Makulimlim na naman ang panahon.
Nakaupo ako sa harap ng nakabukas kong bintana habang yakap-yakap ang tanging bagay na iniwan mo sa akin.Tila nagbabadyang bumuhos ang malakas na ulan sa anomang sandali.
Nakatingala ako sa kawalan, inaabangan kung kailan ibubuhos ng langit ang mabigat nitong dinadala.Dumadampi rin sa katawan ko ang maalinsangang pakiramdam dulot ng panahon.
Naalala ko dati tuwing ganito ang panahon marami na tayong napagkukwentuhan hanggang sa ibuhos ng langit ang masama nitong loob.
Kapag kumulog ng malakas at kumidlat agad akong magtatago sa likod mo't magtatakip ng tenga.
Pagtatawanan mo ang kahinaan ko, pero ilang saglit lang nasa loob na ako ng mga bisig mo.
Pinapakalma mo ang takot na nararamdaman ko. Pinapadama ng mga yakap mo na ligtas ako at nasa ayos lang ang lahat.
Kasabay ng pag-agos ng aking luha ang pagbuhos ng malakas na ulan, kasabay ng malakas kong paghikbi ang malakas din na kulog at kidlat.
Hindi ako natinag sa aking pagkakaupo at mas lalong humigpit pa ang pagkakayakap ko sa teddy bear na bigay mo sa akin.
Kahit natatakot akong matamaan ng kidlat at sa lakas ng kulog na aking naririnig, hindi ko magawang kumilos para isarado ang bintana at magtago sa ilalim ng aking kumot.
Umaasa ako na dadating ka at muli akong yayakapin ng mahigpit gaya ng pinaparamdam mo sa akin dati.
Kung sana nandito ka lang.
Kung sana nakinig ka lang sa akin.
Kung sana pinalipas mo lang ang bagyo.
Kung sana hindi ka nagpumilit umalis.
Kung sana nagpapigil ka lang.Sana nandito kapa ngayon kasama ko, kasama ng magiging anak natin.
Ps. Natapos ko ito noong 04-17-2020 habang nakaupo sa labas ng bahay at nakatunghay sa madilim na langit. Parang uulan kasi that time kaya nabuo 'tong kweno na ito.