I. Ulan

672 34 0
                                    

Kabilugan ng buwan... Ako'y nagigising sa mahabang pagkakahimlay sa tuwing bilog ang anyo ng buwan.

"Maligayang pag-gising, Ranaya."

Eredea Halcon... iyan ang pagpapakilala sa akin ng batis kung saan ko unang iminulat ang aking mga mata. Hindi ko alam kung bakit ako nandito at hanggang kailan ako mananatili. Ang tanging alam ko lang ay ako si Ranaya at ako ay isang nilalang ng tubig.

Umangat ang mga baging na nakapulupot sa akin, hinahatak ako para umahon sa malinaw na batis.

Ang ilaw na nagmumula sa buwan at ang mga alitaptap na nagsisipagliparan sa paligid ng batis ang nagsilbing tanglaw sa gabing iyon.

Katulad ng dati, ang mga hayop na matatagpuan sa Eredea Halcon at sa mga kakahuyan sa paligid ay tumitigil sa kanilang paggalaw habang ako'y pinagmamasdan na naglalakad sa ibabaw ng malinaw na tubig.

Ang mga saliw na aking naririnig ay nagmumula sa mga dahon na sumasayaw sa ihip ng hangin at ang bawat pag-apak ko sa batis.

Ang aking mahabang buhok na halos sumayad na sa tubig ay sumasabay sa kumpas ng mga dahon. Aking tinitigan ang repleksyon ng aking hubad na katawan sa aking inaapakan... ayon kay Eredea Halcon, ako ay ang natatanging nilalang ng tubig, makapangyarihan at kakaiba.

Umupo ako sa malaking bato na nasa sentro ng batis. Ang aking oras ay iginugugol sa pagmamasid ng paligid, ang aking kadalasang ginagawa habang hinihintay ang pamamaalam ng bilog na buwan.

Aking iniangat ang dalawang kamay nang may tumulong tubig na nagmumula sa kalangitan. May batis din ba sa buwan?

"Iyan ay tinatawag na ulan, Ranaya."

Ang bulong ni Eredea Halcon ay nagbigay ng galak sa aking puso. Ulan. Sa tuwing umaahon ako, minsan lamang ako may natututunan at maswerte ako dahil sa gabing ito, nakilala ko ang ulan.

"Damhin mo ang ulan. Pakinggan kung saan ang kanilang pinagmulan."

Ipinikit ko ang mata at tumingala kung saan nagmumula ang bawat patak.

Vistorata

Ayon sa bulong ng ulan, ito ay nagmula sa karagatan ng Vistorata. Ngunit ano ang karagatan?

Sa unang pagkakataon ay humiling ako na sana ay di muna mamaalam ang buwan. Gusto kong malaman kung paano kausapin ang ulan...

"Aking naririnig ang bulong ng iyong isipan, Ranaya."

Iba ang tinig ng ulan sa tinig ni Eredea Halcon. Ako'y bahagyang naninibago.

"Ikaw ay nilalang ng tubig. May kakayahan kang lakbayin ang buong mundo, mula sa kasaysayan patungo sa kasalukuyan."

Ano ang karagatan? Ano ang mundo?

Ang patak ng mga tubig sa aking palad at mukha ay unti-unting nawawala.

Bakit? Napakarami pa ng aking katanungan ngunit tila ako ay pinagkakaitan ng tadhana.

Nanatili akong nakatingala sa taas, nagbabakasakaling bumalik ang mga patak at muling marinig ang tinig ng ulan. Ngunit walang dumating hanggang sa unti-unting lumiliwanag ang kalangitan, hudyat na kailangan ko na muling mahimlay.

Baka sa susunod na kabilugan ng buwan...

The Woman of Eredea HalconTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon