Una

10 0 0
                                    

Lumaki ako na walang suportang natatanggap mula sa nanay ko. Sabi ni Papa umalis daw agad si Mama pagkatapos akong ipanganak. Simula noon sa kariton kami nanirahan. Nagbobote si Papa habang sakay ako ng kariton niya. Kapag umuulan, isisilong niya ako sa waiting shed tapos huhubadin niya yung damit niya para ipangkumot sa akin.

Limang taon ako nang ipaampon ako ni Papa kila Tita. Hindi niya na raw ako kayang suportahan kaya sumama na lang daw ako kay Tita at sundin lahat ng utos nito. Um-oo ako noon kasi ano ba naman ang alam ko sa mundo. Tumira ako nang matagal sa puder ng tiyahin ko kung saan trinato nila ako na parang hindi kamag-anak.

Pagkatapak ko pa lang sa bahay nila, pinaglampaso agad ako. Maputik at madumi raw ako kaya kailangan linisan ko ang bahay nila. Dalawang beses sa isang linggo lang din kung pakainin nila ako kahit sobrang pudpod ko sa gawaing bahay. Isang araw naghanap ako ng kakainin kasi birthday ko, kinulong nila ako sa cabinet hanggang kinabukasan. Taon-taon na birthday ko ganun na ang ginawa nila sa akin.

Tiniis ko lahat ng tatlong taon. Hanggang sa dumalaw si Papa sa bahay nila Tita. Sobrang saya ko 'nun, sa wakas may kampi na ko. May dala siyang damit para sa akin. Binigyan niya din ako ng isang daan pambili ko daw ng pagkain. Maluha-luha siya nang makita ang mga pasa at sugat ko sa katawan.

"Pa, kunin mo na ako dito. Okay lang kahit wala tayong bahay o kaya pagkain. Sama mo na ko sa'yo Pa." iyak ako ng iyak kay Papa. Pero umiling lang siya.

"Babalikan kita 'nak. Onting tiis na lang. Pasensya na kung mahirap lang si Papa ha? Hayaan mo, magtratrabaho ako ng magtratrabaho para maisama na kita. Sorry 'nak kung ganito lang ako."

Halos madurog ang puso ko nang makita kong palayasin siya ni Tita. Nakayuko habang nakaluhod si Papa sa pintuan ng bahay habang nagmamakaawa na 'wag akong saktan.

"Kung ayaw mong masaktan 'yang magaling mong anak, isama mo! Wag kayong sumiksik sa pamamahay ko. Kasalanan ko ba na mahirap kayo at nandadamay pa kayo sa kamalasan nyo?"

Walang nagawa si Papa kundi humingi ng dispensa at pinaulanan si Tita nang pasasalamat dahil kinupkop nila ako. Hinabol ko si Papa hanggang kanto pero sinigawan niya lang ako.

"Wag nang matigas ang ulo! Sa Tita mo may bubong kang nasisilungan! Pinapakain ka naman nila diba? Wag ka na lang maging pasaway para hindi ka nila nasasaktan!"

Tumango na lang ako at hindi na nagsumbong. Kahit labag sa loob ko, bumalik ako sa impyernong bahay na 'yon.

Bawat hagupit ng pamalo niya ay tinitiis ko. Kahit kumakalam na ang tiyan ko sa sobrang gutom hindi ako nagreklamo. Limang taon na ako sa bahay na 'to pero ganun pa rin.

Pinag-aral nila ako pero ni katiting na suporta wala silang binigay. Namalimos ako para makabili ng papel at lapis. Plastic bag ang naging lagayan ko, kahit pagtawanan pa ko ng mga kaklase ko. Sobrang saya ko nung may libreng school supplies at bag na binigay. Excited akong umuwi para maayos ko ang mga gamit ko. Pagkauwi ko sa bahay ay nagtatalo silang mag-asawa. Lasing na naman ang asawa ni Tita at sinasakal siya neto. Hindi ko sila pinansin. Baka sa akin mabunton ang galit nila at saktan uli ako.

Dumiretso ako sa bodega na naging kwarto ko. Isasara ko na sana ang pinto ng biglang malakas itong bumukas, nauntog ang ulo ko sa cabinet na malapit. Hinila  ni Tito ang buhok ko palabas ng bodega at itinapon ako kay Tita na nasa sahig.

"Ayan! Iyang putanginang palamunin na 'yan! Ang kapal ng mukha mo! Gusto mo pang mag-aral ha? Bobo! Hindi ka aasenso kasi walang kwenta mga magulang mo!" sinampal niya ako nang sobrang lakas. Dugo. Lasang dugo.

Hinablot niya ang bag na nakasukbit sa balikat ko. H'wag yan parang awa mo na. Gusto ko siyang sigawan at pigilan pero wala akong lakas. Wala akong ibang nagawa kundi umiyak nang sinunog niya ang bag kasama ang laman nito. Nandoon pa naman lahat ng tests na perfect ang score ko. Ipapakita ko pa sana yun kay Papa.

Natapos ang araw nang umalis si gago. Si Tita naman ngayon ang nananakit sa akin. Isinsisi kung bakit ako dumating sa buhay niya, sobrang malas ko daw. Nang matapos at makuntento siyang saktan ako, nanghihina akong tumayo para pulutin ang mga sunog na papel sinusubukan kung mabubuo ko ulit ito. Pero hindi na kaya. Bumalik ako sa bodega para umiyak ulit, yakap yakap ang damit na binigay sa akin ni Papa. Maliit na ito sa akin pero mukhang bago pa din tignan.

Pumasok ulit ako sa paaralan ng maraming sugat at pasa. Kinausap ako ng guidance councilor tungkol sa sitwasyon ko pero iling lang ang sinasagot ko sa kanya. Nagdilim ang paningin ko nang makita kong ginawang basahan ni Tita ang damit na bigay sa akin ni Papa. Wala sa sariling natulak ko siya nang hinila ko ang damit sa kamay niya.

"Tita naman, ito na nga lang po ang tanging nabigay sa akin ni Papa eh." sinampal niya ako at hinatak pabalik ang damit. Ginupit gupit niya ito sa harap ko at tinapon pagkatapos.

"Wala kang karapatan magsalita sa akin. Palamunin ka lang namin tandaan mo yan! At ang damit na 'yun? Basahan ko lang yan, wala akong pake kung yan lang ang kayang ibigay sa'yo ng walang kwenta mong tatay!" iniwan niya ako habang iniipon ko ang punit punit na damit. Pinagpuyatan kong tahiin ang tshirt at tinago sa maliit na plastic.

Mabilis na lumipas ang mga taon. Napagtyagaan kong manirahan kasama ang dalawang demonyo hanggang sa makatapos ako ng high school. Nagtapos ako ng may mataas na karangalan pero walang magulang na magsasabit ng medalya. Hanggang sa matapos ang seremonya ay inaabangan ko si Papa. Baka sakaling dumating siya at kunin na ako, pero uwian na at wala pa din siya.

Hindi ako umuwi sa bahay ng araw na 'yon. Nagikot-ikot ako suot ang uniporme habang nakasabit ang tatlong medalya, nagbabakasakaling makita ko si Papa sa kalsada. Habang naglalakad, napansin ko ang matandang babae na hirap na hirap sa tintulak niyang food cart. Tinulungan ko siya hanggang sa makarating sa apartment na pinapaupahan niya pala. Pinilit ko siya na patuluyin ako at paupahin pero hindi siya pumayag.

"Manang kahit po sa bodega lang. Wala man po akong pambayad, kaya ko naman pong tulungan kayo sa pagtitinda. Maghahanap din po ako ng ibang pwede kong pagkakitaan. Sige na po manang. Ayoko na po sa bahay ng tiyahin ko, sinasaktan po nila ako."

Natigil siya sa pagtaboy sa akin nang sinabi ko sa kanya na sinasaktan ako. Nagdalawang isip man ay pumayag siyang manirahan ako kasama siya sa isang kwarto. Nangako ako na hindi ako masamang tao at gagawin ko ang lahat masuklian lang ang ginawa niya sa akin.

Sa puder ni Aling Sita na ako lumaki. Lahat ng gamit ko ay kinuha ko sa araw din na iyon. Daan-daang mura ang natanggap ko mula sa aking tiyahin bago niya ako paalisin.

"Putangina kang bata ka! Ang yabang mo porket tapos ka ng high school! Sa tingin mo ba may narating ka na at ang lakas ng loob mong umalis sa poder ko? Gago! H'wag na h'wag ka nang magpapakita ulit sa akin!"

Nagpasalamat pa din ako sa kanya at nagpaalam ng maayos. Nakapagtapos ako ng senior high school at nakahanap ng pormal na trabaho sa tulong ni Aling Sita kaya malaki ang utang na loob ko sa matanda.

Nabasag ko ang plato nang marinig ang sinabi ni Aling Sita.

Nakilala ko si Mama last year. Dinalaw nila ako ni Papa sa apartment na tinutuluyan ko. Halos lumuwa ang mata ko nang makita ko silang magkasama.

"Nak, siya ang Mama mo. 'Wag kang magulat, hindi kami nagkabalikan. May bago na siyang pamilya, nagkataon lang na napadaan siya sa pinagtitindahan ko ng yosi sa tricycle-an kaya pinilit ko siya na kitain ka."

Ayaw niya akong makita. Umiiyak ako noon sa kanya pero nakatingin lang siya. Pinilit ko siya magkwento pero sabi niya marami pa daw siyang gagawin kaya sa susunod na lang daw.

Tapos ngayon nandito siya? Matapos niyang ipadala si Papa sa kulungan? Ang kapal ng mukha.

"Dios mio naman Isabel! Bakit ka ba nagbabasag ng pinggan dyan. Ay siya, lumabas ka na at kausapin mo ang nanay mo doon. Ako na ang maglilinis dito." tinulak niya ako palabas.

Nang makita ko ang mukha ng nanay ko, wala akong ibang naramdaman kundi galit. Kung dati ay sabik na sabik ako sa kanya, ngayon ay suyang-suya na ako. Walang kwenta. Nilingon niya ako at pansin ang namamaga niyang mata. Nagsimula siyang umiyak ng makalapit ako sa kanya. Hinawakan niya ang kamay ko habang patuloy na umaagos ang kanyang luha.

"Anak, ang tatay mo..."

Steep and Shallow Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon