VI. Pangahas

284 30 0
                                    

Mga tao… Ang Vistorata ay puno ng mga tao! Mga katulad ko!

Hindi ko alam kung saan ako lilingon dahil napakaraming bagay ang aking nakikita ngayon. Mayroong kakaibang bagay na mas mataas pa sa mga puno ng Eredea Halcon! Mayroon ding maliliit na tao na nagsisipag-takbuhan.

“Hawakan mong mabuti ang iyong roba. Wala kang ibang kasuotan maliban diyan.”

Ang mga taong nakikita ng aking mga mata ay hindi balot ng kanilang buhok… ang mga bagay na nakapulupot sa kanila ay kawangis ng roba na nasa aking katawan ngunit magkakaiba ang haba ng mga iyon, ang mga disenyo, at mga kulay.

Gusto ko rin magkaroon ng mga bagay tulad ng mga iyon!

“Iyan ang karagatan ng Vistorata. At iyon ang palasyo, doon tayo magtutungo. Sana nga lang ay kakaunti lamang ang sumasangguni ngayon sa orakulo.”

Asul, tulad ng bulaklak na namumukadkad sa gilid ng batis. Iyon ang kulay ng karagatan. Walang-wala ang laki ng Eredea Halcon kumpara rito!

Kakaiba rin ang samyo ng karagatan. Gusto ko itong tikman at baka iba ito kumpara sa batis na aking kinagisnan.

Tinignan ko rin ang tinutukoy niyang palasyo. Kakaiba ang anyo nito kumpara sa mga nadaanan namin kanina. Mas matayog ito at mas malaki ang nasasakupan na lupa. Mula sa aming kinatatayuan, aking nakikita ang malapad na damuhan na nakapaligid dito.

“Mamaya na kita dadalhin sa ermitanyo dahil nasa kakahuyan pa ng Vistorata makikita ang tahanan nito.”

Tinitigan kong muli ang asul na karagatan. Ulan, nasa harap ko ngayon ang lugar na iyong pinagmulan.

“Pinagtitinginan ka binibini. Napakaganda mo talaga sa tuwing ika’y ngumingiti.”

Sinundan ko ng tingin ang kaniyang pinagtuturo. Hindi sila katulad ni Flora na may mga guhit sa mukha at may hawak na mahabang kahoy, may mga taong kaparehas ng aking kutis, walang guhit pero iba ang kulay ng kanilang balat sa akin.

Mayroon ding mga tao na iba ang hubog ng katawan, ito ang mga kalalakihan na sinasabi ni Flora. Nakapaninibago ang tingin na iginagawad nila sa akin.

Patuloy kaming naglakad patungo sa palasyo na kaniyang sinasabi. Ang sadya ni Flora ay ang tinatawag niyang orakulo.

“Kasama ngayon ng orakulo ang hari. Tandaan niyo ang batas ng kaharian bago kayo pumasok sa silid ng mga trono.”

Nasasanay na ako sa paraan ng paghawak sa akin ni Flora. Pinasadahan ko ng tingin ang mga kakaibang mga bagay sa aking paligid. Mayroong kumikislap, may mga matataas, at marami pang iba!

Ang ganda ng palasyo!

Nakatingala ako sa makinang na bagay na nasa taas… may sariling buwan ang palasyong ito?

Naramdaman ko ang marahang paghatak sa akin ni Flora. Nakaluhod na siya sa kulay pulang bagay na nasa ilalim ng aming mga paa.

“Luhod.”

Ginaya ko ang ginagawa niya kasama ang pagyuko.

“Nasa harap ang mahal na hari, binibini. Saan ka ba nakatingin?”

“Anong maipaglilingkod ng kaharian sa tanyag na matandang manlalakbay?”

Nanatili akong nakayuko habang nakikinig sa tinig.

“Ginoong orakulo, ako’y naririto para tulungan ang binibining natagpuan habang ako’y naglalakbay.”

Namamangha pa rin ako kung paano lumalabas ang tunog sa labi ni Flora.

“Maaari mo bang sabihin kung ano ang nangyari, binibini?”

“Ipagpaumanhin niyo mahal na hari at ginoong orakulo, ngunit ang binibining kasama ay nawalan ng kakayahang makapagsalita. Marahil ay dulot ng karahasan na kaniyang naranasan.”

“Natagpuan ko siya sa isang batis sa timog na bahagi ng kaharian, kung saan laganap ang krimen. Siya ay hubo’t-hubad ng aking nadatnan. Habang kami’y naglalakbay patungo sa kaharian ay aking nakita ang napakaraming sugat sa kaniyang binti at mga hita.”

“Maaari ba naming makita ang iyong mga sugat, binibini?”

Tila isang pitik na naramdaman ko sa aking katawan. Hinanap ko kung saan nagmula ang tinig.

“Isang pangahas ang binibini! Ang pagtitig sa mahal na hari ay mahigpit na ipinagbabawal!”

The Woman of Eredea HalconTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon