Ika-apat

143 17 4
                                    

"Ayos ka lang ba, anak?"

"Alam mong hindi, pero wala ka namang ginagawa, kaya bakit ka pa nagtatanong?" Nagulat ang ina sa naging sagot sa kanya ng dating masunurin at magalang na anak. Padabog na umakyat sa kwarto niya ang dalaga. Napailing ang ina at maluha-luhang itinuloy ang hapunan ng mag-isa.

Malapit nang magsimula ang klase ng anak kinabukasan ngunit hindi pa rin ito bumaba mula sa kwarto niya. Malungkot na tinahak ni Amara ang daan patungo sa kwarto ng anak at kumatok, "Alani, mahuhuli ka na sa klase mo."

Hindi siya pinansin ng dalagang nakaupo sa bintana ng kwarto niya, hinahayaang tangayin ng hangin ang mahaba niyang buhok. Pinalakas niya pa ng kaunti ang hangin dahil sa ganoong paraan niya kinakalma ang isip. Nakalabas ang mga tenga niyang matulis at ang mga pakpak niyang makintab, walang senyales ng pagtatago.

Marahan at maingat na naglakad si Amara papunta sa tabi ng anak, "Mag-usap tayo, Alani. Ano ang nangyayari sayo?"

Tumulo ang luha sa mukha ng dalaga bago ngumiti ng mapait, "Sinungaling ka, nay." Hindi kumibo si Amara at naupo sa tabi ng anak. Hawak niya ang kwintas na napulot niya sa sahig, ang kwintas na dati niyang iniregalo sa anak.

"Nagsinungaling ka sa akin noong sinabi mong tinitingala tayo ng mga tao. Nagsinungaling ka noong sinabi mong humahanga sila sa atin at sa ating abilidad. Nagsinungaling ka noong sinabi mong tanggap nila tayo, noong sinabi mong kaya nila tayong mahalin. Nagsinungaling ka sa akin, nay", tuloy-tuloy na sinabi ni Alani habang hindi humihinto ang pagbuhos ng luha niya.

"Pinagtawanan nila ako, nilayuan, inalipusta. Simula noong bata ako hanggang sa ngayon, walang tumatanggap sa akin."

"Tinanggap kita, anak."

"Dahil wala kang ibang pagpipilian kung hindi ang tanggapin ako."

"Anak kita, Alani. Bunga ka ng pagmamahalan ng diwata at ng isang tao. Mahal ka namin ng ama mo." Sa sinabing iyon ni Amara ay napabuntong hininga siya. Naniniwala siyang may mga taong kagaya pa rin ng naging asawa niya, si Andres.

Ngunit taliwas ang nakikita at nararanasan ng kanilang anak. Tila pinagkaitan siya ng karapatang maging masaya, pinagkaitan ng karapatang maging kasing-laya at kasing-saya ng kanyang ina. Hindi na lang sumagot si Alani at tumingin sa malayo, iniiwasan ang tingin ng ina.

Tinignan ni Amara ang kwintas na hawak bago ito ibigay sa anak, "Hindi mo suot ang kwintas mo." Isinuot niya ito kay Alani saka siya nginitian.

Tinignan ng dalaga ang kwintas sa leeg bago bumaba sa bintana. Itinago niya ang pakpak at nagsuot ng balabal, "Papasok na ho ako."

Nakayuko buong araw ang dalaga sa paaralan, iniiwasan ang paningin ng lahat, iniilagan ang bawat taong babangga sa kaniya. Tinatawanan siya ng bawat masasalubong niya, pinagbubulungan ang nangyari kahapon.

Uuwi na sana siya ng bigla siyang itulak ng isang babae, "Ang dapat sayo ay pinahihirapan! Engkanto!"

Hindi niya namalayan ang paglabas ng mga pakpak niya at ang paggamit niya ng kapangyarihan sa tumulak sa kanya. Malalaking ugat ang pumulupot sa babaeng nangahas na itulak siya.

"H-halimaw!" sigaw ng babae sa kanya kaya natigilan siya. Tinanggal niya ang mga ugat na lumabas sa lupa at pinaglaho ang mga pakpak. Nanlalaki ang mga matang tinignan niya ang lahat bago tumakbo pauwi sa kanila.

Umiiyak siyang huminto sa tapat ng bahay nila bago malakas na binuksan ang pinto. Nakuha niya ang atensyon ng ina na nagtatahi, "Ang aga mo ata, anak. Ayos ka lang ba-"

"Hindi! At hinding hindi na aayos ang pakiramdam ko! Ayoko nang maging diwata! Isang sumpa ang magkaroon ng ganitong itsura at kapangyarihan!" lumuluhang tinignan niya ang ina bago tumakbo paakyat.

Tinignan niya ang sarili sa salamin bago hubarin ang balabal at ilabas ang mga pakpak niya. Nanlisik ang mga mata niya bago itumba ang salamin na agad namang nabasag. Naupo siya sa paanan ng kama at nakayukong umiyak.

"Anak, anong- Alani!" Tinakbo ni Amara ang maliit na distansya nila at niyakap ang anak. Kahit pa nasaktan siya sa sinabi ng kanyang anak ay hindi niya magawang magalit dito. Sadyang naging mapait ang buhay ng dalaga kaya hindi niya masisisi kung ganito ang sabihin nito sa kanya.

Inangat niya ang ulo ng anak saka nginitian, "Magiging maayos din ang lahat-"

"Hindi. Hindi na maaayos ito, nay. Huwag kang magbulag-bulagan sa nakikita mo! Hindi lahat ay katulad ng lalaking minahal mo! Ito ang reyalidad na gusto mong ipatindi sakin noon! Nararanasan ko ang dating ikinekwento mo lang!"

Tinignan ni Alani ang kwintas, "Anong sinabi mo sa akin dati, nay? Na katulad ka ng kwintas na ito? Hindi mawawala sa tabi ko?"

Hinila niya ito hanggang sa mapigtas, na agad na ikinagulat at ikinalungkot ni Amara, "Wala ka sa tabi ko tuwing inaapi ako. Wala ka sa tabi ko tuwing pinagtatawanan ako! Mag-isa lang ako!" Tinapon niya ito bago tumayo at tumakbo palabas. Hindi nag-aksaya ng oras ang ina nito at agad sinundan si Alani.

Tumakbo ng tumakbo si Alani hanggang sa kusa siyang matigilan nang harangin siya ng mga sasakyan sa bungad ng kagubatan. Agad siyang niyakap ng ina na nakasunod sa kanya.

Bumaba ang isang señor na pormal ang pananamit at may tobacco sa bibig. "Señor Fidel", nanginginig na bulong ni Amara.

"Munting Amara, kumusta? Matagal-tagal din tayong hindi nagkita. Mukhang ito na ang bunga ng pagmamahalan niyo ng yumaong si Andres. Ano ang ,pangalan mo, hija?" nakangiting tanong ng señor sa nanginginig na si Alani.

"Ano na naman ang kailangan mo sa akin? Hindi pa ba sapat ang nangyari kay Andres?"

Ngumiti ang señor sa kaniya bago ilabas ang baril niya, "Kung ano ang hinihingi ko dati na hindi nagawang ibigay ng asawa mo."

"Hindi ko kailanman ibibigay ang gusto mo."

Dahan-dahang lumapit ang señor sa kanila, "Alam mo ba na purong metal ang bala ng baril na ito? Sa ilang taon mong pagkawala, nagawa kong pag-aralan ang uri mo. Hindi ba't maaari mong ikamatay ang metal?"

Hindi umimik si Amara at itinago sa likod ang naguguluhan at natatakot na anak.

"Ibibigay mo sa akin ang gusto ko, o gusto mong madamay pa ang anak mo rito?"

Humigpit ang hawak niya kay Alani. Hinawakan ng anak ang kamay ng ina bago siya tignan at umiling, "Huwag mong ibibigay, nay." Sa ilang salita na binitawan ng anak ay napanatag ang nagwawalang kaba sa dibdib niya. Ipaglalaban niya hanggang kamatayan ang kaligtasan ng anak.

"Hindi ka madaling kausap, Amara. Sige, hayaan mong ang mga alagad ko ang kumausap sayo. Dakpin ang mga 'yan!" utos niya sa mga armadong lalaki na galing sa mga sasakyang nakaharang sa daanan.

Lumabas ang pakpak ni Amara bago siya lumipad paitaas. Ginamitan niya ng kapangyarihan ang lahat ng armadong lalaking pumalibot sa kanila, ngunit alam niyang hindi na siya ganoong kalakas para matalo sila. Sinilip niya ang anak sa ibaba na nakatingala sa kanya. Ngingitian niya sana ito nang mapansin ang señor na nakatutok ang baril sa anak niya.

Nabibiglang tumingin si Alani sa ina na biglang lumipad pailalim, pabalik sa kanya at saka siya niyakap ng mahigpit. Doon niya narinig ang putok ng baril, kasabay ng pagkagulat ng ina.

Nanlaki ang mata niya nang mapagtanto ang nangyari. Bumagsak si Amara sa lupa kasabay ng pagtulo ng luha ng anak niyang nanatiling gulat sa pangyayari.

"Sinabi ko na sa iyo, Amara. Kung sumunod ka na lang sana sa gusto ko-" hindi natapos ng señor ang sasabihin nang maglabasan ang malalaking ugat mula sa lupa at pumulupot sa kanya. Piniga siya nito habang hinihila pailalim sa lupa.

Nang mawala ang señor ay binalingan ni Alani ang ina na umuubo habang nakahiga sa lupa. Nanghihina ang tuhod siyang napaupo at tinignan ang ina na nakahiga at nakatingin na kanya. Nangingitim ang dating mapuputing balat nito na animong nasunog gawa ng balang nasa katawan niya. "P-pagagalingin kita, nay."

"H-huwag na, a-anak."

"Hindi, pagagalingin kita!" sigaw niya at itinapat ang umiilaw na mga kamay sa tapat ng ina.

Hinawakan ni Amara ang kamay ng anak saka siya nginitian, "Mahal kita, Alani." Isang malungkot na ngiti ang huling nakita ng anak sa ina bago ito pumikit at maging abo.

DiwataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon