"Gusto ko niyan Ma."
Ito ang parati kong sinasabi kay mama sa tuwing may gusto akong bagay o di kaya pagkain. Pero imbis na pagsang-ayon ang makukuha ko parati na lang, "hindi pwede anak".
Minsan naiisip kong kinukuhaan ako ni Mama ng kasiyahan dahil parati na lang itong disgusto sa lahat ng gusto ko. Minsan binibigay naman niya yung mga gusto ko pero matagal pa bago ko makuha.
Yung tipong hindi mo na gusto yung bagay nayun dahil hindi na trending, ayaw mo na kumain ng pagkain na yun dahil iba na naman ang gusto mo.
One time umiyak ako buong magdamag kasi hindi binili ni Mama yung sapatos na gustong gusto ko. Hindi ako lumabas ng kwarto ko at hindi rin ako kumain para mag-rebelde dahil hindi ko nakuha ang gusto ko.
"Mahal kita" kinapalan ko na ang pagmumukha ko para lang masabi yun sa lalaking gustong gusto ko.
Hindi ko alam kung bakit ko siya nagustuhan pero isa lang ang alam ko. Kailangan maging akin siya at magustuhan niya rin ako kahit na anong mangyari.
Tinitigan niya ako na para bang hindi ito naniniwala sa sinabi ko. Mababakas sa mukha nito ang pagkabigla.
"Sorry" iling na sambit niya saka tinalikuran ako. Hinabol ko ng tingin ang likod niya.
Pero imbis na tumigil dahil alam kong wala na akong pag-asa. Namalayan ko na lang na sinusundan ko siya hinahabol ang mabilis niyang hakbang, nang bigla itong bumagal sa paglalakad at hinarap ako.
"Tumigil kana" walang emosyong sambit nito.
Umiling ako saka hinawakan ang kamay niya. Kumislot ito at pilit na bumibitaw, pero naging matigas ako.
"Totoong mahal kita" tanging sambit ko lang.
Nagbuntong hininga ito saka marahas na hinila ang kamay sa pagkakahawak ko, dahilan para muntikan na akong matumba.
Mababakas sa mga kilos niya na galit na ito. Pero desidido na akong magiging kami ngayong gabi, sa ayaw at sa gusto niya.
"Hindi pwede!" sigaw niya sa akin.
Buti na lang nasa parking area kami. Malaya niya akong masisigawan at malaya din akong gawin ang gusto ko.
"Bakit hindi? Alam kong gusto mo rin ako!" balik na sigaw ko sa kanya.
Hinawakan niya ako sa magkabila kong balikat. Alam kong alam niyang nasasaktan ako sa paraan nang pagkakahawak niya, pero hindi yun naging hadlang para kaawaan niya ako.
"Hindi ko alam na binibigyan mo ng kahulugan ang mga magagandang bagay na ginagawa ko sa iyo." sumbat niya.
"Dahil pinaparamdam mo sa akin na iba ako sa lahat" pigil ko ang mga luhang gusto nang kumawala sa mata ko.
Umiling ito saka ngumiti na tila nanunuya.
"Mali ka. Masyado ka kasing bilib sa sarili mo. Gusto mo lahat mapunta sayo. Gusto mo lahat ng naisin mo makukuha mo. Pero hindi ako! Hinding-hindi ako magiging sayo!" malakas na sigaw niya sa harapan ko.
Nag-unahan sa pagtulo ang luha ko. Sobrang sakit ng mga salitang binitawan niya. Kinakain ng mga salita niya ang pagkatao ko.
"Ikakasal na ako." agad niya akong binitawan at sumakay sa kotse niyang pinaharurot na lang basta.
Gumuho lalo ang mundo ko nang marinig ang mga katagang iyon. Pinagpira-piraso ang puso ko nang talikuran niya ako.
Napaupo ako sa malamig na semento. Naiyakap ng mga kamay ko ang nanginginig kong mga binti.
Naalala ko bigla ang sinabi ng Papa ko sa akin.Biglang may kumatok sa pinto ng kwarto ko.
"Anak?" boses ni Papa.
Dahan-dahan akong bumaba ng kama at binuksan ang pinto. Niyakap ko si Papa ng napakahigpit habang umaatungal ako sa pag-iyak.
"Tahan na." sabay haplos niya ng buhok ko.
Tumahan ako ngunit, umaagos parin ang luha sa mga mata ko.
Pinaupo ako ni Papa sa kama ko saka siya kumuha ng silya para umupo sa harap ko.Tinitigan niya ako na para bang nauunawaan niya ang nararamdaman ko.
"Alam mo anak, hindi lahat ng gusto mo makukuha mo. Bagay, pagkain," sabay iling nito.
"Porket sinabi mong gusto mo ibibigay na agad sayo. Minsan kailangan mo lang magtiyaga at maghintay." patuloy ni Papa. Mataman lang akong nakikinig habang kutkot ang aking mga kuko.
"May mga bagay na hindi talaga para sa ito anak. Malay mo may mas magandang sapatos pala na para sa 'yo." nakangiting sambit ni Papa sabay abot ng paper bag sa akin.
Kinuha ko ang paper bag na may pagtataka sa mukha.
"Buksan mo." masiglang utos nito sa akin.
Nang buksan ko ang paper bag ganun na lang ang pagkagulat ko nang makita ang isang Limited Edition na sapatos. 50 pairs lang ang inilabas ng brand nila at 10 pairs lang ang nasa Pilipinas.
Bigla akong napaluha at yumakap ng mahigpit kay Papa.
"Si Mama mo ang bumili niyan. Taga abot lang ako." natatawang sabi ni papa saka ginulo ang buhok ko.
Akala ko aalis na siya pero may pahabol pa siyang word of wisdom.
"Hindi lang bagay at pagkain o kung ano pang mga material sa mundong ito ang hindi mo makukuha. Kahit gusto mo pa ito anak, kahit na tao pa." makahulugang pahayag ni Papa bago lumabas ng kwarto ko.
Mas lumakas ang iyak ko nang maalala ko ang gabing kausap ako ni Papa. Makailan pa akong nagbuntong hininga saka tumayo.
Ngumiti ako sabay punas ng aking luha."Ito na po ba yung sinasabi niyo Pa? Na kahit na tao. Kahit gusto ko pa ito o kaya kahit na mahal ko pa, hinding hindi mapapasakin dahil hindi pwede, dahil hindi para sa akin?" humugot ako ng malalim na hininga.
"Ibig po ba ang sabihin may mas magandang naghihintay sa akin? Kailangan ko lang po talagang magtiyaga at maghintay para dumating din yun?"
Natawa ako kasi para na akong sira-ulo na kausap ang hangin at naghihintay ng sagot.
Gumaan ang nararamdaman ko nang maalala ko ang gabing kausap ko ang Papa. Malinaw na sa akin na mas mabuting matyagang maghintay kaysa ipilit ang mga bagay na hindi pwede at hindi para sa'yo.
04-26-2020