7: sandata

330 14 0
                                    

sandata

"Joel, pwede bang lumaban si Andres kay Christian?" tanong ko sa gabay ni Bruce.

Relaxed na kami noon. Isang oras na kasi ang nakalipas mula nang mag-disappear si Andres. Paniniwala ko rin kasi, hindi kayang lumaban ni Andres kay Christian. Kaluluwa ng liwanag si Christian, dilim naman si Andres. Sabi nga dati ng supladong gabay ko, hindi kailanman mananaig ang kadiliman sa liwanag.

"Kung may sandata siya, pwede," sagot naman ni Joel.

"Sandata?" tanong ko. "Anong klaseng sandata?"

"Ulyanin ka na, Bespren?" biro ni Bruce sa akin, nakangisi. "Nakalimutan mo na ba kung anong sandata ng mga sundo?"

Lokong Bruce ito a, sabi ko sa sarili ko. Makikipag-debate na naman sa kin. "Bakit ko naman malilimutan yun? Kalawit, di ba?"

"Nakalimutan mo na ba yung light saber si Yuan?"

Napaisip ako. Oo nga naman. Yung laser sword na bigay ni Noriel. Kaluluwa lang si Yuan dati pero binigyan siya ng espada ng liwanag. Nagawa niya tuloy makipaglaban sa mga sundo.

Ibig sabihin noon, pwede ring bigyan ng mga sundo si Andres ng kalawit ng kadiliman. Pero malamang, wala pa rin siyang laban kay Christian.

Inirapan ko si Bruce. Syempre di ako patatalo. "Hindi ko nakakalimutan yun. Saka alam ko, pwedeng bigyan ng mga sundo si Andres ng kalawit. Pero ano namang laban ng isang kaluluwang itim sa isang kaluluwang puti? Di ba si Yuan dati, sangkaterbang sundo ang tinalo niya?"

Napaisip din si Bruce. "Oo nga no?" sabi niya lang.

Napangiti ako. Sa loob-loob ko, talo ka, Bespren! Hahaha!

Bigla, nakaluhod na agad ang kaluluwang si Christian sa harap ni Joel na katabi ko noon.

Nagulat tuloy ako. "Ay kaluluwang multo!" hiyaw ko, sabay yakap sa braso ni Bruce. "Nakakagulat ka naman!" angal ko kay Christian.

Tiningnan niya ako. "Pasensya na." Pagkatapos ay ibinalik niya ang pansin niya kay Joel. "Para mo nang awa, tulungan mo ako. Bigyan mo ako ng sandata."

"Oo nga, Joel," hirit ko nang mahimasmasan ako. "Bigyan mo naman siya ng sandata."

Pero umiling si Joel. "Hindi pwede. Hindi ako ang gabay mo."

Natigilan si Christian. Nagtaka siya. "Kung hindi ikaw, sino?" Napatingin siya kay Noriel na lumulutang lang sa di kalayuan.

Si Noriel naman, umiling lang. Hindi man lang kumibo.

Sinimangutan ko nga siya. Suplado, sabi ko sa sarili ko. Pero alam kong mababasa niya ang isip ko.

Gumanti naman ang loko. Sinimangutan din ako.

"Hindi ko pwedeng sabihin," sagot ni Joel sa tanong. "Kailangang siya ang magpakilala sa yo."

"Pero bakit ganun?" sabad ni Bruce. "Bakit hindi nagpapakita yung gabay ni Christian? Bakit hindi pa siya isinasama sa langit?"

Biglang lumitaw sa gitna namin ang isa pang gabay.

Napayakap na naman ako sa braso ni Bruce. "Ay gabay na puti!" hiyaw ko dahil sa gulat ko.

"Dahil hindi pa siya patay," sagot ng gabay sa tanong.

soulmates forever 3Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon