Kabanata 10: likod bahay

7.1K 356 22
                                    

Isang gabi....,

"Ah! Sakit t'yan ko!", daing n'ya. Nagising s'ya dahil sa paghilab ng tiyan. 

Tumagilid s'ya sa pagkakahiga at sinubukang tiisin ang nararamdaman. Nag-aagaw antok pa s'ya, idagdag pa ang dilim ng gabi kaya ayaw n'yang lumabas.Kailangan n'yang gumamit ng palikuran.

"Ah!", daing n'ya uli. Tumitindi na ang sakit at hindi na n'ya kayang magpigil. Bumangon na s'ya mula sa sahig na hinihigaan. Nagmamadaling tinungo ang pintuan at agad na binuksan.

Bahagya s'yang napalunok nang makitang napakadilim sa paligid. 

"Nakupo, ang dilim-dilim!", aniya. Nagdalawang isip na kung itutuloy pa ba ang pagpunta sa palikuran na naroon pa sa bandang dulo ng kanilang bakuran o muling babalik sa higaan at magpipigil na lang hanggang sa lumiwanag.

"Nakakatakot! Bukas na lang kaya? Kaya ko pa naman tiisin eh. Pipigilan ko muna. Bukas kapag maliwanag na saka na lang ako dudumi.", pangungumbinsi n'ya sa sarili.

''Ah!", daing na naman n'ya. Muling naramdaman ang paghilab ng tiyan. Nagdesisyon s'yang lakasan na lamang ang loob. Hindi na n'ya kayang magpigil pa. Nagmamadali s'yang bumalik sa loob ng bahay at kinuha ang gaserang may sindi. Dalawang beses s'yang nag-antanda bago ihakbang ang mga paa palabas. Gan'on ang nakikita n'yang palaging ginagawa ng Tiya Minyang n'ya bago lumabas ng pintuan para magtinda. Mailalayo raw sa kapahamakan ang lalabas ng bahay dahil babantayan ng mga anghel na ipapadala ng Diyos.

Huminga muna s'ya ng malalim bago tuluyang naglakad patungo sa kanilang palikuran.

Tila isang robot s'yang naglakad sa likod bahay, naninigas kasi ang katawan n'ya sa kaba. Kung bakit naman nakakadama na ng takot ay hindi pa n'ya maiwasang pakiramdaman ang paligid. Hindi man iginagalaw ang mukha, ang mga mata naman n'ya ay naglilikot. Panay ang galaw ng itim na bilog sa kaliwa't kanan upang tignan kung may katabi na ba s'ya o kaya'y may nakasunod sa kanya. Ang palitan at pagsasagutan ng mga panggabing ibon at insekto ay naghahatid ng mas nakakatakot na pakiramdam sa kanya. Gabi-gabi n'yang naririnig ang awitan ng mga kuliglig, sanay na s'ya sa ingay ng mga ito subalit kakaiba ang pakiramdam n'ya ng gabing 'yon. Malamig naman talaga ang hangin kapag gabi subalit ng mga sandaling 'yon, mas malamig ang dampi sa kanyang balat!

"Bantay, nasaan ka ba? Samahan mo naman ako. Nasaan ka ba?", bulong n'ya, pumiyok pa ang nanginginig n'yang tinig.

Hindi naman n'ya magawang hanapin sa paligid ang alaga sa takot na baka may makita s'ya ng mumu gaya ng pinagkukwentuhan ng mga bata no'ng isang araw.

"Ngiii, 'yoko makakita ng mumu! Takot ako d'on!", aniya. Ang kaba sa madilim na nilalakaran ay lalong lumakas.

"Kung kasama ko lang si Bantay hindi na ko takot. Matapang s'ya, papaalis n'ya ang mumu para 'di ako takutin.", paglilibang n'ya sa sarili. 

Hawak ang gasera sa isang kamay at ang kabila naman ay nakasapo sa tiyan na sumasakit, nagpasya s'yang lakihan ang paghakbang upang marating agad ang palikuran.

Nasa kalagitnaan pa lamang ng nilalakaran ay nagsayaw na ang apoy ng gasera n'yang hawak dahil sa malakas na hangin. Otomatikong tumakip ang isa n'yang kamay sa hangin upang hindi mamatay ang apoy.

Kung kaya lang pigilin ang tawag ng kalikasan ay tumakbo na sana s'ya pabalik sa loob ng bahay. Ngunit talagang hindi na n'ya kaya.

Nang sa wakas ay makarating na sa tapat ng palikuran ay agad n'yang hinawi ang kurtinang plastik. Iniusod ang hanggang bewang na yero na nagsisilbi nitong pintuan at saka nagmamadaling pumasok sa loob.

Pagkapasok ay agad nitong ipinatong sa ibabaw ng takip ng banga ang gasera at nagmamadaling hinubo ang de garter na salawal. Pag-upo ay agad na pinawalan ang dahilan sa pananakit ng tiyan.

Nang matapos at malinis ang sarili't palikuran ay lumabas na s'ya. Agad na napangiti nang mapansing nakikita na n'ya ang paligid. Hindi na ito kagaya kanina na napakadilim at nakakatakot. Naisip n'yang marahil ay nasanay na ang mga mata n'ya sa dilim. Na wala namang mumu sa kanilang likod-bahay.

LUmakas na ang kanyang loob. Hinanap ng kanyang mata ang alagang aso.

Bahagya n'yang inangat ang gasera upang mailawan ang mas madilim na parte ng likod bahay.

At nakita n'ya si Bantay. 

Nakita rin s'ya nito dahil luminga sa kanya.

Napakunot ang kanyang noo nang makitang nakatingala pa rin ito sa tapat ng puno ng kaimito at 'di lumapit sa kanya gan'ong dati-rati ay tumatakbo pa itong sumasalubong. 

Nagtataka s'ya kung bakit nakabahag ang buntot nito.  Aatras tapos ay aabante. Mag-aangatan ang mga balahibo sa batok na tila susugod. Ngunit muling mag-aatubili at paatras na hahakbang.

Nilapitan niya ang alaga na tumingin lamang sa kanya at pagkatapos ay muling tumingala.

Napatingala din siya.

Napanganga siya sa nakita! 

Isang napakalaking mama na may subo sa bibig at umusok ang doo'y nakaupo! 

Napaatras siya nang tumingin ito sa kanya! 

Naramdaman uli ang takot na kanina ay wala na!

Hindi n'ya malaman kung paano kakaripas ng takbo kasama ni Bantay!


Si Baste at ang Tubig sa Bukal Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon