Panimula

39 5 0
                                    

"Gumising ka na kuya!"

Nagising ang isang lalaking natutulog nang mahimbing nang marinig niya ang salaysay na iyon. Una, wala pa ang kaniyang utak sa reyalidad kaya nakatitig lang siya sa kisame, nag-iisip ng kung anu-anong mga bagay. Ano ang araw ngayon? Sino ang gumising sa kaniya? Ano ang dahilan kung bakit siya ginising nang maaga? Nang malaman niya ang kasagutan sa mga tanong na iyon, bumangon siya kaagad sa hinihigaan niya. Ngayon ay Biyernes, ikasampu ng Marso. Sa araw na ito, ang paaralan na pinapasukan ng lalaki ay magkakaroon ng isang fieldtrip para sa mga mag-aaral na nasa ikaapat na taon sa high school kung saan siya kabilang. Iyon naman pala ang dahilan kung bakit siya ginsing ng kaniyang nakababatang kapatid na may pangalang Axel Rille Pimentel; sa totoo lang, kapatid niya lamang ito sa kaniyang ama na nagtatrabaho bilang isang manager sa isang sikat na restawrant sa ibang bansa.

Pinagmasdan niya ang kaniyang kwarto pagbangon niya. Ito ay maliit lamang. Mayroon itong isang napakaliit at lumang kabinet na nasa gilid kung saan doon nakalagay lahat ng damit ng lalaki na nagmula pa sa kaniyang ama; isang bintana naman sa tabi kung saan siya nakakakuha ng natural na liwanag at malamig at sariwang hangin; at isang marupok na lamesa naman sa tabi ng kaniyang kama kung saan niya ginagawa ang mga gawaing pampaaralan at nakapatong ang kaniyang sirang alarm clock. Pagsuot niya ng kaniyang tsinelas, tumayo siya at naglakad patungo sa parihabang salamin na nakasabit sa likod ng pinto niya. Kung siya ay makikita niyo, siya ay isang lalaking hindi nabiyayaan ng katangkaran. Mayroon siyang guwang na mga mata. Isama mo na rin ang matangos niyang ilong. Sa hindi inaasahan, napaatras siya nang bumukas ang kaniyang pinto at lumitaw ang ulo ng kaniyang kapatid. May pagkahawig silang dalawa ngunit si Axel ay may mabibilog na mga mata na namana niya sa yumaong ina dulot ng isang pangyayari na hinding-hindi makakalimutan ng lalaki.

"'Di ba maaga ang alis ng bus niyo, kuya?" tanong ni Axel, kinakamot ang ulo. "Pinaghanda kita ng almusal sa ibaba. Dalian mo at baka maiwan ka ng sasakyan niyo." Sinarado niya ang pinto pagkatapos niyang sabihin ang mga salitang iyon.

Hindi napigilan ng lalaki na tignan ang orasan na nakasabit sa isang tabi; ang sabi nito ay pasado alas syete ng umaga. Napatingin siya sa bintana. Nakita niya ang araw na kasisikat lamang sa pagitan ng dalawang malaking bundok na sikat sa kanilang probinsya. Pumasok naman sa kaniyang tainga ang magandang huni ng mga ibon na nakahilera sa isang sanga malapit sa durungawan. Napaisip siya na baka ito ang simbolo ng isang marilag na araw. Totoo kaya iyon? Lumabas siya ng kaniyang kwarto pagpatay niya ng bentilador.

Siya ay namangha at nasiyahan nang makita niya ang laman ng lamesa pagdating niya sa hapag-kainan. Puno ito ng mga paborito niyang ulam – itlog, hotdog, tocino, at longganisa. Hindi niya akalain na ipagluluto siya ng kaniyang kapatid ng ganitong kasarap na ulam. Nagsimula ang lalaki lumamon pagkatapos niyang umupo sa kaniyang puwesto at magdasal. Si Axel ay nasa isang sulok, nakasandal sa pader habang pinapanood ang kaniyang kuya.

"Masarap ba 'yung luto ko, kuya?"

"Syempre naman!" tugon ni William Albert Pimentel, ang ating pangunahing karakter sa istoryang ito. "Kailan pa 'di naging masarap ang luto mo?"

"'Yung mga panahong 'di pa tayo malapit sa isa't isa," bungisngis ni Axel. "Siya pala, ilang araw muli kayo do'n sa tutuluyan niyo?"

"Tatlong araw at dalawang gabi." Ito ang sabi ni William pagkatapos niyang lunukin ang kaniyang sinubo. "Kakayanin mo bang mamuhay rito nang wala ako?"

"Ano ba'ng klaseng tanong 'yan, kuya," tawa ni Axel, hinihimas ang braso. "Kaso," – sumimangot siya – "malungkot nga lang dito sapagkat wala ka. Well, ito na rin ang huling taon mo sa high school kaya dapat mong ienjoy ito."

Tama si Axel. Ito ang huling taon ni William bilang isang mag-aaral ng high school. Ilang araw na lang at makapagtatapos na siya rito. Sa susunod na taong panuruan, isa na siyang mag-aaral ng kolehiyo. Ang kailangan na lamang niya gawin araw-araw ay tumitig sa aklat upang maabot niya ang kaniyang mga pangarap sa buhay. Napag-isip-isip niya na habang may natitira pa siyang araw, dapat niyang gawin ang gusto niya.

"Ako na ang maghuhugas ng pinagkainan mo," sabi ni Axel, inihahanda ang sarili. Katatapos lamang kumain ni William. "Maligo ka na para makaalis ka nang maaga. Mas mabuting ikaw ang mauna ro'n kaysa ang mahuli. Ito pa naman ang huling aktibidad ng paaralan niyo."

"Salamat kapatid."

"Walang anuman."

Umakyat si William sa kaniyang kwarto pagkatapos ng usapan na iyon. Inihanda niya ang kaniyang sarili bago tumungo ng banyo sa pamamagitan ng paghanap ng tuwalya. Kiniskis at sinabunan niya nang maigi ang kaniyang katawan upang siya ay bumango nang sobra; nagsipilyo rin siya nang dalawang beses. Nang siya ay tapos na sa paglilinis ng kaniyang katawan, sinuot na niya ang damit na kaniyang inihanda kagabi sa kwarto. Ngayon, si William ay may suot na long sleeves na kuhay bughaw na may puting T-shirt na nakapatong, itim na pantalon, at puting sapatos; malamig kasi ang kanilang pupuntahan kaya ganoon ang kaniyang sinuot. Alam niya na hindi terno ang kaniyang suot kaya pagtatawanan siya ng mga kaklase niya kapag nagkita-kita sila mamaya; gusto naman niya iyon sapagkat ito lamang ang kaniyang maitutulong sa mga kaklase niya upang makalimutan nila ang lahat ng problema na kanilang dinadala.

Kinalkal muli ni William ang kaniyang bag kung lahat ba ng kagamitan na kailangan niyang dalhin ay nandoon – mga T-shirt, briefs, shorts, sipilyo, pabango, at iba pa. Nang ayos na ang lahat, bumaba siya dala ang kaniyang bag upang magpaalam sa kapatid na naglilinis ng sala.

"Kailangan ko ng umalis," sabi ni William. "Ingatan mo ang sarili mo at 'wag mong iiwan na nakabukas lahat. 'Wag ka rin magpapasok ng kung sinu-sino rito sa bahay natin."

"Alam ko lahat 'yan, kuya," tugon ni Axel, hawak ang walis tambo. "Ingat ka sa pagpunta sa destinasyon niyo; sabihin mo rin pala 'to kila Kuya Simon pati sa mga kaklase mo. 'Wag mong kakalimutang uwian ako ng maraming pasalubong. Hihintayin ko lahat 'yon."

"Tatandaan ko 'yan." Hinimas ni William ang buhok ng kaniyang kapatid; nagustuhan naman ito ni Axel. "Siya, kailangan ko ng umalis. Ikandado mo lahat ng dapat ikandado nang mabuti. 'Wag mong kakalimutan lahat ng sinabi ko sa'yo."

"Alam ko lahat kung ano'ng dapat kong gawin habang wala ka kuya," tawa ni Axel. "Ingat kayong lahat! Enjoy kayo."

Mabuti na lang at maaliwalas ang panahon. Hindi rin ganoon kainit paglabas ni William ng kanilang bahay kaya maayos at masaya siyang maglakad. Pagdating sa labas ng village, hindi niya napigilan na huminto at pagmasdan ang isang bahay na makikita mula roon. Nang napagtanto niya na wala naman siyang mapapala, ipinagpatuloy niya ang kaniyang paglalakad. Hindi niya inasahan na ang harap ng kaniyang destinasyon ay puno ng mga naglalakihang bus. Hinanap niya kaagad ang mga kaklase niya sa malawak na bukid na nasa loob ng paaralan subalit hindi niya sila nakita. Ang tanging pumasok lang sa kaniyang mga mata ay ang mga mag-aaral na kasingbaitang niya na nagtatakbuhan, naghaharutan, nagkukuwentuhan, at nagpaplano ng kalokohan pagdating sa kanilang destinasyon mamaya. Tutal, wala naman siyang gagawin, umupo at sumandal siya sa isang puno. Salamat sa lilim at sariwang hangin na ibinigay nito kaya nakapagpahinga siya nang maayos. Pinanood na lamang niya ang mga mag-aaral na galaw nang galaw sa malawak na bukid. Ganito rin kasaya ang seksyon na kaniyang pinapasukan subalit, bago nila nakamit iyon, maraming munang problema ang pumasok sa mga buhay nila.

"WILLIAM!"

Gumuluntang si William nang may bumanggit ng kaniyang pangalan nang malakas. Akala niya ay mula iyon sa isa sa mga mag-aaral na nasa bukid; malay mo, kapangalan lang naman niya iyon subalit nang lumingon siya sa kaniyang likod, nakita niya lahat ang kaniyang mga kaklase habang hawak ang isang karatula na may nakasulat na "Maligayang Kaarawan" sa malalaki at kulay pulang letra. Nagtaka siya sapagkat ang kaarawan niya ay susunod pang limang araw. Bakit nila iyon ginawa? Hindi alam ni William ang sagot. Hanggang sa pagsakay sa bus, siya ang laman ng usapan. Nahihiya na nga siya dahil pati ang nagmamaneho ng bus ay nagtataka kung ano ang mayroon sa kaniya. Naalala niya na! Ang kaniyang kasuotan pala ang dahilan ng mga halakhak sa bus. Pinagmasdan niya ang mga ngiti at tawa ng kaniyang mga kamag-aral; nasiyahan siya dahil dito. Para sa kaniya, ang taon na iyon ang pinakamasaya sa lahat sapagkat nakasama niya ang pinakasolid na section sa lahat! Ang pinakasolid na section sa lahat!

Habang binabaybay nila ang bulubundukin, hindi napigilan ni William na magbalik tanaw sa lahat ng mga naganap sa kaniyang buhay simula noong bakasyon. Kasabay noon ang tawa ng kaniyang mga kaklase, pagsuway ng kanilang tagapayo, at pagmuya at pagkagat sa mga tsitsirya.

Malalaman na ng lahat kung anu-ano ang mga problemang dumating sa buhay ni William pati sa mga mahal niya sa buhay. Hindi alam ng istroyang ito kung ano ang magiging reaksyon ng mga mambabasa kapag nalaman nila ang mga dinanas ng mga karakter dito. Kung hindi kaya ng mambabasa ang ganitong klase ng aklat, inaanyayahan kayo nito na tumigil na sa pagbabasa. Maraming salamat sa inyo!

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Nov 18, 2022 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Ang Pinakasolid Na Section Sa Lahat!: First SemesterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon