Nagsimula tayo sa pagkakaibigan pero agad mo rin namang tinuldukan. Masyado akong naghangad, masyado rin akong nasaktan.
Kamusta kana? Ang sarap balikan ang mga ala-ala nating hindi na madudugtungan. Pasensya na kung palagi kang nadadamay dito. Ikaw lang kasi ang tanging paksa ko sa diary na ito.
Naalala mo paba noong unang araw tayo magkakilala? Bata pa tayo no'n, kilala tayong batang gusgusin sa ating lugar. Madalas tayong maglaro at magtakbuhan sa gilid ng dagat at higit sa lahat, ikaw ang naging dahilan kung bakit ako naging masipag na bata.
Hinahangaan kita sa pagiging matiyaga at pagiging matibay mo sa bawat araw na iyong hinaharap. Mahirap man ang naging estado natin sa buhay, hindi 'yun ang naging dahilan para mawala ang matamis na ngiti sa iyong labi.
Sa tuwing gumigising ako ng maaga ay mukha mo agad ang bubungad. Magkalapit lamang tayo ng tirahan at tila pamilya na rin ang turingan. Hinding hindi ako nagkamali na nakilala kita.
Madalas mo akong makita sa bakuran ng iba't ibang bahay upang maglinis at kumita ng pera. Kumakaway ka sa akin bago dumiretso sa palengke para tulungan mo ang iyong Ina na si Tita Conchita na taga-benta lamang ng mga isda galing sa huli nila Tito Alejandro, ang iyong Ama.
Magkikita tayo tuwing sasapit ang alas tres ng hapon, hudyat na tapos na ang iyong gawain. Tatambay tayo sa pang-pang upang magkwentuhan at tawanan ang mga nakakatawang bagay. Lubos kong hinahangaan ang iyong taglay na magpasaya ng mga tao sa iyong paligid.
Madalas tayong magkita kaya ito ang nagiging dahilan kung bakit tayo ang usapan sa bayan. May itsura ka, matangos ang ilong, mapulang labi, mapungay ang mga mata at may pinakamagandang ngiti sa lahat. Maraming babae ang naghahangad sa iyong taglay na kagwapuhan pero sa paningin ko, isa ka lamang simpleng tao at may mataas na pangarap.
Tanging pangarap mo sa buhay ay ang mabigyan ng maayos na tirahan ang iyong pamilya. Bata pa lamang tayo ay ito na ang iyong misyon sa buhay. Bukod sa paghanga, lubos din kitang kinaiinggitan sa lahat ng bagay. Matalino, matiyaga, mapagmahal, masiyahin, masipag at may mataas na pangarap. Lahat na ata ay nasa iyo, nakakadismaya, dahil hindi man lang ako biniyayaan bukod sa kasipagan. Hinakot mo na ata lahat.
Alam mo ba? Ikaw ang bukambibig ng aking Ina na si Cecilia. Ikaw ang magandang halimbawa para sa kanila upang magsipag pa ako sa buhay. Kahit hindi man nila sabihin 'yon, gagawin ko talaga ang lahat para makaahon kami sa buhay.
"Precilia, kapag ako ay nakapagpagawa ng magandang bahay, ikaw ang kukunin kong katulong."
'yan ang sinabi mo sa akin bago tayo maghiwalay sa pang-pang.Hindi ko alam kung biro o talagang gusto mo ako maging katulong. Sinadya mo pang sabihin na ako ang magiging taga-linis ng inyong bakuran. Tumawa lang ako at hindi na nakipag-talo dahil hangad ko rin na makasama ka kapag dumating na ang panahon kung saan ikaw ay nakakaangat na sa lahat.
Pagkatapos natin mag-usap ay ihahatid mo na ako sa aming tirahan kung saan, gawa lamang sa kahoy katulad ng inyo. Maraming bulaklak ang nakakalat sa aming bahay at ito ang iyong pinakagusto sa tuwing inihahatid mo ako pauwi. Mahilig kang pumitas ng bulaklak at ibibigay mo rin sa akin.
"Bulaklak namin 'yan, bakit mo ibibigay sa akin?" yan ang tanong ko na hindi mo man lang nagawang sagutan.
Nginingitian mo lamang ako sa tuwing binabara kita tungkol sa bulaklak. Ako ang madalas pagalitan ni Ina dahil sa bulaklak niyang palaging kalbo dahil sa kakapitas mo gabi-gabi. Hindi kita sinusumbong kay Ina kahit batid kong wala ka namang pake kung isusumbong kita. Nakalimutan ko atang ikaw ang paborito ng aking Ina.
Ilang beses kitang kinukulit na huwag mong papakielaman ang aming hardin sa tuwing hinahatid mo 'ko dahil hindi rin naman ikaw ang naglilinis.
"Ikaw na nga binibigyan ng bulaklak, ikaw pa may ganang magreklamo." biro mo.
Sinapak kita nung araw na 'yon at ako rin ang napagalitan sa huli. Nagsumbong ka sa Nanay kong ginulpi daw kita ng buong araw kahit hindi ko naman talaga ginawa 'yon. Nagalit ako sa' yo niyan dahil parang balewala lang sayo ang pagiging matampuhin ko.
"Pasensya na, hindi na mauulit. Huwag ka lang magalit sa 'kin."
Ito ang unang beses na tumibok ang aking puso dahil sa' yo.
BINABASA MO ANG
Percilia's Diary
Short Story[COMPLETED/SHORT STORY] Percilia Lourdes Chavez, isang anak na kilala bilang isang masayahin at masipag sa kanilang lugar. Mahirap man ang kanilang estado sa buhay, hindi 'yun ang naging dahilan para mawalan ng tiwala sa sarili ang dalaga hanggang s...