"Gail, dalian mo. Ang dilim na oh," wika ng studyante habang papalapit sa kanyang kasamang may kinukuha sa kanyang locker.
Halata mo sa kanya ang pinipigilang takot. Tumitingin tingin pa ito sa madilim na paligid, na tanging tunog lang ng gabi ang maririnig mo, tanging ang patay sindi lang na ilaw ang nagbibigay liwanag sa lugar. Nakakatakot nga naman.
Hinigpitan niya ang pagyakap sa mga hawak na libro at tumakbo sa tabi ng kanyang kasama.
"Nakakainis talaga yang presidenteng yan! Nahulog ko lang ang candy wrapper tapos community service na agad?! Tss! Inggit lang talaga ang bitch na yun sa akin!" Inis na wika ng kanyang kasamang si Gail at isinara ang kanyang locker. Tumingin si Gail sa kanyang kasama na nanginginig na sa takot at palinga linga pa sa paligid. "Oh, Winona, easy ka lang. Aatakihin ka na." anito at natawa pa.
Ngunit hindi nagsalita si Winona at lumilinga linga pa din sa paligid. Lumakas ang ihip ng hangin na lalong nagpatakot sa dalaga.
"Hay nako, halika na nga. Yan ang napapala ng mga nanunuod ng horror movies eh," wika ni Gail at nilapitan ang kasama.
Hinawakan niya ito sa likod at bahagyang tinulak para maglakad na kasabay siya.
Ngunit hindi pa sila nakakatatlong hakbang ay may narinig silang boses. Nangingig na boses ng babae.
"T-tulong..." bulong nito. Umalingawngaw ang boses nito kahit mahina dahil sa tindi ng katahimkan sa lugar.
Nagkatinginan ang dalawa at halata mo sa kanilang takot na takot.
Biglang kumalagpag ang isa sa mga lockers. Napatili sila't napatingin sa gawi ng ingay. Kumalagpag ulit iyon at kasabay non ay tuluyan nang namatay ang mga napupunding ilaw. Madilim na ang paligid pero may nakikita pa naman sila kahit papaano.
Lalapit na sana si Gail nang pigilan siya ni Winona.
"Wag," sabi nito at kumalagpag ulit ang locker na yon.
Tuluyan na silang nagsisisigaw at tumalikod na sa gawi ng ingay. Tumakbo sila palabas ngunit di pa sila nakakalabas ay may humawak sa paa ni Winona.
Napatingin siya dito at napasigaw lalo sa nakita. Babaeng nakaputi, na naging pula ang suot dahil sa dugong kumalat.
Pilit inalis ni Winona ang kamay sa paa niya pagkatapos ay tumakbo ng mabilis, iniiwan ang kanyang kasama.
Si Gail naman ay parang naistatwa sa nakita. Pinikit niya ang kanyang mga mata saka muling minulat upang ikumpirma kung tama ba ang nakikita.
At lalo siyang binalot ng takot, lalong kumabog ang dibdib niya nang makitang tumayo sa mismong harap niya ang babae. Gulo gulo ang buhok, puno ng dugo ang bibig, pulang pula ang mga mata, bagsak ang balikat nito, ang isang paa'y tabingi marahil nabali.
Napatili siya at tumalikod sa nakita. Tatakbo na saka siya ngunit siya'y nadapa. Tumama ang buong muka niya sa sahig at hindi agad nakakilos. Iniangat niya ang kanyang kamay at humawak sa sahig upang gawing suporta at ambang tatayo nang may maramdaman siyang martilyo na pumukpok sa ulo niya. Nahilo siya sa natamo, nanlabo ang paligid. Pakiramdam niya ay lumabas ang utak niya sa sakit. Dahan dahang nahulog ang kanyang ulo nang may pumukpok sa kanya muli. Tuluyan nang lumabas ang laman loob niya, nagkalat ang dugo sa paligid. Nasira ang kanyang bungo at halos lumabas na ang utak.
"No one dares look behind the locks," anito at iniwan ang martilyo sa tabi ng dalaga.