Ang paglipas ng mga araw ay tila lubid na hinihila upang bumilis. Nakaumbok na ang tiyan ni Conching. Sa mat'yagang pag-aalaga at pagpapadama ni Minyang ng pagmamahal at pang-unawa ay nakayanan nito at nalampasan ang kalaspatanganang naranasan. Madalas na itong magsalita at palaging nakangiti. Masigla na at maganang kumain.
Kagampan na ni Conching. Naisipan nitong maglakad-lakad. Pabalik-balik na iniikot ang buong bakuran. Iyon kasi ang bilin ng hilot na magpapaanak sa kanya upang madali daw lumabas ang sanggol n'ya.
Habang naglalakad ay hinihimas nito ang malaking tiyan. Nangingiti pa habang panay ang pagsasalita na tila may kausap. Magkaminsan ay napapahagikgik na tila kinikiliti.
Napansin s'ya ng kapitbahay na si Aling Siling. Lumapit ito sa bakod at nakangiting nagsalita.
"Kamusta ka na, Conching? Ang laki-laki na ng tiyan mo, ah. Namamaga na ang iyong ilong at mga binti. Ikaw ba ay manganganak na?", nakangiti nitong tanong ngunit ang tunay na pakay ay mag-usyoso.
"Opo, gusto ko na po manganak! Gusto ko na po s'ya isama sa pagpanik sa talampas. Ipapasyal ko ang anak ko d'on at saka kami maglalaro. Maganda po sa talampas, malakas ang hangin. Gustung-gusto ko na makapunta uli doon.Isasama ko ang anak ko doon. Maghahabulan kami at saka---", tuluy-tuloy nitong pagsasalita na napigil na lamang nang kausap na ginang.
"H-ha? Ah, eh, o-oo sige.", naisagot na lamang ng kapitbahay.
"Natuluyan na nga yatang magluwagan ang mga turnilyo sa utak ng batang ito. Kawawa naman.", bulong nito.
Sandali pa nitong pinanood ang batang-batang buntis sa paglalakad habang may kinakusap sa tabi gayong wala naman s'yang nakikita.
Naiiling na lamang tumalikod ang ginang at nilampasan ang buntis na naglalakad pabalik-balik. Sanay na sila na makitang nagsasalita itong mag-isa. Tatawa, magagalit, sisimangot at biglang tatawa ng malakas. Kapag tinatanong ay malayo ang mga sagot. Minsan ay nakatulala at magkaminsan rin ay lagusan kung tumingin.
Tila may sariling mundo.
Parang may toyo sa ulo.
======================
Nang mamatay ang mga magulang ng magkapatid ay naging malulungkutin na si Conching. Tamilmil kumain at hindi nagsasalita. Nagkasakit pa ito sa sobrang kalungkutan. Inapoy ng lagnat at nagdedeliryong nangisay. Inakala nilang lahat na hindi nito malalampasan ang sakit. Na susundan na nito ang mga magulang na namatay.
Isang hapon ay narinig nilang nagpapalahaw si Minyang at humihingi ng saklolo. Nawawaladaw si Conching, may nagmungkahi na baka pumasok ito sa kakahuyan at pagkatapos ay nagtuloy sa talampas.
"Hindi s'ya makakalayo dahil kagagaling n'ya lang sa sakit. Ni ang pagtayo ay 'di n'ya magagawa, ang maglakad pa kaya at panikin ang talampas.", sabi ni Minyang.
Padilim na ay hindi pa nila makita ang kapatid kaya nagpasya si Minyang na magtungo sa loob ng kakahuyan at tignan ang kapatid kung naroon nga.
"Conching!", malakas na tawag ni Minyang. Huminto si Conching sa tila pakikipaghabulan at nilingon ang kapatid na tumawag sa kanya. Bumuka ang bibig nito na tila nagsasalita, animo may kinakusap gayong wala namang ibang naroroon kung 'di s'ya.
"Hindi ba't hindi pa lubusang magaling ang kapatid mo? Nang dalawin namin s'ya kahapon ay hinang-hina s'ya at 'di makatayo. Pero tignan mo at napakasigla na!", puna ng isang nakihanap.
Pababa na ang mga ito nang magtanong ang isa pa sa kanila. "Bakit punta ka nang punta sa talampas, Conching?Hindi ka ba natatakot na mag-isa roon?" tanong nito.
Agad na humagikgik si Conching imbis na sagutin ang itinanong sa kanya. Luminga ito sa katabi na wala naman at kinausap. Pagkaraa'y nagtakip ng bibig na parang pinipigil ang mapabunghalit.
Nagkatinginan na lamang ang magkakapitbahay na naghanap. Si Minyang man ay nag-aalala na rin sa kundisyon ng kapatid.
Pinagalitan at pinagbawalan na n'ya itong pumupunta sa talampas. Sumunod naman ang kapatid sa kanya, ngunit s'ya rin ang sumuko. Nang muling nanumbalik ang pananamlay nito at kawalang gana sa pagkain ay s'ya pa ang naghatid dito papuntang talampas. Hinayaan na lang n'ya dahil pagkagaling doon ay nagiging masigla ito at nakikipag-usap na sa kanya. Pinayagan na n'ya ito sa kasunduang hindi na magpapahapon sa pag-uwi at magpapaalam muna bago aalis.
Nang mapuna ng magkakapitbahay ang paglaki ng tiyan ni Conching ay mabilis na kumalat ang mga haka-haka at iba't-ibang opinyon ng mga taga Masapa.
Nang tanungin si Minyang ay matalim na tingin at matigas ang anyo ng mukha ang isinagot nito sa kanila. Nagbanta pa ito na oras na may marinig na malisyosong usapan laban sa kapatid ay papanagutin n'ya. Hindi nga pinag-usapan pa ang tungkol sa pagbubuntis ni Conching. Hindi dahil sa banta ni Minyang, kung 'di sa takot na maparusahan ng Engkanto na iniisip ng karamihan sa kanila na ama ng batang nasa loob ng katawan nito.
=======================
Lahat sila ay naghihintay sa pagsisilang ni Conching sa sanggol.
Gusto nilang malaman kung ano ang itsura nito.
Kung mukhang tao, nagahasa nga ito ng walang puso at kaluluwa nilang kababaryo.
Ngunit kung kakakiba ang anyo, anak ito ng isang Engkanto!
Ang usap-usapang iyon ay hindi nalingid kay Minyang. Ito man ay nag-iisip din ng gan'ong bagay. Ginahasa ang kapatid n'ya at hindi nito nakita at nakilala ang salarin. Maaring isa sa mga kapitbahay nila ang walanghiya. Ngunit naiisip rin nito na baka Engkanto nga ang gumahasa sa kapatid n'ya!
BINABASA MO ANG
Si Baste at ang Tubig sa Bukal
Fantasia"Bakit lagi nila ako niaaway? Hindi ko naman sila niaano, a." Humihikbing sumbong ni Baste sa alagang aso. Tila nakakaunawa, ikiniskis naman ng aso ang ulo sa braso nito. Binata na si Baste kung pagbabasihan ang panlabas na kaanyuan, subalit ang...