Uminit ang malamig na simoy ng panggabing hangin. Ang mundo'y tila tumigil sa pag-ikot. Ang oras na umuusog ay huminto sa pagtakbo.Ang kaniyang mainit na yakap ang nagpahupa sa nag-aapoy na panganib. Hindi ako makagalaw at dinama ng marahan ang kaniyang yakap na alam kong minsan ko lamang mararanasan. Ang sandaling ito ay tila isang himala na ngayon ko pa nakasalamuha.
"Nandito na ako, tahan na." sambit nito na nagpapukaw sa aking damdamin.
Hindi ko namalayan ang mga luhang tumulo galing sa aking mga mata. Paano niya ako nagawang pakalmahin sa gitna ng mga masalimuot kong sitwasyon? Paano niya ako napapanatag sa tuwing wala ako sa katinuang pag-iisip?
Paano mo ako nagawang iligtas at buhusan ng nag-aalab na pag-aalala sapagkat ika'y aking tinalikuran at sinaktan?
"Heneral! Nahimatay ang kasama ni señorita!" malakas na sigaw galing sa isang guardia na ngayon ay nakasilip sa'min sa bintana ng kalesa.
Napaatras at napabitaw ako galing sa mga bisig ni Leonardeo. Dios ko! Si Leticia!
Tatakbo na sana ako ng biglang hawakan ni Leonardeo ang aking papulsuhan at itinapat ako sa kaniyang harapan.
"Ano ba?! Wala ng malay si Leticia, narding!" sambit ko na ikinabigla namin pareho dahil sa palayaw na itinawag ko.
"N-narding?" tanong nito na agad namang nagpainit sa pisngi ko. Leonardeo! Wala ng oras!
Tumikhim ito at binalingan agad ako. "Nakakasiguro ka ba na ika'y nasa mabuting kondisyon?" tanong nito at sinuri ang aking braso sa pag-aakalang nasugatan ako.
"Oo nga! Tara na!" wika ko at kumaripas na ng takbo pasakay sa kalesa. Hindi naman makatingin ng diretso ang dalawang guardia at ang lalaking nakasakay sa kabayo ay nakangisi habang bumubuga ng usok galing sa kaniyang tobacco.
Naramdaman ko naman ang agad na pagsakay ni Leonardeo sa kalesa. Pareho kaming nakatingin ngayon sa walang malay na si Leticia. Umusog ako ng kaunti para mabigyang espasyo si Leonardeo sa tabi ko.
"Magtungo tayo sa tahanan. Andoon na si Kuya. Jose!" tawag ni Leonardeo sa guardia.
"Heneral!" wika nito at seryosong nakatingin sa heneral.
"Ikaw na ang sumakay sa kabayo, dito na ako sa kalesa. Isabay mo na din iyong kutsero at dalhin sa tahanan. Manuel, ikaw na ang magpatakbo nitong kalesa." wika ni Leonardeo at ngayon ko lang naalala ang kutsero na wala na ring malay.
"Opo, heneral!" sabay na wika ng dalawa at agad inakay-akay ni Jose ang kutserong walang malay. Pumwesto naman agad si Manuel sa harap at minani-obra ang kalesa.
"Una na ako sa mansyon..." wika ng lalaki at agad namang sumilay ang kaniyang malaking ngisi sa'min ni Leonardeo. "Narding..." sambit nito at kinindatan si Leonardeo. Pinatakbo agad niya ang kaniyang kabayo na agad naman naming sinundan.
Napalingon ako kay Leonardeo na ngayon ay sumilay ang ngiti ngunit agad namang napawi at nag iwas ng tingin ng ito'y aking makita. Hinawakan ko ang kamay ni Leticia at binaliwala ang aking tabi habang taimtim kong ipinagdasal na sana'y maayos lang ito at ang kutsero.
Mabilis kaming nakarating sa mansyon nila. Lumundag kaagad ako sa kalesa at tiningnan ang aking malapit na kaibigan na ngayon ay taimtim na nakapikit. Walang kahirap hirap itong binuhat ni Leonardeo at nagtungo sa kanilang pintuan na ngayon ay nakabukas na. Nakasunod lamang ako at agad namang napatakip ang mga kasambahay ng makita ang aming mga kasuotan na ngayon ay may bahid ng dugo.
Inilapag ni Leonardeo si Leticia sa isang parehabang upuan nila sa bulwagan. Sa kabila naman ang kutserong wala ring malay. Sunod na lumabas si Diego, Juancho, Don Rico at Doña Felicia na ngayon ay bakas ang pagkabigla sa kanilang mga mukha.