III. Paglalakbay

325 32 0
                                    

Namulat ako sa paniniwalang ang aking buhok lamang ang may kakayahan na balutin ang aking buong kahubaran ngunit ang bagay na nakapulupot sa akin ngayon ay higit pa pala sa aking buhok.

"Nilalamig ka ba? Pasensiya na at ang roba ko lamang ang maaari kong ibigay sa iyo."

Roba. Ito ang tawag sa bagay na kaniyang ibinigay. Sumasayad ito sa lupa at nakakamangha ang pagbalot nito sa aking ulo at buhok. Tanging ang aking mukha lamang ang nakadarama ng ihip ng hangin.

Mabilis ang tibok ng aking puso. Hindi ko nasisigurado kung ano ang rason ngunit gustong-gusto ko ang nararamdaman ko.

Patuloy na gumalaw ang bibig ni Flora at pilit ko itong sinasabayan ngunit wala pa ring lumalabas na tinig mula sa akin.

"May kilala akong ermitanyo, ikaw ay kaniyang matutulungan para makabigkas muli, binibini."

"Huwag kang mag-alala. Malalaman agad ng orakulo kung sino ang pangahas na nananamantala sa iyo sa tulong ng kaniyang tungkod."

Iginala ko ang tingin sa kariktan na nasa aking paligid. Hindi ito katulad ng Eredea Halcon... Malapad na damuhan lamang ang aking nakikita at kakaiba ang aking nararamdaman sa aking mga paa...

Hindi tubig ang aking inaapakan, matutulis na bato iyon, sapat na upang bigyan ako ng bagong damdamin.

Unti-unting lumiliwanag ang paligid habang nakakapit sa akin si Flora. Kailangan ko nang bumalik sa batis dahil oras na ng aking paghimlay.

Lumingon ako sa aming pinanggalingan at walang bakas ng tanawin sa Eredea Halcon sa aking likuran.

Nasaan ako?

Iilang sandali ay tumigil sa paglalakad si Flora. Umupo ito sa isang ugat ng kahoy na nakatayo sa gilid ng aming nilalakaran.

Ako ay umupo rin sa kaniyang tabi at agad nakaramdam ang aking katawan ng ginhawa.

"Tayo'y mamahinga muna at isang araw pa bago tayo makakarating sa sentro. Eto, uminom ka muna."

Binuksan ni Flora ang bagay na hawak at iniumang ito sa akin. Inilapit niya ito sa aking mga labi.

Eredea Halcon!

Hindi ako nagkakamali dahil ito ang samyo ng aking kinagisnan. Dumikit sa aking labi ang tubig ni Eredea Halcon at aking narinig ang kaniyang tinig.

"Tubig ang magiging lunas, Ranaya. Mag-iingat ka."

Ibinalik ko ang hawak kay Flora. Nag-iba ang kaniyang titig sa akin.

"Ito'y hindi mo naman binawasan, binibini."

Ang aking titig ay wala sa kaniya, kundi sa tanawin sa kaniyang likuran. Ang kadiliman ay wala na at ako'y bahagyang nasisilaw sa kislap ng isang bagay.

"Halika, nariyan na ang araw."

Ito ang unang pagkakataon na wala ako sa kadiliman... ang unang pagkakataon na nakita ko ang liwanag ng araw.

The Woman of Eredea HalconTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon