"Aray ko!'', daing ni Baste habang unti-unting bumabangon mula sa pagkakasubsob.
Natalisod s'ya sa isang nakausling bato habang isinasalansan ang kahoy na kasisibak lang sa likod bahay.
Mabuti na lamang at nakahawak s'ya sa damit na nakasampay kaya hindi masyadong masakit ang pagkakadapa n'ya.
Napabilis s'ya sa pagtayo nang makita ang napatid na sampayan!
"Naku, patay ako kay Tiya Minyang!", takot na takot n'yang sabi habang tinitignan ang mga damit na nakabagsak sa lupa. Agad pa s'yang luminga sa paligid na tila isang napakalaking krimen ang nagawa.
Nang makitang wala sa paligid ang tiyahin ay nagmamadali na n'yang pinulot ang mga basang damit na nagkaroon ng dumi.
Nanginginig na s'ya sa takot!
Palingon-lingon pa rin s'ya habang iniisip kung ano ang pinakamainam gawin.
Muntik na s'yang mapatalon sa gulat nang marinig ang malakas na pagtawag ng tiyahin sa kanya!
"Baste! Baste!', tinig ni Minyang.
"Nagawa mo na ba ang pinagagawa ko sa 'yo?!", malakas na tanong nito mula sa loob ng bahay.
Lalong hindi nakagalaw si Baste sa kinatatayuan. Agad na naumid ang dila dahil sa takot na nararamdaman.
Papalapit na sa kanya ang boses ng tiyahin!
Pagbungad pa lamang ng babae sa pintuan ay nandilat na agad ang mga mata nito. Sandali pa ay naningkit na iyon!
"Ano'ng katangahan na naman ang ginawa mong animal kaaaaa!!", gigil na gigil nitong sigaw habang sumusugod sa pamangkin na 'di malaman ang gagawin. Kung tatakbo ba o mananatili lamang sa kinatatayuan. Pinili nito ang huli.
Hindi malaman ni Baste kung paano i-iiwas ang ulo at mukha sa ginagawang paghampas ng tiyahin gamit ang abanikong hawak.
Hindi pa nasiyahan si Minyang sa ginagawang pananakit, hinablot nito ang mga basang damit na pinulot ni Baste sa lupa at saka gigil na gigil na idinuldol sa bibig nito ang lupang nakadikit.
"Hindi ka na nga nakakatulong ay nakakaperwisyo ka pa, bwiset ka! Pabigat ka sa buhay ko! Walang silbi!! Napaka inutil mo talagaaaaaa!", galit na galit nitong sigaw. Pulang-pula ang mukha ng aleng halos mapatid ang mga nakausling litid at mga ugat sa leeg at noo.
Patuloy naman sa impit na pag-iyak si Baste habang nakayuko at ang dalawang braso ay bahagyang inihaharang sa magkabilang mukhang namamanhid na sa dami ng palo at sampal na inaabot.
Marahil ay napagod na, tumigil na si Minyang at masamang tingin na lamang ang ipinukol sa umiiyak na pamangkin.
"Di ko po sadya Tiya, nadapa po kasi ako, eh. May sugat pa nga ako sa tuhod o, tignan mo po.", anito sabay turo sa tuhod na may gasgas at nagdurugo.
"Peste! Balewala sa akin ke nadapa ka pa o pumutok ang ulo mong walang laman! Wala akong pakialam, naiintindihan mo?! Wala!", sigaw pa rin ni Minyang.
Nagyuko na lang ng ulo si Baste, 'di nagawang salubungin ang nanlilisik na mga mata ng tiyahin. Naaawa s'ya dito dahil pagud na pagod na sa pagtitinda ay ginalit pa n'ya.
"Labhan mo uli ang mga yan! Banlawan mong mabuti! Kapag may nakita akong kahit kapirasong dumi sa mga damit ko, makikita mo! Ipapalamon kong lahat sayo ang mga 'yan! Nagkakaintindihan ba tayo, ha?!", singhal ni Minyang habang tinutuktok ang nasirang abaniko sa ulo ng pamangking humihikbi.
"Opo, Tiya. Opo.", nagmamadaling sagot ni Baste.
Umirap si Minyang at saka padaskil na ibinato ang hawak bago tumalikod at pumasok sa loob ng bahay.
Naiwan si Baste na nakasunod ng tingin sa kanya.
"Sorry po, Tiya. Hindi na po ako uulit.", anito na hindi na nasabi sa harapan ng tiyahin.
Hinagod ni Baste ang magkabilang pisngi. Napanganga pa nang masalat na mainit ang mga iyon.
Pati ang ulo na pinukpok ng tiyahin ay paulit ulit niyang hinimas, pagkatapos ay sinalat-salat kung may bukol.
Nang wala namang nakapa ay sinamsam na nito ang mga damit na nagkalat sa lupa at inilagay sa isang batya.
Panay ang ginagawang pagsinghot upang hindi tumulo ang sipon. Pagkatapos ay pinunasan na ang luha gamit ang manggas ng suot na damit.
Agad nitong dinala sa tabi ng balon ang narumihang damit at maingat na nilabhan.
Tagaktak man ang pawis ay hindi nito alintana. Ang tanging nasa isip ay maalis ang duming dumikit sa damit ng tiyahin upang hindi na magalit.
Ilang sandali pa ay natapos na nito ang ginagawa.
"Huwaw! Siguradong hindi na magagalit si Tiya Minyang sa akin!", anito habang matamis ang ngiting tinitignan ang luminis na mga damit. Upang tiyaking malinis na malinis na ang mga damit ay binanlawan pa n'ya uli ang mga ito.
Nang matapos ay naglakad na ito pabalik sa bahay suong ang batyang gamit.
Matapos ayusin at patibayin ang napigtal na sampayan ay maingat na nitong isinampay ang mga damit. Nilagyan na ng sipit ang bawat piraso upang masigurong hindi tatangayin ng hangin. Nasisiyahan itong tumayo pagkaraan at pinagmasdan ang paggalaw ng mga iyon sa hampas ng malakas na hangin.
"Ayan! Mamaya lang ay matutuyo na ang mga damit ni Tiya. May masusuot na s'ya sa pagtitinda bukas!", anito kasabay ng pagpalakpak.
Pagkatapos ay ipinagpatuloy muli ang pagsasalansan ng mga kahoy na panggatong. Gagamitin ng tiyahin ang mga iyon sa pagluluto ng mga kakanin bago magbukang liwayway.
Masiglang Baste na ang makikita sa likod bahay. Humuhuni pa ito ng isang awiting inimbento lang.
Agad na nakalimutan ang sakit ng ulo at mukhang ang tiyahin ang may gawa.
BINABASA MO ANG
Si Baste at ang Tubig sa Bukal
Fantasy"Bakit lagi nila ako niaaway? Hindi ko naman sila niaano, a." Humihikbing sumbong ni Baste sa alagang aso. Tila nakakaunawa, ikiniskis naman ng aso ang ulo sa braso nito. Binata na si Baste kung pagbabasihan ang panlabas na kaanyuan, subalit ang...