IKAAPAT NA KABANATA
Maaga akong naggayak at nagtungo sa baba. Naunahan ko pa nga ang inay na magising. Lihim akong napangiti nang sumilip sa kuwarto nila. Magkayakap na naman si Danilo't Beatriz.
Ako na rin ang nag-abalang magsaing at magluto ng pang-almusal. Naggigisa ako ng bawang nang may marinig akong paghikab sa likuran ko. Nang lingunin ko ito'y nakita ko ang inay na nakasandal sa hamba ng pinto't kinukusot ang mga mata.
"Ang aga mo namang nagising, bata ka."
"Eh, 'nay, sabi kasi ni Clifford susunduin niya raw ako ng maaga," pagdadahilanan ko. Inilagay ko na ang karne norte sa mainit na mantika. Nalanghap ko pa ang mabangong amoy nito. Kinuha ko naman ang mangkok na pinagbatian ko ng itlog at saka ito inihalo.
"Aba'y akala ko pa naman excited ka lang pumasok sa eskwela. Ang poging Sir naman pala ang dahilan."
Padaskol kong binalingan ng tingin ang inay. "Nay!"
Ano bang ipinapahiwatig niya? Mahina lamang siyang natawa't tiningnan ako ng nanunukso niyang mga mata. "Oh, bakit? Hindi ba?"
"Ano bang ibig niyong sabihin?"
"Na may gusto ka sa amo mo," aniya na para bang wala lang ang mga katagang lumabas sa bibig niya't nagkibit-balikat pa.
"Inay, ano ba 'yan!" Singhal ko. "Hindi gano'n 'yon. Walang gano'n!" Asik ko pa sabay pumameywang sa kaniya.
Natawa lamang siya sa sinabi ko. "Aba'y sabi mo, eh."
Sinamaan ko siya ng tingin ngunit mas lalo lamang siyang tumawa. Awtomatikong umikot ang mga mata ko. Tiningnan ko na lang muli ang aking niluluto.
Nang matapos 'yon ay naglatag na rin ako ng mga pinggan at kubyertos sa mesa. Ilang sandali pa'y bumaba na ang itay at ang kuya.
"Oh." Kunwari'y nagulat pa ang tukmol kong kuya nang makita ang niluto ko. Para namang ngayon lang siya nakakita ng sinangag at karne norteng may itlog? "Panigurado'y masarap 'to. Bakit ba ngayon ka lang muling nagluto, bunso? Ano kayang lasa niyang ulam?"
Napasimangot ako sa panunudyo niya. Natawa siya nang ambaan ko siya. "Nananakit ka na!"
Tinaliman ko siya ng tingin nang makitang may pabulong-bulong pa siyang nalalaman. "Suplada."
Pero narinig ko 'yon! Kaya nakurot ko ang braso niya. Agad din naman siyang napadaing. "Hoy, aray!"
Pumagitna na sa 'min ang inay. "Ang tatanda niyo na pero ganiyan pa rin kayo. At sa harap pa talaga ng pagkain? Ikaw naman, Gregorio, 'wag mong asarin iyang kapatid mo," ani inay. Sabihin ko kaya sa kaniyang parang kanina lang din no'ng inaasar niya ako? Napasagitsit na lang ako.
Sumama ang mukha ng kuya. Ayaw niya kasing tinatawag siya sa kompleto niyang pangalan. Ang bantot nga naman. Palihim ko siyang nginisihan at bumelat.
Binalingan ko ng tingin ang aming amang tahimik lang na kumakain. Tipid akong ngumiti bago magsalita. "Itay, ipagtitimpla ko po kayo ng kape," aniko't diretsahang tumayo.
"Kahit 'wag na."
Natigilan ako sa posisyon. Muli akong lumingon sa direksyon niya. Nakagat ko ang pang-ibabang labi dahil 'di ko alam kung anong gagawin o dapat kong sabihin.
"Danilo," tawag ng inay na may himig na nanunuway. Ngunit tila wala pa ring pakialam ang aking itay.
"Ako na lang ang ipagtimpla mo, bunso." Tinig iyon ng aking kuya na siyang ipinagpasalamat ko. Ayan na naman siya't inililigtas ako sa pagkakapahiya. "'Yong matapang ah," paalala niya pa. Tipid lang akong tumango sa kaniya't mabilis na kumuha ng tasa't nagtimpla.