Kabanata I

123 6 0
                                    

UNANG KABANATA

Mabilis ang naging paglalakad ko tungo sa bahay ng mga Honrado. Kilala ang pamilya nila sa bayan lalo na dahil sa estado ng kanilang pamumuhay. Tanyag sila sa negosyo nilang paghahabi't paggawa ng iba't ibang uri ng mga damit. Halos lahat ng mga pamilihan dito'y sa kanila nabili. 'Di naman kasi maipagkakailang napakaganda ng kanilang mga gawa lalo pa't yari ang mga iyon sa magagandang hibl ng sutla (silk).

Sa kanila ako nagtatrabaho. Mabuti na lamang at nakakuha ako ng pwesto nang minsang dumating ang anak ng may-ari't pinalitan at nagdagdag ng mga tauhan. Nakuha ako bilang hardinero. Maging ang aking kaibigan na si Lorraine ay nakuha bilang tagasilbi. Ganoon na lamang ang galak ko noon.

Sa kasalukuyan ay tinatahak ko ang daan papunta sa likod-bahay ng mga Honrado. Napakalawak niyon ngunit sapat lamang upang malagyan ng ilang hanay ng mga halamanan. Iba't ibang uri ng mga bulaklak at maririkit na halaman. Tila ba ganoon iyon kagaganda na kailangang pangalagaan ng mabuti. Ako man ay nahahalinang talaga sa mga tanim na iyon. Kaya siguro ganoon na rin lamang ang aking pagkadedikado sa pag-aalaga ng mga ito.

Napako ako sa aking kinatatayuan nang makarating sa parteng iyon ng bahay. Nakatayo ang aking amo sa parteng malapit sa balong (fountain). Habang kaharap ang isang napakamayuming dalagita na ipinalagay kong kaniyang kasintahan. Masasabi kong galing din sa isang mayamang pamilya ang babae. Nagsusumigaw sa kamahalan ang kaniyang suot na mga damit.

Nag-init ang mga pisngi ko nang makita kung gaano kaikli ang kaniyang pang-itaas. Iyon marahil ang tinatawag nilang croptop. Napakaikli naman niyon. Hindi naman sa hindi ko inirerespeto ang kaniyang panlasa sa mga suot ngunit bakit naman kasi ganoon ka-hayag ang kaniyang pananamit? Papaano siyang nagiging komportable habang suot iyon?

Napailing-iling ako. Hindi ako nararapat kumwestyon at manghusga sa mga kagustuhan ng iba.

Tiningnan kong muli ang dalawa. Napansin kong hinawakan ng babae ang mahahabang kamay ng aking amo't saka nangiti. Tila ba may pinag-uusapan ang dalawa. Halata sa babaeng iyon ang pagkatuwa. Hindi ko naman magawang tingnan ang lalaki sapagkat bahagya itong nakatalikod sa aking gawi.

Nabigla ako nang bahagyang tumingkayad ang babae at saka ginawaran ng halik sa pisngi si Sir Clifford. Mas lalo akong nanigas sa aking pwesto. Hindi ko magawang kumilos. Bakit ko nga ba sila pinapanood? At bakit pa ba ako nagugulat sa mga ganoon? Kung tutuusin ay normal lamang iyon sa mga magkasintahan. Hindi dapat iyon ikabigla o kung ano man.

Pansin ko ang bahagyang pag-angat ng mga balikat ng aking amo. Tila ba hindi rin nito inaasahan ang ginawa ng kaniyang nobya. Marahil ay kinilig ito. Nais kong matawa sa aking naisip ngunit mabuti na lamang at napigil ko ang sarili dahil hindi iyon akma sa sitwasyon.

Lalong lumaki ang ngiti ng babae nang mapagmasdan ang reaksyon ng lalaki. Nagtagal sila sa ganoong tagpo kung kaya hindi ko inaasahan ang biglaan nilang pagharap sa aking gawi. Nakangiti pa rin ang babae kahit pa natanaw na ako 'di kalayuan ngunit aking ipinagtaka ang gulat na nakarehistro sa mukha ni Sir Clifford. Hindi ko maintindihan ang reaksyon niyang iyon. Maaari bang hindi nito nagustuhan ang aking presensya rito?

Gusto kong kaltukan ang sarili dahil sa sariling tanong. Malamang ay hindi. Walang sinoman ang gugustuhin na makita sa ganoong tagpo. Ngunit hindi naman iyon dapat ikinakahiya.

Ngunit hindi rin iyon totoo sa lahat ng tao. Ang iba ay gugustuhing sa pribado gawin ang mga iyon. Hindi lahat ay kayang gumawa ng mga bagay na iyon sa presensya ng ibang tao. Kailangan kong ikonsidera ang pananaw ng iba't ibang tao, pangaral ko sa aking sarili.

Naglakad sila papunta sa aking direksyon. Malamang ay nakatayo ako sa bungad ng daan papasok sa loob. Bahagya akong tumagilid para magbigay daan sa kanila. Nagitla ako nang makitang nakatitig sa akin ang aking amo. Sinuri ko iyon ngunit wala akong makitang galit o pagkainis man lamang sa kaniyang mukha. Kung papangalanan ko ang emosyong nakapinta sa kaniyang mukha, ito ay walang iba kung hindi pagkagulat. O kung nagalit man siya'y alam kong nagpipigil lamang siya dahil nariyan ang kaniyang nobya.

Ours is a Different Kind of Love [BXB]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon