Mala-pista ang malugod na pagtanggap sa mga buhay na bayaning nakipagsapalaran sa digmaan sa bungad ng Kaharian ng Kanluranan. Ilang pamilya na naman ang nawalan ng haligi ng tahanan sa walang katiyakang kinabukasan.
Palakpakan ng mga taong nakahilera sa arko ng tarangkahan na tilang mga kalapati sa himpapawid, hiyawang punong-puno ng kagalakang makita muli ang mga mahal sa buhay magmula sa kanilang anak na lalaki hanggang sa asawa, ng mga nakadungaw sa kani-kanilang tahanan. Mga rosas na paulan ng mga musmos sa kaitaasan, at mga luhaan ng mga nasawiang maybahay na nakahandusay sa daan.
Nakapila ang mga kawal at kabalyero papasok, duguan mula ulunan maging ng talampakan at mga sandata, punong-puno ng putik ng labanan. Ngunit kahit malata ang mga katawang-lupa, pilit nilang ipinakita ang pagguhit ng mga matatamis na ngiti sa madudungis na mukha ng tagumpay habang naglalakad.
Natanaw ko ang aking ama, sa puting kabayong nangingitim at mapula-pulang kayumanggi. Nakangiti habang kumakaway sa madlang madaraan. Ito ang unang pagkakataong nakita kong nakangiti ang aking ama, makalipas ang mahabang panahon. Hindi ko matandaan ang huling pagkakataon at paniguradong noong ako ay musmos pa lamang.
Nagkasalubong ang aming mga mata, tumango siya at binalik ko ang pagtango. Nagpatuloy ang paglakad ng mga kawal at kabalyero patungo sa palasyo. Kaniya-kaniyang puwesto ang mga tao sa paligid ng monumento ni Naur sa Gitnangpatyo, tinitiis ang lamig ng hanging napakasungit.
Nagbabadya ang langit na lumuha ng niyebe.
Sinalubong ako ng mga nagkalat na talulot sa bawat sementadong baitang patungong silid-luklukan. Sa pagbukas ng dalawang pintong may nakaukit na walonsulok, pinaliwanag ni Alona ang nagdidilim na lansangan. Nakahanay ang mga dakilang maharlika at malalayong hinlog nila, ang iba ay nakaupo. Sa kaliwang haligi ng silid malapit sa luklukan, tanaw na tanaw ko ang aking ama, sa kumikinang nito at bagong linis na malagintong baluti at sa makinis ang pagkakunot na noo sa nakaayos na buhok, nakikipag-usap sa mga kapwa niya komandante at ilan sa mga napakahalagang panauhin.
Nangingibabaw ang luklukang nakataas sa sahig ng hari. Luklukang yari sa batongpunong-kahoy na may masalimuot na pinatag na sanga-sanga sa ulunan, mga nakaukit na larawan ng dyos at dyosa sa sandalan ng likuran ng hari. Ayon sa kasaysayan, ang luklukang ito ay ang siyang pinakamatandang puno sa buong daigdig, na siyang likha ni Naur sa pamamagitan ng kidlat at siyang dyos ng lahat ng mga dyos at dyosa at ng mga nilalang nito sa lupa.
Nasilayan ko si Ibaren, karaniwang naka-bughaw na tunika, maayos ang mahabang buhok na hanggang balikat, nakaayos ang tindig at nag-iisa sa gilid ng ikalawang haligi mula sa pinto.
Sa tugatok ng silid-luklukan, sa bawat haligi nito, nakalaylay ang mga tela ng sagisag ng mga dakilang angkan ng buong kaharian; Isahan sa kaliwang unang haligi—na may ginuntuang kalasag at kamao sa gitna nito. Makaya sa kanang unang haligi—puting kalapati sa itim na kalasag. Masala sa sunod na kaliwa—itim na bituing may walang sinag, sa luntiang kalasag. Kasila sa sunod na kanan—puting leyon sa bughaw na kalasag. Hayaan sa pangatlong kaliwang haligi—sagisag ang puting kalasag na may nakatindig na kulay-biridyan sa gitna nito. Nayon sa kanan kahilera ng Hayaan—puting Samayari sa pulang kalasag. Kannoyan na kasunod sa kaliwa—puting kalasag na may itim na baliktad na tatsulok. Lahar sa kanan—kalasag sa payak na pula. At Biridyan—kalasag na kulay-biridyan, sa gitna ay may puting usa na pinagigitnaan ng puting tesoro, pinakamalaking sagisag sa buong silid, na nasa tuktok ng luklukang inuupuan ngayon ng hari.
Nasa gawing kanan ng hari, si Elroy, nakatayo. Ang prinsipe ay nasa kaliwang malaharing upuan magmula sa hari at ang prinsesa sa kanang upuan. Nakatayo naman sa sementadong baitang sa magkabilang haligi ng silid-luklukan ang mga kapita-pitagang lupon ng hari.
Tumahimik ang lahat sa pagdagundong ng kampana, subalit nangingibabaw ang pagdadalamhati ni Mayanara Kannoyan at ng kaniyang dalawang anak na babae—Anara at Innes. Sa bawat alingawngaw ng kampana, dahan-dahang lumalakad ang mga kawal patungo sa hari, buhat-buhat ang namumulaklak na letso de muwerte, makikita ang sumakabilang-buhay na nakahiga sa puting telang yari sa seda.
![](https://img.wattpad.com/cover/231659660-288-k738488.jpg)
BINABASA MO ANG
Ang Daigdig sa Kahulihulihang Hangganan
FantasyPatuloy ang pag-igting nang pag-aagawan ng lupa sa hilagang nasasakupan ng Kaharian ng Kanluranin at Kaharian ng Kanluranan sa nagdaang tatlong taon ng digmaan. Kasabay nito ang lumalalang kagutuman sa buong kaharian dahil sa kapabayaan ng mga namum...