Wakas

180 24 10
                                    

"Hindi na muling nakita ang dalagang diwata matapos ang nangyari sa kanyang ina.

Maraming sabi-sabi na nasa bayan pa rin natin siya. Ngunit walang nakapagpatunay kung talagang buhay pa ang diwata."

"'Yon na po 'yun? Gusto ko pong makilala ang diwatang 'yon!" nakataas ang kamay na tanong ng isang bata sa akin.

Tumawa ako sa kanya, "Hindi ko alam kung posible ang gusto mo. Pero anong malay natin? Baka nakakasalamuha na pala natin siya dito sa bayan."

May isa namang humihikbi sa gilid ang nagtaas ng kamay, "A-ate, bakit po k-kailangang mamatay ni Amara?"

Natigilan ako sa tanong niya saka napatitig sa namumula niyang mga mata, "Gano'n talaga siguro. Kailangan niya pang mawala bago malaman ng dalagang diwata kung gaano siya kaswerte sa kung anong mayroon siya. Ang pagmamahal ng kanyang ina ang nagligtas sa kaniya."

Napabuntong hininga ako bago ngumiti sa kanila, "Kaya kayo, huwag maging matigas ang ulo para hindi kayo matulad sa nangyari kay Alani. Naiintindihan niyo ba ako?"

Sabay sabay silang tumango, "Opo!"

Nginitian ko naman sila bago ako tumango, "Mabuti kung ganon, tapos na ang kwento. Magsitulog na kayo."

Nakasimangot na umalis ang mga bata sa harap ko at nagsipuntahan sa mga kama nila. Natawa naman ako sa iniasta nila bago iniligpit ang inupuan ko. Walang ingay na lumabas ako sa silid ng may ngiti sa labi.

"Mukhang masaya ka?"

Nilingon ko ang nagsalita, "Masaya lang ako dahil natutuwa ang mga bata sa kwento ng dalagang diwata."

"Sino bang hindi matutuwa sa paraan mo ng pagk-kwento?" nilapitan niya ako at hinawakan sa bewang. "Parang pampatulog na kanta ang boses mo, masarap sa pandinig at nakakakalma." Tinawanan ko lang siya saka naglakad patungo sa kwarto namin.

Hinubad ko ang balabal at saka ito isinabit sa likod ng pinto. Naglakad ako patungo sa balkonahe at tinanaw ang maliwanag na buwan. Napabuntong hininga pa ako bago matunog na ngumiti.

"Oh, umiiyak ka na naman."

Nilingon ko siya ng may pagtataka. Pinunasan niya naman ang mga pisngi kong nabasa na pala ng luha. "Sinabi ko na sayong ibang kwento na lang ang ikwento mo sa mga bata, pero ang tigas ng ulo mo, ayaw mong makinig sakin."

"Maganda naman ang kwento, diba? Kapupulutan ng aral." Sinamaan niya ako ng tingin.

Napailing ako sa kanya bago ibinalik ang tingin sa madilim na langit, "Ayoko lang matulad ang mga batang iyon sa bida ng kwento, napahamak dahil sa katigasan ng ulo."

"Hindi sila mapapahamak, mahal. Magtiwala ka." Niyakap niya ako at hinalikan sa noo na siyang nakapagpanatag ng kalooban ko.

Iniwan niya ako sa balkonahe nang tumigil ako sa pag-iyak para kumuha ng tubig sa ibaba.

Pumikit ako at pinakiramdaman ang papalakas na hangin saka napangiti. Unti-unti akong dumilat, kasabay ng paglabas ng makikinang kong pakpak. Niladlad ko ang mahahaba kong buhok saka tumulala sa mga bituin.

"Ma- ay, anghel! Ginulat mo naman ako!" mahinang sigaw niya mula sa pinto. Hindi ko na siya nilingon pero napangiti ako sa simpleng sinabi niya.

"Hindi mo naman sinabi na may igaganda ka pa pala."

"Hindi naman na bago sayo itong ganitong anyo ko. Bakit ba lagi kang nagugulat?"

Nilapitan niya ako, "Sino nga bang hindi magugulat kung ganito kagandang diwata ang makikita ko? Sobrang pagpapala naman ata ang natatanggap ko."

Nilingon ko siya, "At bakit naman?"

"Ibinigay ka kasi sa akin", nakangiting sabi niya habang nakatingin sa maliwanag na buwan.

Tinignan ko na lang din ang langit habang dinarama ang malamig na simoy ng hangin nang maramdaman ko siyang pumunta sa likod ko. "Anong ginagawa mo diyan?"

"Isusuot ko sayo 'to." Naramdaman ko ang malamig na bagay na inilagay niya sa leeg ko. Tinignan ko naman ito at bahagyang natigilan.

"Bagay na bagay sayo ang kwintas na iyan, kwintas na may diwata na gawa sa salamin. Naghanap ako ng maaaring ilagay diyan para maisuot mo. Mabuti na lang at nakahanap ako ng manipis na lubid", mahabang paliwanag niya.

"Diwatang gawa sa salamin ngunit hindi mabasag-basag, ikaw yata 'yan. Mukha ka lang mahina at marupok na diwata pero mas matibay pa sa bato ang kalooban mo, hindi basta-bastang sumusuko sa mga kinakaharap mo."

Sumandal ako sa dibdib niya habang nakatingin pa rin sa langit, "Alam mo, para sa isang lalaki, ang ingay mo."

"Mahal mo naman ako kahit ganito ako. Biruin mo 'yon, nahulog sa akin ang pinakamagandang diwata na mukhang anghel."

Nilingon ko siya at binigyan ng ngiti, "Iniligtas mo ko noong panahong nanghihina ako. Sa ating dalawa, ikaw ang biyaya, ikaw ang anghel."

"Masyado ka nang nagiging matamis. Matulog na tayo." Natawa naman ako sa kanya. Pinauna ko na siya para maayos niya ang tutulugan namin.

Tinignan ko naman ang kwintas na sinuot niya sakin bago lumingon sa may bangin. Napangiti ako nang marinig ang boses ng aking ina.

"Isusuot mo ito palagi, Alani. Dahil kagaya ng kwintas na ito, hindi ako mawawala sa tabi mo."

"Tama ka, nay. Hindi nawala ang kwintas na ito. Hindi ka nawala sa tabi ko.", bulong ko sa hangin.

"Alani, matulog na tayo!"

Nangiti naman ako sa kawalan bago lumingon kay Angelo, "Nandiyan na!"

DiwataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon