Gaya nga ng inaasahan ni Amara, nahulog siya sa ordinaryo at matatakuting binata. Sa loob ng ilang taon nilang magkasama, nakilala niya ito bilang katangi-tangi sa paningin niya, na parang ang binata pa ang kakaiba.
Wala rin sa plano niya ang nangyaring aksidente na siyang nakapagpaalam sa buong bayan na may diwatang naninirahan doon. Hindi kagaya ni Andres na kinatakutan siya sa una nilang pagtatagpo, paghanga at kuryosidad ang bumalot sa buong bayan nang makilala siya. Ngunit hindi siya nagpadala sa pangambang nabuo sa kanyang dibdib sapagkat kasama niya ang lalaki.
Sunod sunod na katok ang bumulabog sa kumakain na mag-asawang si Amara at Andres. Napabuntong hininga pa muna ang lalaki bago tumayo.
"Ano ho ang kailangan niyo, Señor?" bati nito sa kumatok, ang pinuno ng bayang tinutuluyan nila.
"Kailangan ko ang kapangyarihan ng asawa mo, Andres."
"Sino ho ba ang gagamutin niya?"
Malakas na tumawa ang señor, "Wala naman, may naisip lang ako. Posible bang isalin ang kapangyarihan ng asawa mo sa lahat ng tao rito? O kaya nama'y kahit sa akin lang? Kakaunti lang naman ang ibabahagi niya kumpara sa kung anong meron siya."
Napagtanto ng lalaki ang sadya ng señor kaya't nagdadalawang-isip niyang nilingon ang asawa na kumakain bago tignan pabalik ang kausap, "Pasensya na, Señor Fidel, nagdadalang-tao ho ang asawa ko kaya madali siyang manghina."
"Aba, isang nakakagalak na balita! Dadami ang mga diwata sa ating bayan! Pinagpala tayo ng Ama! Ngunit Andres, nais ko sana siyang makausap. Babatiin ko na rin siya tungkol sa pagbubuntis niya," nakangiti pa ring sambit ng señor.
"S-sige ho, Señor, sandali lang."
Nag-aalangang nilapitan ng lalaki ang asawa na nakaramdam na ng panganib. Doon nagising ang natutulog na takot ng diwata na ilang taon na niyang hindi nararamdaman. Doon niya napagtantong hindi pa rin siya tunay na ligtas sa bayan kahit pa kasama niya ang asawa.
"Amara, mahal, kailangan mo nang umalis rito. Alam mo ang gagawin, hindi ba? Matagal na nating napag-usapan ang tungkol rito."
"Paano ka?"
"Hindi ka makakaalis kung kasama mo ako."
Ang akala ng diwata ay handa siya para sa araw na ito. Totoo ang sinabi ng lalaki, matagal na nilang pinag-uusapang umalis rito, ng magkasama. Hindi niya kailanman naisip na maari silang mag-hiwalay.
"Naiinip ako, Andres!" sigaw ng señor mula sa labas.
Tinignan ng lalaki ang asawa, "Magmadali ka sa bangin, Amara. Makalipas ang labing limang minuto at wala ako doon, umalis ka na. Nakuha mo ba?"
"O-oo, oo, hihintayin kita sa bangin, sa lugar kung saan nag-simula ang lahat, Andres. Maghihintay ako."
Bago umalis ang babae ay binigyan siya ng halik ng asawa, "Mahal kita, Amara. Mag-iingat ka."
"Mahal din kita, Andres", naluluhang sagot ng diwata bago nagmamadaling lumabas sa pintuan nila sa kusina, hindi alintana ang malaki na niyang tiyan.
Umiiyak na tinahak niya ang pamilyar na daan papunta sa bangin, inaalala ang pinag-usapan ng asawa noon.
"Liliparin natin ang kapatagan makalampas ng bangin, sa dulo noon ay panibagong kagubatan sa bungad ng panibagong bayan."
"Liliparin natin, Andres", sambit niya sa sarili habang naghihintay na dumating ang asawa.
Makalipas ng labing limang minuto, nakarinig siya ng kaluskos sa kagubatan. Sa kasabikan ay tumayo siya at pinahid ang walang humpay na luha, "Andres?"
Ngunit hindi niya inaasahan ang nakita niya, "A-amara." Hawak hawak ang tiyan niyang nilapitan ang asawa at tinulak ito, "U-umalis ka na, Amara. S-susundan niya ako rito."
Muling umagos ang luha ng diwata sa nakikita niyang paghihirap ng lalaki, "Hindi, pagagalingin kita."
"Huwag k-ka nang mag-aksaya ng l-lakas mo sakin. U-umalis ka na, Amara."
"Andres! Nasaan ka!?" malakas na sigaw ng isang lalaki kasunod ng alingawngaw ng putok ng baril.
"U-umalis ka na, Amara. Mag-iingat k-ka. Palakihin mo ang anak n-natin na kasing-buti mo", hirap na sabi ni Andres bago muling bigyan ng halik ang asawa.
"Mahal kita, Andres", umiiyak na sambit ng diwata bago ilabas ang mga nakatagong pakpak. Pinagmasdan siya ni Andres bago tumalikod at nanghihinang tumakbo pabalik sa kagubatan.
Nanghihina man ay nagawang lumipad ng diwata paalis. Hindi pa man siya nakakalayo ay umalingawngaw muli ang isang putok ng baril mula sa pinanggalingan niya. Napatigil siya saglit sa paglipad ngunit dumiretso pa rin.
"Kailangan kong iligtas ang batang nasa sinapupunan ko", naiiyak niyang kausap sa sarili niya bago binilisan ang paglipad.
Hinawakan niya ang tiyan habang lumuluha, "Lalayo tayo rito, ilalayo kita sa panganib."
BINABASA MO ANG
Diwata
Fantasía[ COMPLETED ] Ano nga bang magagawa mo kung ikaw ay ipinanganak na sadyang kakaiba? Ano nga ba ang magagawa mo kung ang naging sanhi ng pagiging miserable mo ay ang mismong katauhan mo? Ano nga ba ang magagawa mo kung ang turing sa kagaya mo ay isa...