Out 2: Run-in
Clef Jean Palma's POV
Time check: 10:30pm.
Kanina pa kami naglalaro ni Miwa ng billiard. Hindi pa kami umuuwi dahil sa dalawang makukulit na lalaki. Sumasakit na yung ulo ko sa kadaldalan at kaingayan nila Nate at Keiron. Nasobrahan na sila sa alak kaya kung anu-ano nang kalokohan ang naiisip. Hindi namin sila maiwan ni Miwa dahil walang maghahatid sakanila pauwi. Napapailing nalang ako na kami pa talaga ang mag-uuwi sakanila. Buti nalang magkatabi lang ang unit nalang dalawa kaya isahang paghatid nalang mamaya.
"Kapag natalo ko si Clef sa paglalaro ng billiard, kailangan mong tumakbo ng brief lang ang saplot," mabagal na sabi ni Nate kay Keiron. Pareho silang nakaupo sa couch malapit sa billiard table kung saan kami naglalaro. Mababakasan talagang marami na silang nainom, dahil bukod sa dami ng bote ng beer sa tabi nila, mapupula na ang kanilang mukha at mga mata.
"Sus. Kapag natalo ko naman si Miwa sa billiard, sasayawan mo yung girlfriend ni Brent habang nakabrief," sabi naman ng pinsan ko.
"Yun lang pala eh. Wag kang masyadong kampante pare. Matatalo ko si Clef, at matatalo ka ni Miwa kaya, ikaw lang sa ating dalawa ang magmumukhang tanga habang nakasuot nalang ng underwear," napaubo ako sa sinabi ni Nate. Bakit ba pumasok pa sa mahahangin nilang kokote ang mga bagay na yan?
"Aww.." nakangusong sabi ng nila.
Napatawa nalang ako ng hagisan ni Miwa ang dalawa ng walang lamang lata ng soda. Napasinghap ang dalawa, pero dahil parehong wala na sa wisyo, tumawa nalang sila ng malakas.
"Idinamay niyo pa kami dyan sa mga kalokohan niyo," sabi ni Miwa bago tumira. "Aish!" ginulo niya ang buhok niya nang hindi niya naipasok ang tira.
"Hindi ka naman talaga mananalo sakin Miwa. Asa ka pa no," mayabang na sabi ni Keiron. Nakita kong tinaasan siya ng kilay ni Miwa at saka siya nito binatukan. Tinignan lang siya pabalik ng pinsan ko pagkatapos ay nagtinginan sila ni Nate, at sabay na tumawa.
"Pinsan mo ba talaga yun?" kunot-noong tanong ni Miwa. "Sa kasamaang palad," sagot ko na ikinanguso niya. Pumwesto naman ako para ubusin at tirahin ang mga bola.
Mas dumami na ang tao dito sa Orion dahil palalim na ang gabi. Mas malakas narin ang tugtog mula sa bar area na hanggang dito sa pwesto namin ay dinig na dinig namin ang hiyawan ng mga naroon habang sumasabay sa up-beat na tugtugin.
"Hindi nga pala ako makakapunta dito bukas," napatingin ako sandali kay Miwa bago ulit tumira.
"Bakit?"
"Uuwi na kasi si kuya. Pinapasama ako nila mama sa pagsundo sakanya. Ah! Kung gusto mo sama ka narin."
"Hindi na. Kilala mo ang kuya mo, baka sabunin niya lang tayo ng tanong kung anong ginagawa natin habang bakasyon."
"Kaya nga pinapasama kita eh. Para hindi lang ako yung gisahin niya. Alam pa naman niya kung nagsisinungaling ako o hindi. Kapag sinabi ko naman ang totoo, baka hindi na tayo makabalik dito."
Lumaki ako na kasama si Miwa at ang kuya niya. Madalas ako sa bahay nila noon kaya pati mga magulang nila kilalang kilala na ako. Mahigpit si kuya Den, kuya ni Miwa, saaming dalawa. Hindi niya kami hinayaang lumabas na katulad nito. Pero sadyang rule breaker kami ng kapatid niya kaya minsan wala na siyang magawa, hinahayaan niya kami pero bakas parin sakanya ang pag-aalala. Kapag kasama ko silang magkapatid, pakiramdam ko parte na ako ng pamilya nila. Parte ako ng pagiging magkapatid nila.
Nang matapos ko na ang laro, inayos na namin ang mga gamit namin. Kinuha ko na ang bag ko at inilagay na sa lalagyan ang taco. Sarili kong taco ang lagi kong gamit sa tuwing naglalaro, pinag-ipunan ko kasi ito kaya hindi ko maiwan sa bahay at ipagamit sa iba.