Chapter 1 : Arrival
Nakalabas na ang haring araw sa kanyang lungga. Ang tunog ng mga ibon mula sa kagubatan ay nagpapanggap na himig ng katahimikan. Dadayo ang iyong mga mata sa isang gusali na binubuo ng tatlong palapag. At sa bubong nito ay makikita ang isang lalaking balot ang buong katawan ng makapal na tela at tulalang nakaupo't nakatingin sa kalawakan.
Maya't maya, may isang babae at lalaking pumasok sa napakatayog na bakod ng akademya. Sila'y napadaan muna sa nakahilerang hardin ng iba't ibang bulaklak at punongkahoy bago tuluyang matunton ang pintuan ng nasabing paaralan. Nakalilok sa pintuang gawa sa kahoy ng kamagong ang mga nagsisilakihang letrang P at A.
"BRIQ! WALA BANG ISANG MALIGAYANG PAGBABALIK DYAN?!" Buong lakas na sigaw ng kakarating lamang na lalaki sa kanyang kaibigang nasa itaas ng gusali.
Napadungaw si Briq sa ibaba at natanaw si Taroe na nakangiting kumakaway sa kanya at may bitbit na maliit na kahon. Napadako ang kanyang tingin sa katabi nitong babae na nakatingala rin sa kanya. Animo'y nais nitong iparating ang mga matang nagsasalita ng pagkadismaya. Isang normal na ekspresyon lamang ang natanggap ni Ashrei mula kay Briq na kaagad lumipat ng pwesto at pinagpatuloy ang ginagawa.
"O? Hindi tayo pinansin?" Nakangusong sabi ni Taroe na agad dinugtungan ng kasama.
"Hayaan mo na sya. Pumasok nalang tayo sa loob," saad ni Ashrei at binuksan na ang malapad na pintuan ng kanilang bahay at paaralan.
Tatlong hakbang pa lamang ang nagagawa ng dalawa sa loob nang biglang nagsilabasan ang iba pang studyante sa kanilang mga kwarto at patakbo silang sinalubong. Huminto ang mga ito sa sala kung saan napaupo si Ashrei sa sofa dahil sa pagod. Si Taroe naman ay sa carpet bumagsak ang pwet at panay ang pagmamayabang sa kahong hawak niya.
"Kuya Taroe, ano po 'yan?" Sabik na tanong ni Shra na panganay sa triplets.
"Woahh! Ano 'yan kuya?" Pag-uulit ng pangalawa na si Shree. Ang bunsong si Shro ay tahimik lang na nakaupo sa tabi ni Taroe ngunit tila ayaw burahin ang nanggigigil na ngiti sa mukha.
"Ano pa ba? Edi syempre mga.... pasalubooong!" Bulalas ni Taroe sabay nang pagbukas niya sa kahong maluwag lang din namang tinalian ng manipis na lubid.
Awtomatikong nagkinangan ang mga mata ng mga studyante nang makita ang laman ng kahon. Mas piniling lumapit nina Pi, Nike at Nina kay Taroe at tumabi sa triplets na hinablot agad ang unang bagay na umapaw mula sa mga pasalubong. Si French naman ay tahimik lang na nakatingin sa mga inilalabas pa ni Taroe subalit bakas pa rin sa mukha ang pagkakasabik sa mga makikita pa.
"Akin to!" Agaw ni Shree kay Shro sa isang garapon ng tsokolate.
"Wow! Ang ganda nito o!" Giit ni Pi at ipinakita kina Nina at Nike ang kinuhang set ng panyong iba't iba ang kulay.
"Teka, wag basta-bastang mang-angkin dahil may nakalaan para sa bawat isa," paalala ni Taroe, lalo na sa tatlong magkakapatid na ang mga pagkain ang pinag-aagawan. "Ilapag niyo muna dyan sa tabi at ako na ang magsasabi kung para kanino." Dagdag nito.
Palihim na ngiti lamang ang ipinalabas ni Ashrei habang nakatanaw sa kanyang mga kaklaseng
tuwang-tuwa sa kanyang mga binili. Si Taroe ang personal na pumili ng mga ito at siya naman ang nagbayad. Tatlong araw din silang nawala kaya ibig sabihin, tatlong araw ding taimtim na naghintay ang mga ito sa kanilang pagbabalik."Ito ay para kay......Pi!" Hiyaw ni Taroe sabay abot ng kinuhang panyo kanina ni Pi. Hindi na nagulat si Pi sapagkat alam naman niyang ito'y nakalaan na talaga para sa kanya. Isang nahihiyang pagpapasalamat na lamang ang ipinahiwatig nito kay Ashrei. At fistbump naman kay Taroe.
"Ito naman ay para....... sa mga triplets!" Sa magkakapatid naman napunta ang tatlong damit na may printa ng sikat na pasyalan sa Phantawa, ang tinaguriang City of Fun kung saan nagpunta sila Ashrei at Taroe.