MALAKAS ANG ULAN sa siyudad ng Maynila ng mga oras na iyon habang dinig ang umaalingawngaw na mga putok ng baril pati na rin ang sigaw ng mga taong tila nangangatog sa sobrang takot.
May isang babae ang mabilis na tumatakbo sa gitna ng isang madilim na eskinita, tila siya ay may tinatakasan. Bakas sa kaniyang itsura ang sobrang takot.
May hawak siyang isang baril sa kaniyang kanang kamay at flashlight naman sa kaliwa.
Sa lakas ng ulan na sabayan pa ng kidlat, hindi niya makita nang maayos ang kaniyang dinadaanan dahil sa sobrang dilim. Tanging ang dala niya lang na flashlight ang nagsisilbi niyang ilaw.
Ang diretsong eskinita na kaniyang dinadaanan ay maputik dahil sa malakas na ulan. Sa itaas ng bakod nito ay may nakalagay na mga makalawang na barbed wire.
Sa pagtakbo niya, tuloy pa rin ang naririnig niyang mga nakakasindak na sigawan ng mga tao dahil sa takot pati na rin ang sunod-sunod na mga putok ng baril.
Habang siya ay tumatakbo, ramdam niya ang malamig na simoy ng hangin na dulot ng malakas na ulan. Sa hindi inaasahan, umabot siya sa bahagi ng eskinita na kung saan ay may mga nakasabit na bangkay ng tao sa itaas ng bakod at may nakapalupot na barbed wire sa leeg ng mga ito. Tumutulo rin ang dugo ng mga ito mula sa bibig. Nabigla siya nang makita niya ang mga iyon.
Huminto siya sa pagtakbo at tiningnan ang mga bangkay, bakas sa kaniyang itsura ang matinding takot ng mga oras na iyon.
Kabado niyang nilapitan ang isa sa mga bangkay at tinutukan niya ng ito ng baril at flashlight sa mukha.
Mahigit ilang segundo niya itong tinititigan hanggang sa bigla na lang itong nagising. Nakita niya ang nakakatakot at nakapanghihilakbot nitong itsura. Halos mapalundag naman siya sa gulat kaya siya ay napa-atras at biglang nadulas patalikod. Napa-upo naman siya at aksidente niyang napindot ang hawak niyang baril.
Umalingawngaw sa buong siyudad ang putok nito na siyang gumising sa iba pang bangkay. Sa paggising ng mga bangkay ay walang tigil sa pag-atungal ang mga ito. Ang pag-atungal nila ay nakakakilabot at nakakapanindig balahibo.
Tumayo naman kaagad siya at dali-daling dinampot ang kaniyang baril. Patuloy naman ang pag-atungal ng mga bangkay. Sa hindi kalayuan, may narinig siyang atungal na mas malakas at mas nakakakilabot, nanggaling sa dinaan niya kanina, ngunit napakadilim na at napupundi pa ang ilaw ng kaniyang flashlight.
Sinubukan niyang ilawan ang dinaanan niya kanina ngunit wala naman siyang makita na kahit ano dahil sa sobrang dilim.
Ilang sandali lamang ang nakalipas, nang may isang taong biglang lumitaw habang tumatakbo palapit sa kaniya, ang taong iyon ay naaagnas ang mukha at may mga bahid ng dugo sa damit.
Nang palapit na ito sa kaniya, dali-dali niya naman itong binaril sa ulo at kasabay no'n ay ang pagtalsik ng dugo nito, kaagad na bumagsak ang katawan ng bangkay sa maputik na sahig ng eskinita.
Bigla namang may lumabas pang dalawa habang umaatungal kaya nataranta siya at nanlaki ang kaniyang mga mata sa takot kaya naman binaril niya kaagad ang mga iyon sa ulo.
Dahil sa pagkataranta niya, hindi na niya namalayan na siya ay napa-atras malapit sa bakod na may nakasabit na mga bangkay. Bigla siyang hinila ng isa sa mga ito, hinila ang kaniyang buhok kaya siya ay napasigaw at nabitawan ang hawak niyang baril at flashlight.
Nagsisisigaw siya dahil sa takot at sakit na sabayan pa nang humihila sa kaniya. Nagpumilit siya hanggang sa makawala rito sabay dampot kaagad sa nahulog niyang gamit, nang dadamputin na niya ito, nakita niyang buhay pa pala ang isa sa dalawang bangkay na binaril niya kanina, ngunit nakadapa na lamang ito.
BINABASA MO ANG
Quarantine (Published Under Lifebooks)
Mystery / ThrillerDue to the rapid spread of an unknown virus that causes a malfunction to human lungs resulting to severe coughing, difficulty in breathing, blood vomiting, and redness of eyes that can eventually lead to death, the Philippine government decided to q...