Out 3: Intruder
Seoul, South Korea.
Someone's POV
Sunud-sunod ang ginawa nilang pagputok at wala akong magawa kundi ang magtago. Hindi ko itatangging nakakaramdam ako ng kaba at takot sa nangyayari. Tagaktak na ang aking pawis at mabilis ang aking paghinga.
Hindi ko akaling matutunton nila ako. Hibang na talaga siya para ipag-utos pang kunin ako, patay man o buhay. Pero hindi ako papayag. Hinding hindi na ako babalik sa impyernong buhay na meron sa kamay niya.
Nakakasakal.
"Wag niyo siyang hahayaang makatakas," rinig kong sabi ng isa sa mga lalaki.
Nanatili akong nakatago sa loob ng malaking drawer sa loob ng guest room ng bahay. Hawak hawak ko ang aking baril, nanginginig ang aking mga kamay at sunud-sunod ang pagbaba at pagtaas ng aking dibdib.
Sa loob ng tatlong taong pananahimik, ngayon ko lang ulit naramdam ang magtago at panatilihing buhay ang sarili.
Rinig ko ang takbuhan sa labas, pagkasa ng mga baril at mga boses ng mga lalaking nagpapatunay na desperado silang mahuli ako at matapos na ito.
"Wala ka nang takas saamin ngayon!" mula sa isang mababang tinig ng lalaki.
Hindi sapat ang naitagong bala para tapusin silang lahat. Knowing her, hindi siya magpapadala ng mga tauhang hanggang pananakot lang ang kayang gawin. Siguradong sa loob at sa labas ng aking bahay, maraming mga aramadong nag-aabangan. Mga dati kong kasamahan.
Ramdam ko ang pagtulo ng aking pawis mula sa noo, pero hinayaan ko lang ito nang biglang may nagbukas ng pintuan ng guest room kung saan ako naroroon. Rinig ko ang dahan-dahang yapak ng kanyang mga paa, humihinto at maglalakad muli. Waring nakikiramdam sa paligid.
Mas lalo kong hinigpitan ang paghawak ng aking baril nang maramdaman ko ang kanyang paglapit sa aking pinagtataguan. Wala akong silencer kaya kung papuputukan ko siya sa oras na buksan niya ang drawer, makakakuha iyon ng atensyon sa lahat. Pero, kailangan ko siyang patahimikin agad..
Maya-maya lang ay tumigil siya sa paglakad, ngunit ramdam ko parin ang kanyang presensya mula sa labas. Ilang segundo akong nakiramdam kung ano ang kanyang balak nang bahagyang bumukas ang pintuan ng drawer.
Bahagyang lumiwanag sa loob ng aking pinagtataguan, gayunpaman hindi parin iyon dahilan para tuluyan niya akong makita. Medyo natatakpan ako ng mga nakasabit na damit sa loob.
Napakagat ako ng aking labi habang hinihintay ang kanyang pagkilos. Pigil ang aking paghinga sa bawat patak ng segundo at mas naramdaman ko ang pagtulo ng aking pawis sa buong katawan.
"You'll owe me this.."
Nanlaki ang aking mga mata nang marinig ang baritonong boses ng lalaki. Hindi ko man makita ang kanyang mukha ngunit alam ko kung sino siya. Mas bumilis ang tibok ng aking puso, at parang gusto kong maiyak nalang sa aking pinagtataguan.
Maya-maya lang ay isinara niya ang drawer at muli akong binalot ng katahimikan at dilim sa loob.
"Wala siya rito," sabi niya, kasabay nun ay ang pagsara ng pinto. Napahinga ako ng sobrang lalim, hindi ko nalang rin namalayan ang pagtulo ng aking mga luha. Pigil rin ang aking paghikbi.
"Lagot tayo nito. Hinayaan nating siyang makatakas! Magsilabas kayo, baka sakaling hindi pa siya nakakalayo!"
Maririnig nalang muli ang mga takbuhan sa labas. Maya-maya lang ay puro pagbasag at pagsira ng mga kagamitan ang aking nahimigan. Inilagay ko sa aking bibig ang aking mga kamay habang hawak hawak parin ang baril.