Kanina pa nakatayo sa bandang gilid ng kalsadang may halamang gumamela si Baste. Masaya n'yang pinanonood ang mga batang naglalaro ng tumbang preso sa gitna ng kalsada. Napapatawa rin s'ya kapag nagtatawanan ang mga naglalaro. Napapailag at bahagyang napapaigtad sa t'wing tatamaan ang latang nakatayo sa gitna ng hugis bilog na guhit. Napapa-palakpak pa kapag tinatamaan ang lata at tumutulpik sa malayo.
Pikon na pikon na ang tayang si Owa. Burot na kasi ito sa laro at kahit anong bilis ang gawing pagpulot sa lata na inilalagay sa gitna ay hindi pa rin mataya ang kahit na sino sa nagtatakbuhang kalaro.
Lalo itong naasar nang makitang pumapalakpak at napapatalon si Baste sa t'wing tatamaan ang lata na kanyang binabantayan.
Magkasalubong ang kilay nitong dinuro ang nakangiting si Baste.
Mabilis na napalis ang tuwa sa mukha ng binata nang makitang parang nagagalit sa kanya si Owa. Mabilis n'yang iniyuko ang ulo at dahan-dahang tumalikod. Hindi pa siya nakakahakbang nang marinig ang malakas na sigaw ng matapang na bata.
"Hoy, Sinto!", tawag nito.
Napalingon s'ya at bahagyang nagtaka.
"Ako?", tanong n'ya kay Owa kasabay ng pagturo sa sarili.
Nagtawanan ang ibang bata na huminto sa paglalaro at magkakasabay na binuska ang burot na kalaro. Nagtutuksuhang inabangan kung ano ang gagawin ni Owa.
Magkasalubong na kilay at nagbabanta nitong tingin ang nagpumid sa nagkakaingay na mga bata. At saka gigil na gigil na binalingan ang natitigilang si Baste.
"Anak ng..., meron pa bang ibang sintu-sinto dito maliban sa'yo, ha?", asik nito.
"Ano, gusto mo ba sumali?!", paangil nitong tanong.
Nagtataka man sa pangalan na itinawag sa kanya ay napangiti agad si Baste. Inaaya s'ya ni Owa na sumali sa laro!
Mabilis at sunud-sunod ang ginawa n'yang pag-tango. Agad na nasabik!
Nagkatinginan ang ibang bata at nagtanguan matapos tignan ni Owa nang makahulugan. Sumasang-ayon sa kalokohang pinaplano nito.
Abut-abot ang pagkakangiti ni Baste nang pumagitna sa kalsada.
"Ikaw ang taya, ha? Bagong sali ka lang, eh.", nakangising sabi ni Owa.
Tuwang-tuwang tumango si Baste at saka seryosong binantayan ang lata na nakatayo sa gitna ng hugis bilog.
Nagtinginan muna kay Owa ang mga kasali sa laro at nang ibigay na nito ang senyas ay...,
Sunud-sunod na nagliparan ang tsinelas ng mga batang kasali. Pero imbis na lata ay si Baste mismo ang inasinta at pinatatamaan.
Sapul ang mukha ni Baste na agad namula!
Malakas na nagtawanan ang mga ito at matapos pulutin ang kani-kanyang tsinelas ay magkakasabay na nagtakbuhan palayo.
Naiwan si Baste sa gitna ng kalsada. Kagat ang pang-ibabang labi upang pigilin ang pagpatak ng luha.
Matapos pulutin ang lata at maitabi sa gilid ng kalsada upang hindi makatalisod ng mga taong magdaraan ay lulugu-lugo na itong naglakad palayo.
Pagkauwi ay agad na pumunta si Baste sa kanilang likod bahay. Naupo ito sa ilalim ng malagong puno ng sampalok. Dinama ang pisngi at ang ulong tinamaan ng mga tsinelas na ang karamihan ay sumapol sa kanya.
Nag-unahang pumatak ang luha sa kanyang mga mata. Lumapit naman ang aso n'yang alaga na kanina pa nakatingin. Tila nakakaintindi itong tumabi sa among umiiyak, ipinatong ang ulo sa hita ng binata habang malungkot na nakatitig.
"Bakit lagi nila ako niaaway? Hindi ko naman sila niaano, ah?", humihikbi n'yang sumbong sa alagang aso.
Tila nakakaunawa namang ikiniskis ng aso ang ulo sa braso n'ya.
Otomatikong humimas ang kamay n'ya sa ulo ng alaga habang patuloy pa rin sa paghikbi.
Umangat ang ulo ng aso at dinilaan nang dinilaan ang mukha ni Baste. Tila inaalo at nagsisikap na pasayahin ang kaibigang amo. Nakiliti ang binata kaya bumunghalit sa pagtawa.
Lalong nagharot ang aso. Ang tawa ng binata ay palatandaang nagtagumpay s'yang pawiin ang nadarama nitong lungkot at pagkaawa sa sarili. Hindi ito tumigil sa ginagawa, habang ang buntot ay kawag nang kawag.
Napahiga si Baste sa lupang kinauupuan dahil sa pag-iwas. Patuloy naman ang paghalik sa mukha n'ya ang kaibigang alaga. Malulutong na ang halakhak n'ya. Nasisiyahan sa paglalambing nito.
"Hahahaha!", kiliting-kiliti n'yang tawa habang pabiling-biling ang mukha.
"Ayoko na, Bantay! Suko na 'ko!", kunwaring saway n'ya sa alaga.
Tila alam ng aso na hindi totoo ang pananaway ng amo, kung kaya ipinagpatuloy pa rin nito ang paghalik sa binatang namumula na ang mukha. Nagtatawang niyakap ito ni Baste at parang taong kinausap.
"Bantay, lagi tayong bati, ha. Huwag tayong mag-aaway.", pakiusap nito.
"Aw! Aw!", masiglang kahol ni Bantay.
Ngumiti si Baste, naintindihan ang ibig sabihin ng pagkahol nito. Muli n'yang niyakap ang alaga at pagkatapos ay nakipaghabulan na.
Wala na ang pagdaramdam sa mga kalarong nanakit sa kanya.
BINABASA MO ANG
Si Baste at ang Tubig sa Bukal
Fantasía"Bakit lagi nila ako niaaway? Hindi ko naman sila niaano, a." Humihikbing sumbong ni Baste sa alagang aso. Tila nakakaunawa, ikiniskis naman ng aso ang ulo sa braso nito. Binata na si Baste kung pagbabasihan ang panlabas na kaanyuan, subalit ang...