Minuwestro sa akin ng head maid ang magiging kwarto ko. Tatlo siguro kaming mga katulong ang matutulog doon. Mayroong double deck at single bed.
May naka-okupa na sa single bed at lower deck kaya inilagay ko nalang ang maliit kong bag sa upper deck. Buti nalang ay may unan na doon at may punda na rin. Hindi kasi magkakasya ang aking pera kung kailangan ko pang bumili ng mga ganoong bagay.
May pumasok na babae, siguro ay mas bata sa akin nang kaunti.
"Isa siya sa makakasama mo dito." Sabi ni aling Linda habang tinuturo ang bagong pasok na babae. Nginitian naman ako ng babae at naglahad ng kamay.
"Hello, I'm Trisha. You are?" Nagulat ako dahil sa biglang pag-ingles niya. Mahina siyang natawa sa reaksyon ko.
"Jaliyah Castillano, pero pwede niyo akong tawaging Lea," tinanggap ko ang kanyang nakalahad na kamay. Malambot ang kanyang mga kamay, kaya medyo kumunot ang aking noo.
"Siya ang nagaalaga sa mga aso ng pamilyang ito. Ako naman ang taga-utos sa inyo. Kung hindi ako nagkakamali, ikaw ang taga-linis ng library." Nasiyahan ako sa aking narinig.
"Library? May library po sila? At iyun lang po ba ang aking gagawin? Ang paglilinis ng library?"
"Malawak ang library nila. Baka nga ay nasa dalawang kwarto ang laki. At tuwing makalawa mo lang iyun lilinisin. O siya, iiwan ko na kayo dahil masyado na akong nagtatagal dito." Hinihintay lang siguro ng kasama ko dito umalis ang babae upang makausap ako ng matino.
"Aba! Napakaswerte mo! Makikita mo tuwing makalawa si pogi! Iyung library sana ang gusto kong linisan ngunit napunta ako sa mga aso. Okay lang naman, cute naman sila." Natatawa niyang banggit. Inilabas ko ang mga damit ko sa maleta at inilagay sa maliit na kabinet sa tabi ng single bed.
"Pogi? Bakit siya nandoon? Wala ka bang trabaho ngayon?" Hinubad ko ang aking sapatos at inilagay 'yun sa ilalim ng double deck bed.
"Iyung bunsong anak ng Madriaga! Grabe, ang pogi niya talaga. May itsura din naman yung panganay tas iyung babae, pero iba talaga si master Rem," So Rem ang kanyang pangalan.
Umupo siya sa lower deck, kaya siguro siya ang natutulog doon. "Hanggang hapon lang trabaho ko eh, at maghahapunan na. May rule kasi na dapat 'di natin kasabay maghapunan yung pamilya. Ang alam ko ay okay lang naman sa kanila na makasabay tayo, pero nakakahiya rin kasi." Tumango-tango ako. Sabagay, nakakahiya sumabay kumain lalo na kung katulong ka. Inilabas ko ang mga pinakamamahal kong mga libro.
"Mahilig ka palang magbasa? Grabe, kaya ka siguro inilagay sa library." Tintulungan niya na akong maglabas ng gamit.
"Hindi naman nila nakita yung mga libro, at saka baka hindi ako pahiramin ng mga libro."
"Anong hindi? Binigyan nga nila ako ng mga pwede kong pag-aralan." Inilabas niya ang mga libring tila pinaglumaan na. May name tag pa nga doon. Zacarias Madriaga.
"Zacarias? Siya ba yung panganay?" Pang-high school iyung libro. Siguro hindi nakatapos ng high school si Trisha.
"Oo, pang-fourth year high school, hanggang second year high school lang natapos ko eh. Ikaw?" Kaya pala magaling siyang mag-ingles.
"Hanggang second year college lang natapos ko, 'di na kaya ng mga pinsan kong pag-aralin ako eh." Gusto ko sanang sa fast food chain magtrabaho pero maganda raw maging katulong sa pamilyang ito. Maganda rin ang sahod. Buti nga ay tinanggap ako. Hindi ko na rin kailangan maghanap ng matutuluyan.
"Second year? Ilang taon ka na ba? Maganda ka rin naman? Bakit ayaw mong mag-model? Siguro naman ay tatanggap sila kahit second year college lang natapos," gulat siyang napatingin sa akin habang tinutupi ang mga damit ko. Kinuha ko sa kanya ang mga damit at inilagay sa mini cabinet. Buti talaga ay dito ako magtratrabaho.
BINABASA MO ANG
I Love You, Romeo
RomanceWill we be able to stay in love even with the odds? - Jaliyah Castillano Jaliyah Castillano is an orphan, so she's working to provide for herself. Everything was fine until she met Remington Madriaga, her employer's son. 05/19/2020