CHAPTER EIGHTEEN

1.2K 102 1
                                    


ALAS-TRES ng hapon nang magpasya kami ni Art na hanapin ang fiancée niya. Si Andrea naman, kasama niya ang boyfriend niya kaya't sinulit ko ang pagkakataon na 'to para hanapin ang fiancée ni Art.

Dahil sa init ng araw, bigla akong nauhaw. Nagpasya akong bumili muna ng buko juice sa may di-kalayuan. Nakaisip din naman ako ng mgandang ideya na magtanong-tanong sa mga vendors dito.

"Salamat ho." Inabot ko ang bayad kay Manong at nagsimula na akong inumin ang fresh buko juice na benta niya. Hay! Nakaka-relax at sobrang sarap.

"Manong, ilang taon na ho kayong nagtitinda rito?"

"Mahigit dalawampu't limang taon na."

Napatango ako. Kung titingnan si Manong, nasa edad 60 na siya. Mukhang ibinuhos ang buhay niya sa pagtatrabaho rito.

"Sa tagal n'yo ho rito, marami na rin ho ba kayong nakita o nasaksihang mga nalunod rito?"

"Nalunod?" Tila napaisip siya. "Matagal na noong may huling nalunod diyan sa dagat. Sa tantiya ko, mga labindalawang taon na ang nakalilipas."

Nanlaki ang aking mga mata at tila nabuhayan ng pag-asa. Maging si Art ay ganoon din ang naging reaksyon.

"Talaga ho?"

"Oo. Sa beach resort na ito, wala nang nababalitang nalulunod. Pinakahuli ay 'yung bata." Tila napaisip siya. "Tama, iyong bata nga na nagdiwang ng kaarawan niya."

Mas lalong namuo ang pag-asa sa puso ko. Nandito siya nang mangyari iyon, baka nakita rin niya ang fiancée ni Art.

"Pwede n'yo po bang ikuwento sa akin ang nangyari?"

"Bakit, hija? Bakit interesado ka sa kuwentong iyon?"

Napalunok ako at bahagyang napatingin kay Art. "Dahil po mayroon akong hinahanap na isang babae. Malapit ho iyon sa pamilya ng batang 'yon."

"Kung ganoon, sino ba ang hinahanap mo? Baka sakaling makatulong ako."

"Andi po. Andi Mendez."

"Si Andi?" Mas lalong nanlaki ang aking mga mata dahil sa gulat! "Bakit mo hinahanap ang anak ko?" dugtong niya.

"Anak n'yo ho?"

Bigla akong napatingin kay Art. Kitang-kita ang ningning sa kanyang mga mata. Habang ako, ang kaninang saya ay tila naglalaho. Tila napapalitan ng sakit nang makita ko si Art.

"Oo, ako si Caloy Mendez. Anak ko nga siya. Ngunit wala siya rito ngayon. Nasa Maynila na siya at doon nagtatrabaho."

"Ganoon ho ba?"

Tila nawala ang saya sa mga mata ni Art nang marinig iyon.

"Ngunit, bukas, nagsabi siya na babalik siya rito. Kung gusto mo, sasamahan kita sa kanya bukas."

Muling nanumbalik ang saya sa mga mata ni Art. Hindi ko rin maiwasang isipin . . . malapit na ba talaga kami sa matagal na naming hinahanap? Tuluyan na bang lilisanin ni Art ang mundong ito?

--**--

ALAS-ONSE na ngunit hindi pa rin ako makatulog. Kanina pa ako pagulong-gulong sa kama at pakiramdam ko ay malapit na akong masiraan ng ulo.

Hindi pa rin maalis sa akin ang nangyari kanina. Iniisip ko si Art at sa mga posibleng mangyari kapag tuluyan na siyang nawala.

Hindi ba dapat masaya na ako dahil mawawala na ang problema sa buhay ko? Pero bakit nasasaktan ako?

Inilibot ko ang aking paningin. Wala si Art sa kuwartong ito. Tiyak ay nasa labas siya.

Napabuntonghininga ako bago ako tumayo at nagpasyang pumunta sa labas. Gusto ko ring aliwin ang aking sarili sa panonood ng alon sa dagat.

Stars Above Us (Soon To Be Published Under MPop)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon