang hawak ang ginagawa kong orasan. "Isa itong chronograph katulad ito ng isang stopwatch. Madalas itong ginagamit sa pagpapalipad ng eroplano, sa pagsisid at marami pang iba."

"Ano ang sira niyan?"

"Ayaw gumana ng Chrono Reset."

"Ano iyong Chrono Reset?"

"Iyong kapag tapos mo na gamitin itong Chronograph at pagkatapos ay gusto mo na ibalik sa zero ang timer."

"Ang galing naman . . . sana ang buhay natin ay parang isang chronograph na pwedeng gamitan ng chrono reset, kung saan pwede nating itigil at ibalik sa umpisa ang oras." Ngumiti siya sa akin habang nakatitig nang maiigi sa hawak kong chronograph. "Edmund, naniniwala ka ba sa reinkarnasyon? Sabi nila totoo daw iyon at gusto kong maniwala na totoo nga iyon. Masarap kasing isipin na may panibagong buhay na naghihintay sa atin."

Naputol ang pag-uusap namin nang dumating na si Tiyo dala ang orasan na ipinagawa ni Rayne. Kaagad din nagpaalam sa amin si Rayne. Hindi ko na nagawang sagutin ang tanong niya pero sa tingin ko hindi naman niya maiintindihan ang isasagot ko.

Nagsimula kaming maging malapit sa isat-isa ni Rayne, pero bilang magkaibigan lamang dahil sa palagian niyang pagpunta sa tindahan. Sa mga araw na ginugol ko kasama si Rayne, marami akong natuklasan tungkol sa kanya.

Para sa marami, tahimik at mahiyain si Rayne. Akala nila nakakabagot siyang maging kaibigan, doon sila nagkamali. Masiyahin at palabiro si Rayne sa mga taong malapit sa kanya. Sa tuwing nagkikita kami ay hindi siya nauubusan ng mga kuwento.

"Edmund, alam mo ba kagabi nanaginip ako napunta daw ako sa nakaraan tapos nakilala ko yung lolo ko na hindi ko inabutan, kasi namatay siya isang buwan bago ako ipinanganak."

"Tapos?"

"Kasama ko daw na napunta sa nakaraan yung boyfriend ko tapos ipinakilala ko siya sa lolo ko."

"May boyfriend ka?"

"Oo sa panaginip," ang sabi niya tapos tumawa siya nang malakas.

"Anong hitsura niya? Kamukha ko ba?"

"Hindi ko na natatandaan yung hitsura niya sa panaginip ko. Malabo na yung mukha."

"Baka pangit kaya ayaw mong sabihin," ang sabi ko tapos bigla niya akong binatukan, mas malakas pa kaysa kay Tiyo.

Pero hindi ko maiwasang mag-alala para sa kanya, dahil kung mayroon man na kulang sa kanya, iyon ay lakas ng loob.

"Edmund, kinakabahan ako. May job interview ako bukas na pupuntahan at sa isang tanyag at malaking kumpanya iyon," sabi ni Rayne.

"Kayang-kaya mo iyon, Rayne. Sisiw lamang ang mga interview basta huwag ka lamang kakabahan at ngumiti ka lamang palagi."

"Talaga?"

"Oo naman."

"Kung gano'n dapat na siguro akong umuwi para makapaghanda ako para bukas."

"Sige, mag-iingat ka."

Narinig ni Tiyo na aalis na si Rayne kaya naman nagpaalam na din siya. "Mag-iingat ka sa pag-uwi. Ikamusta mo na lang ako sa iyong ina."

Tumango at kumaway lamang sa amin si Rayne na may ngiti sa kanyang labi bago tuluyang umalis.

"Sa tingin mo, matatanggap siya sa kumpanya na iyon?"

"Siyempre po hindi," sagot ko.
Naantala ang susunod kong sasabihin nang biglang narinig kong sumara nang malakas ang pinto ng tindahan. Nakabukas ba iyon kanina? Nabaling ulit ang atensyon ko kay Tiyo nang magtanong siya sa akin.

"Bakit naman?"

"Dahil hindi pa po sanay si Rayne sa mga interview, lalo na at sa isang malaking kumpanya siya nag-apply. Pero tiwala po akong kakayanin niya ang mga susunod niyang interview. Kailangan niya lamang makaipon ng sapat na lakas ng loob."

Kinabukasan, hindi nagpunta sa tindahan si Rayne. Sinubukan kong tawagan si Rayne para kamustahin siya ngunit hindi siya nasagot.

"Edmund, binilang mo ba kagabi ang pagtunog ng Big Ben?"

"Hindi po, bakit po Tiyo?"

"Hindi ako sigurado kung nagkamali ba ako ng bilang, pero narinig kong dumagundong ito ng labing-tatlong beses kagabi ng alas-dose."

"Baka nga po ay nagkamali ka lamang sa pagbilang, Tiyo."

"Sana nga . . . ."

Buong maghapon akong naghintay kay Rayne ngunit hindi siya dumating. Wala akong narinig na balita mula sa kanya simula noong araw na iyon. Araw-araw akong naghihintay na makita ulit ang ngiti niya ngunit ang ilang araw na paghihintay ay tila ilang buwan na ang lumipas. Tila nalimutan ko na ang mga plano kong gawin para mapahaba pa ang aking buhay. Nitong nakaraan, puro si Rayne na lamang ang nasa isip ko.

"Rayne, kailan ka ba babalik?"

Hanggang sa isang araw, dumating ang ina ni Rayne sa tindahan. Ipinaalam niya sa amin ang isang balita na nakapagpahina sa aking tuhod. Malakas na tumama ang aking puwitan sa sahig matapos mawalan ng balanse.

Noong araw ng interview ni Rayne . . . namatay siya . . . .

Ayon sa ina ni Rayne, kasalukuyang nasa kustodiya ng mga pulis ang hinihinalang nagtulak kay Rayne mula sa tuktok ng gusali kung saan siya nag-apply. Nahuli ang lalaki habang nagmamadaling bumaba sa hagdan. Pilit itinatanggi ng lalaki na pinatay niya si Rayne. Ang sabi niya nagkataon lamang daw na nandoon siya noong nahulog si Rayne mula sa tuktok ng gusali.

Natakot daw siya na mapagbintangan kaya siya tumakbo, pero hindi ako naniniwala. Hindi magagawa ni Rayne na magpakamatay, hinding-hinde!

Simula nang malaman kong patay na si Rayne ay tila nawalan na ako ng ganang mabuhay. Nawala ang boses sa loob ko na humihingi ng mas mahabang oras. Patuloy ang pagtakbo ng oras para sa mga tao sa buong mundo, subalit ang oras ko ay nagsimulang bumagal hanggang sa tuluyan na itong tumigil. Hindi ko na nararamdaman ang mga nangyayari sa paligid ko. Ang alam ko lang ay patuloy akong naglalakad na walang paroroonan habang nalulunod ang isip ko sa mga alaalang magkasama kaming dalawa.

Sa isang iglap ay nasa harap na naman ako ng kamatayan . . . .

"Maligayang pagbabalik, ginoo."

Chrono ResetTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon