"Ano?! Paano ka mabubuntis gan'ong wala ka namang asawa at kahit na nobyo ay wala ka rin?!", galit na galit na usig ni Minyang sa kapatid na si Conching. Pulang-pula ang mukha nito at bahagyang kumikinig ang katawan.
"Ate.", tanging nasabi Conching habang umiiyak.
"Magtapat ka sa akin, Conching! KUng hindi ay malilintikan ka! Sino ang ama ng sanggol diyan sa loob ng katawan mo.., sinooo?!", muling sigaw ni Minyang.
"H-hindi ko alam, ate. Hindi ko talaga alam.", sagot ni Conching kasabay ng madalas na pag-iling.
Isang malakas at nakatutulig na sampal ang pinadapo ni Minyang sa mukha ng nakababatang kapatid!
Sumadsad ito sa dingding!
Hawak ang nasaktang pisngi ay wala pa rin itong nasabi at patuloy lamang sa pag-iyak.
"Ano ka, si Birheng Maria?! Nagdalang-tao na ang puri ay nanatiling dalisay?! Tigilan mo ako, Conching! Magsabi ka na ngayon pa lang habang nakakapagtimpi pa 'ko! O baka gusto mo pang ubusin ko ang lahat ng buhok mo sa katawan bago ka magsalita?! Kilala mo ako, kapag hindi ka pa nagtapat sa akin ay titiyakin ko sa'yong mata mo lang ang walang latay sa gagawin ko sa'yo!", pananakot ni Minyang.
"H-hindi ko siya nakilala, ate. H-hindi ko nakita ang mukha ng..., h-humalay sa akin!", pagkasabi ng gan'on ay humagulgol na ng iyak si Conching. Mahigpit nitong hawak ang damit na katapat ng dibdib. Ang takot at pangambang matagal nang gumugulo sa isipan at pilit na itinatago ay pinalaya na. Pusong kasing tigas man ng bato ay madudurog sa kahabag-habag nitong pananangis at pagluha.
Tila binuhusan ng malamig na tubig si Minyang sa ipinagtapat ng kapatid! Animo pinanawan ng lakas ang mga butong napasalampak sa sahig. Bahagya pang nakanganga at sa malayo napatingin. Hindi makapaniwalang daranas ito ng gan'ong uri ng pasakit .
Dahan-dahang nilapitan ni Conching ang kanyang ate. Nang hindi ito kumilos upang muli s'yang saktan ay niyakap ito kasabay ng paghingi ng tawad.
"A-ate, patawarin mo 'ko. Kung nakinig lang ako sa'yo, kung sana'y 'di ako pumunta sa talampas, hindi sana nangyari sa akin ang ganito. Hindi sana kita nasaktan. Hindi sana kita nabigyan ng napakalaking suliranin at labis na kahihiyan.", ani Conching sa pagitan ng pag-iyak.
Tila natauhan naman si Minyang. Malamlam ang mga matang pinagmasdan nito ang inosenteng mukha ng nakababatang kapatid na walang patid sa pagluha. Kinabig itong palapit sa dibdib at saka mahigpit na ikinulong sa kanyang mga bisig.
Ano nga ba ang nagawang kasalanan ng kanyang ng kapatid? Ito pa ba ang dapat n'yang sisihin sa kahayupang dinanas? Hindi ba't ito ang naging biktima sa kadimonyuhan ng taong gumawa ng walang kapatawarang pagkakasala?
"C-conching, kapatid ko.", sambit ng nanginginig n'yang mga labi. Ang masaganang luha ay bumabalong na rin sa kanyang mga mata.
"Ate.., ate...", tawag sa kanya ni Conching. Puno ng takot ang tinig nito. Nagpapasaklolo, umaamot ng lakas. Magagawa ba n'yang ipagdamot dito ang kanyang pang-unawa? Makakaya ba n'yang tikisin ito at pabayaan na lamang haraping mag-isa ang mabigat na pagsubok na kinakaharap?
Hindi! S'ya na lamang ang tangi nitong masasandalan! Hindi n'ya ito pababayaan lalo na ngayon at magpakailanman!
==========
Habang nakapamintana si Conching at pinanonood ang ilang dumadaan ay hindi naiwasan ni Minyang ang muling maiyak habang ito ay pinagmamasdan. Napakabata pa ng kapatid n'ya. Kung sino man ang may gawa ng kahayupang nangyari dito ay natitiyak n'yang napakasamang tao!
Kinse-anyos pa lamang siya at sampu naman si Conching nang magkasunod na mamatay ang kanilang mga magulang. Sa mura niyang edad ay natutunan na n'ya ang magbatak ng buto upang mabuhay silang dalawa.
Wala silang maaasahang kamag-anak na tutulong sa kanila. Sapagkat isang kahig isang tuka lang din ang mga ito gaya ng yumao nilang ama't ina.
Limang taon pa lamang ang nakakalipas, hindi pa sila lubusang nakakaahon mula sa mga pinagdaanang paghihirap ay heto at panibagong dagok na naman sa kanilang buhay ang dumating at kailangang harapin.
Isang malalim na paghinga ang hinugot at pinawalan n'ya mula sa naninikip na dibdib. Napaigtad s'ya nang lumingon sa kanya si Conching. Ngumiti ito sa kanya, isang ngiting puno ng pait. Pagkatapos ay malungkot uling dumungaw sa bintana.
Nilapitan n'ya ito. "Gusto mo ba kumain?", pinagsigla ang tinig n'yang tanong.
Umiling lamang ang kapatid.
"Ipinagluto kita ng espesyal na suman. Masarap!", aniya. Sinisikap na kahit kaunti ay mabawasan ang nararamdaman nitong pananamlay at kalungkutan.
Ngunit muli lamang itong umiling.
"Hindi tama ang ginagawa mo, Conching. Alalahanin mo, mayroong buhay na pumipintig sa loob ng iyong sinapupunan. Kung pababayaan mo ang iyong sarili, madamay s'ya. Kawawa naman ang iyong magiging anak.", paliwanag n'ya.
"Hindi mo ba s'ya mahal?", dugtong n'ya.
Mabilis s'yang nilingon ng kapatid, pagkatapos ay hinawakan ang tiyan at maingat na hinaplos.
"Kakain ako, ate.", anito.
Nagmamadali n'ya itong iniwanan at nang balikan ay dala na n'ya ang paborito nitong suman kasama ng isang tasang tsaa na umuusok pa.
Nakangiti n'ya itong pinanood habang kumakain.
BINABASA MO ANG
Si Baste at ang Tubig sa Bukal
Fantasy"Bakit lagi nila ako niaaway? Hindi ko naman sila niaano, a." Humihikbing sumbong ni Baste sa alagang aso. Tila nakakaunawa, ikiniskis naman ng aso ang ulo sa braso nito. Binata na si Baste kung pagbabasihan ang panlabas na kaanyuan, subalit ang...