I

2 0 0
                                    

Hindi ko talaga maintindihan bakit kailangan pa ng seremonyas sa pagtatapos ng Grade 10, masiyado siguro tayong attached sa kultura natin na hanggang k-10 lang ang curriculum. Pero ngayon kasing binago na ang program bakit may pa-moving up pa? Pare-pareho lang din naman tayong tutungtong ng Senior High.  Naaabala na naman tuloy akong maghanda ng maaga imbes na nagpapahinga ako ngayon at simula na ng bakasyon. Ilang araw din kaya ang ginugol namin para lang magpractice nitong moving up na ‘to, akala mo naman may mamumuna sa inyo kung hindi kayo sabay sabay ng pagtayo o pag upo, huling araw mo na nga kasama ng mga kaklase mo, hawak ka pa rin nila sa leeg.

Malapit lang naman ang pagdadaungan ng seremonya, puwedeng puwede lakarin mula sa bahay namin, kaso itong nanay ko ayaw mapawisan, mas naghanda pa siya kaysa sakin. Siya na lang ang hinihintay namin ng tatay ko dahil napakabagal talaga maghanda nito, buti pa ‘tong ate ko, mahimbing pa ring natutulog sa kwarto niya, palibhasa ‘di sasama dahil limmitado lang ang bilang ng bisita sa lugar.

“tara na? magtaxi na lang tayo ha, baka malusaw pa ‘tong pinamake up ko kay bakling” sa wakas! Natapos at sumunod na rin sa amin si mama. Mauubos na ang mga salita ko kakapuna ng mga bagay bagay sa paligid ko e. Naglakad na kami at pumara lang ng taxi ang tatay ko. Maaga pa naman, ‘di ko naman kasi ugaling malate dahil ayokong maging sobrang paespesyal, kaya ako na rin mismo ang gumising sa kanila kanina para maagang makapaghanda, lalo na’t alam kong napakabagal kumilos ng aking ina.

Nasa  loob kami ng taxi at ang mahal kong nanay ay sige pa rin sa pag aayos sa buhok ko, “sabi ko naman kasi sa’yo dapat sumabay ka na ng pagpapaayos sakin e, arte arte mo naman kasi” sabi niya habang sinusuklayan ako. Hay naku, ako pa talaga ang maarte dahil hindi ko pinagalaw ang buhok ko do’n sa nag aayos kay mama na tinatawag niyang bakling, balak pa akong ipakulot, susmio naman, may graduation pa naman ako kapag natapos ko ang Senior ko, at saka hindi naman ako hahakot ng medalya para maayusan ng bongga, kaya walang makakapansin sa akin o sa itsura ko.

Nakarating kami sa pagdarausan ng seremonya, medyo marami na rin ang tao. Tahimik lang ako, nguminiti lang sa mga kaklase kong nasasalubong ko, mas marami pa ngang nakakausap itong nanay at tatay ko kaysa sa akin e.
Nang makita ko ang registration, nagpaalam ako sa kanila dahil kukunin ko pa sa registration ‘yong mga palamuting sinasabit sa ‘graduates’ gayundin naman ‘yong pin na ikakabit sa mga magulang. Habang kinakabit sa akin ng isa kong guro ang palamuting bulaklak ay dumating naman ang isa kong kaibigan na si Anj, kagaya ko halatang hindi rin siya excited sa seremonyng ito at tila ‘di na makapaghintay na matapos ang lahat. Si Anj ay kakilala ko simula pa lang ng elemtarya, hindi kami palaging magkaklase at hindi rin naman kami ‘yong tipong magkaibigan na palaging naglalaro o nag uusap. Naging magkaibigan lang kami dahil pareho kaming mahilig magbasa, no’ng una ay ‘di ko naman siya masiyadong pinapansin dahil kilala’t marami rin siyang kaibigan, at isang araw nagkatabi kami sa library, at doon simulang nagkausap kami at nakapagkwentuhan. Pagdating ng Junior High hindi ko alam kung anong nangyari sa kaniya, pero gaya ko ay naging mailap na siya sa tao, mas naging tahimik. Lumapit ang mama niya sa amin para makapagpicture kaming dalawa, tinawag ko rin ang tatay ko para makuhanan din kami ng litrato para magkaroon kami ng sarili naming kopya. Pagkatapos noon ay kung saan saan na siya dinala ng kaniyag nanay para makipagpicture, ako naman ay naglibot ng kaunti at sinubukanag maghanap ng makakausap.

Hindi ko alam kung ano bang klase akong estudyante sa tipikal na High School, hindi naman ako ‘nerd’, bahagyang weirdo raw sabi ng mga kaibigan ko, at sadyang intimidating lang daw ako. May mga kaibigan naman ako, may tropa rin akong kinabibilangan, pero ganito na yata talaga ako; palaging bagot, madalas tinatamad, at mabilis maumay, ayoko ng mga paulit ulit na pangyayari, ayoko ng mga bagay na wala naman akong mapapala at ‘di ko rin naman mapapakinabangan.

Tiningnan ko ang relo ko dahil gusto ko na talagang umupo, sampung minuto na lang at papapasukin na kami sa mismong hall. Nakita kong tinatawag na ng mga guro ang mga estudyante upang magsipila at masimulan na ang pagmartsa.

- -

Mabilis naman yatang natapos ang seremonyas, at halos panay lang ang hikab ko sa buong pagdaraos, dalawang beses lang akong umakyat ng entablado, una para makuha ang medalya dahil kahit papaano ay nakakalusot ako sa puwesto ng matatalino, at pangalawa ay para kuhanin ang diploma ko. Diploma nga bang matatawag ‘yon e hindi naman talaga kami nakapagtapos, tutungtong lang din naman kami sa panibagong baitang sa susunod na taon.

Ngayon ay panay na ang ngiti ko dahil sa wakas kasama ko na sa mga litrato ang barkada kong sina si Venne, Anj, at Pisces. Nagsimula nang mag iyakan ang karamihan sa mga kaklase ko, akala mo naman talaga ay mamamaalam na. itong mga kaibigan ko naman ay parang wala lang, nagbigayan ng mga liham, at sunod ay kaniya kaniya na ring nagsibalik sa mga pamilya namin.  Walang luha na pumatak sa amin, alam ko namang walang lalayo sa amin, at ‘di naman sa ganito natatapos ang pagkakaibigan. Ayokong husgahan ‘yong mga nagsiiyak, pero siguro dahil mababaw lang talaga ang luha nila. Hindi ko maintindihan ‘yong nararamdaman nila, lungkot ba ‘yon o tuwa? Bakit ka malulungkot kung alam mong ‘di ka mawawala? O baka ‘yon nga ‘yon? Nalulungkot sila dahil mawawala na sila, iiwan na lang nila itong pagkakataon at lilingunin bilang isang alaala. Hindi ko rin alam, lilipas at lilipas din naman talaga ang panahon, kaya normal lang na bitawan ang bawat araw ng nakaraan, pero bakit ka maghihinagpis sa bagay na matagal naman ng nangyayari? Nakakapagod makiramdam, nakakapagod magkaemosyon, nakakaubos ng enerhiya.

“March! Tawagan mo na ang ate mo at pasunurin mo na rito, bilisan niya kamo habang wala pa tayo sa restau!” tawag ng nanay ko sa akin. March. Tinamad na ba talaga silang pangalanan ako at March na lang talaga, buti at hindi Sunday o Nineteen pinangalan nila sa akin ano? Dapat sa akin na lang pinangalan ‘yong Pisces e, dahil Zodiac Sign ko rin ‘yon, mas cool pa ‘yon, pero ‘tong si Pisces ‘di naman niya talaga ‘yon pangalan, Elle ang pangalan niya. Masiyado lang bida bida no’ng una kaming nagkakilala dahil wala kaming ibang diskusyon kun’di astrology tapos ay nakalimutan niya pang ibigay ang pangalan niya, kaya ang natandaan ko lang no’n ay ang sign niya, at doon na nagsimula na nasanay akong tawagin siyang Pisces.

Tinawagan ko na ang kapatid ko na pasunod na rin daw sa amin. Habang naglalakad papunta sa sakayan ng taxi ay nasalubong naman namin ang pamilya ni Venne. Magkaibigan ang tatay namin dahil pareho silang naglalaro ng basketball, at ang ate naman ni Venne ay naging kaklase rin ng ate ko. Napakaliit ng mundo naming dalawa, kulang na lang ay rebelasyon na magkapatid pala talaga kami o magkakamag anak. Masiglang tao si Venne, kabaliktaran namin ni Anj, pero kaming apat na magkakaibigan ay pare-parehong mahilig sa sining.

- -

Natapos na ang nakakapagod na araw na ‘to at gusto ko na lang matulog. Hindi ko na inabangan pa sa social media ang mga posts nila, bagkus ay humilata’t tumulala na lang ako sa kisame ng kwarto ko. Hindi ko na alam ang susunod na mga mangyayari sa buhay ko, lilipat na kami ng eskwelahan, hindi ko alam anong dapat asahan, gusto ko sana maging makulay ang huling dalawang taon ko sa high school pero hindi ko alam kung  paano gagawing posible. Wala rin akong konkretong plano para sa sarili ko. Hindi ko alam kung anong kurso ba dapat kong kunin sa kolehiyo. Nagpapatangay lang din ako sa plano ng tadhana sa akin. Wala man lang akong gustong marating, wala man lang akong gustong maging, basta kung para sa akin ay para sa akin. Bahala na ang kinabukasan, ang importante ay ang matapos ko ng buhay ang kasalukuyan.

The SearchTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon