Tumugtog ang musika
habang magkalapit ang ating mga mukha
nagkatitigan, nangungusap ang mga mata.
Ating isinarado,
hindi ang ating mga puso.
Sa halip ay ang ating mga tainga,
pinigilang manggulo
ang ingay ng mundo
habang nakatayo
sa saradong kwarto ng ating damdamin
na hapong-hapo
Dama ko ang pwersa sa ating paligid,
pwersang maaring tumangay
sa atin sa kalangitan, na
siyang maaaring
magpagaan ng
ating mga pinapasan.
Ngunit hindi, hindi ako
nagpadala o nagpatangay.
Pinili kong manatili
sa iyong tabi.
Dahil sa bawat segundong kasama ka,
kaharap, hawak ang iyong kamay,
nasisilayan ang iyong anino't pagkatao,
para bang binigyan ako
ng isang milyong minuto
na mamalagi sa paraiso.
Tila ba isang dilaw na gumamela
ang iyong mukha sa ganda
namukadkad, kumikislap,
animo'y isang alitaptap
na lumilipad habang kumukutitap,
naghahatid ng isang tuldok na liwanag
sa kadiliman
na sinakop ng kalungkutan.
Pinikit natin ang ating mga mata.
Kasama kitang humakbang,
unti-unting ibinuka ang pakpak,
dinama ang hangin,
dinama ang pag-angat,
palipad patungo sa ating kalayaan
na madama ang kasiyahan
na ipinagkait ng ating mga karanasan.
BINABASA MO ANG
Isang Taong Pag-ibig
RomanceMadaming pangako ang pag-ibig. Kasiyahan. Kaluguran. Kapanatagan ng loob. Kagalakan. Katambal ng mga pangakong ito ay ang pighati't sakit na matatamo kung napamahal ka sa maling tao. Walang garantiya na lahat ng pinapangarap mo para sa inaasam na pa...