Chapter 2: Twist of Events

13 0 0
                                    




01 Jun 2020

Pagkatapos manood ng sine ni Corine at Abel, nagsimula nang bumuhos ang malakas na ulan. Hindi na rin makadadaan ng mall ang mama ni Corine para sunduin siya kaya wala na ring choice si Abel kundi ihatid siya pauwi kahit hanggang sa sakayan lang ng tricycle. Pumwesto silang dalawa sa harap para hindi sila masyadong naaabala kapag may mga bumababa at sumasakay. Matagal-tagal ang magiging biyahe nila lalo na't bumabaha sa Espana kahit umihi lang ang palaka.

Umalis na ang van at inantok si Corine dahil sa tagal ng biyahe. Pinatong niya ang ulo niya sa balikat ni Abel. Medyo kinabahan din si Abel dahil wala pa siyang naging girlfriend at bumibilis ang tibok ng puso niya. Hindi niya maintindihan kung kinakabahan lang siya o talagang may special treatment na siyang nararamdaman para sa kaibigan niya. Halu-halong emosyon ang nararamdaman niya habang nasa biyahe. Naisip na niyang sana ay 'wag na nilang maabot ang dulo ng kalsada. Ngunit hindi siya pinagbigyan ng pagkakataon, nakarating na sila sa terminal ng tricycle.

"Kaya mo na bumyahe mula dito?", tanong ni Abel habang pinapayungan si Corine.

"Oo naman. Kaya ko naman sumakay ng tricycle pauwi ng bahay. Basta point A to point B kaya ko naman mag-commute. Haha.", sabi naman ni Corine.

"Manong, eto na ho 'yung bayad. Hatid n'yo na lang po siya sa Maria Clara street.", at iniabot ang isang daan na hindi niya nagastos dahil ginamit nila ang perang iniabot ng mama ni Corine. Masayang-masaya si Abel hanggang magpaalam si Corine at hinintay niyang makalayo ang tricycle. Nagsisimula na ring mabasa ang sapatos niya kaya tumakbo siya papunta sa sakayan ng jeep.

Habang papatawid siya ng kanto, may isang sasakyang bumusina ng malakas at pinilit habulin ang yellow light. Humarurot ito ng takbo at tumalsik ang tubig ulan sa lahat ng tumatawid kasama si Abel. "Walang-hiya! 'Yung sapatos ko." Umuwi siyang basang-basa ang pantalon at sapatos. Hindi na rin niya ito napansin dahil nangingibabaw ang tuwa niya sa nangyare sa maghapon.

"Mukhang masaya tayo ah.", sabi ng tatay ni Abel. "Saan ka ba nanggaling?"

"Ah, lumabas lang po kami ni Corine, tay. 'Yung classmate ko na mayaman na palagi ako nililibre ng lunch.", sagot naman ni Abel habang sinasampay ang mga nabasang gamit.

"Hindi kaya girlfriend mo na 'yan at ayaw mo lang sabihin sa'min?", tanong muli ng tatay niya habang nakangiting nakikinig ang mama niya na abala sa pagluluto ng hapunan.

"Hindi ah. Focus muna ako sa pag-aaral. At saka hindi ko siya abot. Wala akong ipapakain sa kanya kapag nagkatuluyan kami. Saktong magkaibigan lang kami."

"Pang-teledrama ah. Hindi natin masasabi. Malay mo kayo magkatuluyan.", sabi ulit ng tatay niya. Dahil hindi na komportable si Abel sa usapan, nagmadali na lang siyang pumunta sa kwarto para iligpit ang mga gamit at libro na hindi na magagamit sa second semester.

"Nak!", biglang sigaw ng mama niya ilang sandali pa.

"Po?", sagot naman niya mula sa kwarto.

"Malapit na birthday mo. Sabi ni Tita Lourdes mo daan ka daw sa carinderia para may panlibre ka at panghanda para sa mga kaklase mo.", sabi ng mama niya.

"Ay talaga? Wow. Hindi naman ako naglilibre kapag birthday ko kasi wala naman akong panlibre haha. Pero sige dadaan ako sa Miyerkules ng umaga bago ako pumunta ng skwelahan."

Pagsapit ng Miyerkules, gumising si Abel na wala ang magulang sa bahay. Maaga silang pumasok sa mga trabaho nila. Naghanda na siya pumasok sa paaralan at sumakay ng jeepney papunta sa carinderia kung saan nagtatrabaho ang mama niya.

"O, anak, happy birthday.", sabi ng mama niya.

"Happy birthday.", sabi rin ng Tita Lourdes niya na abala sa paghahalo ng lugaw. Medyo abala sila ng mga panahong iyon kaya pakiramdam ni Abel, nakakaabala lang ang pagpunta niya. Napansin ito ng mama niya kaya bumulong ito kay Aling Lourdes. Tumango-tango siya at saka iniabot ang isang plastik na may lamang dyaryo.

Twenty-TenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon