Kabanata III

79 6 0
                                    

IKATLONG KABANATA

Pumanaog ako sa hagdan matapos kong magbihis. Huling araw ko na ngayon sa mansion dahil simula bukas ay papasok na ako sa kolehiyo kasama ang aking amo.

Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin maunawaan kung bakit ganoon lamang ang kondisyong ibinigay niya sa 'kin. Ayaw ko namang maging huwaran masyado para humingi pa nang mas marami't mas mahirap kaysa doon. Nakakapagtataka lang kasi. Bakit naman ako? At bakit naman hindi ikaw, awtomatikong pagkontra ng aking isip.

Napasimangot na lamang ako dahil sa mga naiisip. Lalo lang akong naguguluhan.

Nang makarating ako sa salas ay naabutan ko ang kuya't itay na masayang nag-uusap habang kaharap ang nakabukas na telebisyon.

Hindi ko maiwasang mapangiti ng mapait. Ganoon na ganoon kasi kami palagi noong tatlo. Kapag may oras ay lagi kaming nagkwekwentohan at saka manonood ng basketball sa TV o kung ano mang nasa palabas. Lagi ngang nabuburyo ang aming ina dahil hindi siya makasabay sa amin.

Muli kong tiningnan ang dalawa habang pinili ko na lamang na maupo sa hagdan. Baka kasi'y hindi magustuhan ng ama ko ang presensya ko kung sakaling pumaroon ako. Hindi pa naman nakakapaghanda ng almusal ang inay kaya ayos lang. Pinagmasdan ko na lamang silang magkwentuhan at sinubukang pakinggan ang kanilang usapan.

"Aba't kailan mo dadalhin iyong nobya mo rito?" Kumuha ang itay ng isang tasa't sumimsim ng kape mula rito.

"Baka sa makalawa po. Ngunit 'di ko rin sigurado dahil baka may pasok 'yon."

Tumatango-tango ang itay sa naging sagot ng aking kapatid. Hindi ko naman mapigilan ang sariling matuwa dahil sa narinig. May kasintahan na ang aking nakakatandang kapatid. Nananabik akong makilala ang babaeng tinutukoy niya.

"Ayos lang 'yon. Kahit kailan niyo gusto't libre sa oras niyo. Basta ba sabihan mo muna kami ng nanay mo't makapaghanda man lamang kami," nakangiti nitong tugon.

Kailan kaya ako muling ngingitian ng itay?

Iniiling ko na lamang ang aking ulo dahil sa tanong. Hindi na yata muling mangyayari 'yon. Hindi na rin naman ako umaasa pa. Hangga't ganito ako, natitiyak kong hindi babalik sa dati ang pakikitungo ng aking ama sa 'king muli. At maliit masyado ang tiyansang mababago ko pa ang aking sarili.

Ang ibig kong sabihi'y sinubukan ko rin naman. Tinangka kong ibaling sa ibang bagay ang aking sarili para hindi maapektuhan ang aking pag-iisip. Sinikap ko namang 'wag nang si Marcus. Na si Lorraine na lang, iba na lang. Pero hindi ko nagawa. Ayaw kong manggamit ng ibang tao para lamang patunayan sa sarili kong hindi ako ganoon. Ayaw kong pwersahin ang sarili ko sa bagay na alam kong hindi talaga ako't para sa 'kin. Ayaw ko mang maging makasarili'y hindi rin pwede 'yon. Kailangan kong maging totoo sa sarili ko't hinangad kong hindi ako ang dapat umayon sa kagustuhan ng sosyedad. Pinili ko ang manindigan sa kung ano ang tingin kong dapat, sa kung anong makakapagpapasaya sa 'kin. Mas pinili ko ang sarili ko kumpara sa ibang tao.

At ngayo'y heto ako't nagsisimula nang kuwestiyonin ang mga naging pasya ko.

Masakit sa 'kin na hindi matanggap. Lalo pa't mismong ama ko pa. Doble o 'di kaya'y naging triple pa ang pinsala nito sa 'king pagkatao.

"Huwag ka munang mag-aasawa, ha?" Pabiro nitong untag. Saka nito dinagdag, "tulungan mo muna ang nanay mo't tumatanda na itong tatay mo."

"Oo naman, 'tay. Plano ko pa pong pagtapusin iyang si Damien ng kolehiyo bago magpakasal. Gusto ko rin munang makita iyang magkaroon ng trabaho bago ako bumukod."

Napangiti ako dahil sa sinabi ng aking kuya. Lagi talaga akong kasama sa mga plano niya. Natahimik naman ang itay. Marahil ay hindi niya nagustohan ang pagbanggit sa akin ng kuya. Alam kong napansin din iyon ng aking kapatid.

Ours is a Different Kind of Love [BXB]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon